Inday TrendingInday Trending
Karma ng Tsismosa

Karma ng Tsismosa

Umaga na naman at kumpleto na naman ang mga chismosa sa Rizal Street. Nasa harap ng bagong bukas na tindahan ang mga chismosa at umiinom ng softdrinks. Sino pa ba ang nangunguna kundi ang kanilang pinuno ng mga chismosa sa street na iyon, walang iba kundi si Aling Berna.

Walang chismis ang makakalampas sa babae, walang makaliligtas sa matalas na tenga ni Aling Berna. Balakubak, kuto, alipunga, tinga, at mabahong hininga, pati away ng pamilya ay detalyadong-detalyado ang mga chismis na manggagaling sa babae. Walang tigil ang bibig nito sa pagkukuwento sa mga kapwa niya chismosa.

Simula tanghali hanggang sa maghapon ay walang tigil ang sa pakikipagchismis ng babae. Alas-singko ng hapon na at nagpaalam ng umuwi ang chismosang si Aling Berna nang biglang may tumigil na tricycle sa tapat ng tindahan na tinatambayan nito at ng iba pang mga chismosa.

Napatigil sa pagkukwentuhan ang mga ito at napatitig sa babae na kabababa pa lamang sa tricycle. Hindi sila pamilyar sa mukha nito dahil mukhang bagong lipat pa lamang ito sa kanilang barangay.

Tinanong ni Aling Berna si Elena, ang may-ari ng tindahan, kung sino ba ang babaeng kabababa pa lamang ng tricycle.

“Mukhang bago lang dito. Kalilipat lang siguro n’yan Berna,” sabi ng may-ari ng tindahan.

Naisip ni Aling Berna na siguro ay galing probinsiya ang babae base dahil sa kasuotan nito.

“Saang probinsiya kaya galing itong babaeng ito? At bakit kaya lumipat siya rito? May mga lihim kaya itong maichichismis ko? Hindi ka makakaligtas sa galing ko,” sambit ng babae sa kanyang isip habang naka ismid.

Naglakad na pabalik ng bahay ang babae habang pinagmamasdang mabuti ni Aling Berna ang babaeng nagbubukas ng pinto ng bahay niya. Laking gulat ng niya nang biglang lumingon ang babaeng nasa harap ng pinto na para bang alam nito na siya’y pinagmamasdan ni Aling Berna.

Dahil halos katapat lang ng bahay ng babae ang bahay ni Aling Berna ay madali lang makasagap ng chismis ang ale na maipagkakalat niya sa barkadang chismosa nito. Kinagabihan, matapos kumain ay agad namang naglinis ng pinagkainan si Aling Berna. Habang abala sa paghuhugas ng pinagkainan ay hindi napapansin ni Aling Berna ang babaeng nakalambitin pabaliktad sa ‘di kalayuang puno.

Hindi nagtagal ay tumalon agad ang babae sa bakanteng lote. Matapos maghugas ay napansin ni Aling Berna ang naglalakad sa gilid ng kanilang bahay. Sa pagtataka niya ay nagmadaling lumabas ng bahay si Aling Berna upang tignan kung sino ang babae na naglalakad sa bakuran nila. Ngunit paglabas ng babae ay naroroon na ito sa tapat ng bahay nila at nakita niya kung paano maglaho ang babae sa dilim.

Sa mga sandaling ‘yun ay maririnig ang mga alulong ng aso sa labas. Agad namang pumasok si Aling Berna sa takot dahil sa kanyang nasaksihan.

“Paano nangyari ‘yon? Bakit parang ang bilis naman kumilos ng babaeng ‘yon?” kinakabahang bulong ni Aling Berna sa kanyang sarili.

Ilang oras ding minatyagan ni Aling Berna ang babae sa likod ng bintana ng kanilang bahay. Halos idikit na niya ang kanyang mukha sa bintana upang may maaninag sa kabilang bahay. Nakita niya naman ang babae na papasok na sa bahay nito. Nakikita niya ang pag-akyat ng babae sa hagdan dahil sa gaserang gamit nito. Nasabi ni Aling Berna na “mas madali ko sana makikita ang babaeng ‘yan kung may ilaw sana ang bahay niya. Pisti!” inis na sabi ni Aling Berna.

Laking gulat ni Aling Berna nang pagkurap lamang niya ay nakatingin na rin ang babae sa kanya sa kabilang bahay. Naaninag ng chismosa ang pagngiti nito na mala-demonyo at tila ba parang nagbabago ang anyo! Napansin din ni Aling Berna ang paggalaw ng babae na para bang binabantayan din siya nito.

Sa takot ni Aling Berna ay nagtago ito sa likod ng kurtina at nagpakalma.

“Nagbago ng anyo?! Anong klaseng nilalang yan?!” Sa takot ay pinili ng babaeng chismosa na palipasin na lamang muna ang gabi at ichichismis niya ang kagimbal-gimbal na pangyayari kinabukasan.

Umupo na si Aling Berna sa kama sa tapat ng bintana na kinatatayuan nito kanina. Balot man ng takot ay pinilit na lamang niyang matulog. Dahil siya lamang mag-isa sa bahay ay nakatalukbong itong natulog. Hindi alintana ang init basta nakabalot siya ay pakiramdam niya ay ligtas na siya.

Pagdating ng alas dos ng umaga ay nagising si Aling Berna na para bang may bumubulong malapit sa kanyang tenga. Pinilit intindihin ng babae nguni’t para bang ibang lengguwahe ang gamit nito. Hindi niya mapaliwanag ang salitang kanyang naririnig nguni’t para bang ipinag hehele siya dahil nahihilo siya sa antok.

Lumipas ang ilang minuto ay hinayaan na lamang ng ale na makatulog siya at inisip na tinatakot lamang niya ang sarili niya. Ang hindi niya alam ay may babae na nakasilip sa kanyang bintana na bumubulong sa awang ng bintana sa kanyang kwarto.

Unti-unting binubuksan ng babae ang bintana at mabagal na inilabas nito ang kanyang dila na sing nipis ng sinulid. Unti-unti nitong tinungo ang pusod ng tulog na babae at pinasok ang dila sa loob ng tiyan nito.

“Ako pa talaga ang sinubukan mo…” nakangising saad ng babae sa kanyang isip, “maling-mali na ako ang pinagtuunan mo ng pansin. Nakakaawa ka naman, hindi mo man lang nalaman na buntis ka pala. Dahil sa kachismosahan mo, hindi mo napansin ang mga sensyales ng pagbubuntis mo. Ito ngayon ang karma mo,” natutuwang sabi ng babaeng aswang sa kanyang isip.

Pag dating ng bukang liwayway ay nagkagulo ang Rizal Street dahil sa kagimbal-gimbal sa nangyari sa ngangunguna sa chismisan sa kanilang lugar. Nagising ang mga tao sa paghingi ng tulong ng asawa nito. Ang sabi ng asawa ni Aling Berna ay nag-overtime siya para tapusin ang ginagawang mga papeles sa kanyang opisina kaya hindi ito nakauwi. Ni wala rin daw itong ideya na buntis na pala ang kanyang asawa at inaaswang na. Natagpuan na lamang daw ito na nakahiga sa kama at wakwak na ang tiyan ng babae at wala nang dugo.

Simula ng pangyayaring iyon ay hindi na nagpakita pa ang babae sa may tapat ng bahay nila aling Berna. May mga chismis na baka raw ito ang umaswang kay Aling Berna.

Simula rin noon ay wala nang makikitang naglalakad sa labas ng kanilang lugar sa pagsapit ng alas sais. Maging ang mga chismosa ay natakot na rin makipagchismisan dahil baka raw sila na ang isunod nito.

Kaya maging maingat kung sino man ang pag-uusapan dahil baka kayo ay balikan at magtungo ito sa inyong katapusan.

Advertisement