Ang Rason sa Likod ng Muhi
Kakaiba ang tingin kay Maris habang naglalakad sa loob ng paaralan. Suot niya ang uniporme at ito ang unang araw ng pasukan.
“’Wag mo sila pansinin. Inggit lang yang mga yan!” sabi ng kapatid niya na si Krista.
Kasabay niya itong maglakad. Nagbaba siya ng tingin at umiwas sa panghuhusga ng mga ito.
“Siya ba ‘yun?”
“Grabe, ba’t andito yan?”
Gayunpaman, hindi nakaligtas sa kanya ang mga pasimpleng bulungan ng mga ito. Siguradong marami silang naiisip at nahusgahan na ng mga ito ang kanyang buong pagkatao.
“Dalian natin, Krista,” saway niya rito at binilisan ang paglalakad hanggang sa mapalayo sa mga taong iyon.
“Ba’t ka ba nagmamadali? ‘Wag mo sabihin na nahihiya ka, ha! Wala ka namang dapat na ikahiya!” giit nito.
“Anong wala? Kilala nila kasi ako nabuntis ako kaya huminto sa pag-aaral tapos babalik-balik pa ako.”
Inirapan siya ng kanyang kapatid. Alam nitong tama siya, kaya tumigil ito sa pagsasalita.
“Ano naman? Pakialam ba nila!”
Sumimangot ito lalo. Alam niyang mahal siya nito kaya pinagtatanggol siya ngunit alam niya ang kamalian niya.
“Bakit? Pinagsisisihan mo ba ang pamangkin ko?”
Minsan nagsisisi siya sa nangyari ngunit kapag nakita niya ang ngiti ng anak na si Danah ay nabubura ang lahat ng kanyang pangamba sa buhay.
“Hindi.”
Mukhang nakahinga ito ng maluwang sa kanyang sagot. Ngumisi siya rito.
“O sige na, ate ha? Una na ako. ‘Wag kang lalapit sa babaeng bruha na ‘yun,” gigil nitong saad.
Humalakhak siya. Ang tinutukoy nito ay si “Colline”, ang pinaka-mahilig mang-api sa lahat.
Lahat ng tao ay binu-bully nito. Siyempre, hindi rin siya nakaligtas. Ginagawa nito ang lahat. Hindi niya rin matandaan na may kasalanan siya rito kaya hindi niya naiintindihan kung bakit ito ganito?
Kaibigan niya ito noon ngunit bigla itong lumayo sa kanya. Hanggang sa lumala ang trato nito.
Bago magpunta sa unang klase ay dumaan muna siya sa palikuran. Ngunit bigla ay pumasok ang isang grupo ng mga babae, kasama si Colline.
“Nandito pala! Nandito pala ang malandi!” anito.
Pinilit niya na magsawalang-kibo. Gusto niyang makatapos sa pag-aaral ng matiwasay para sa anak at mga magulang.
“Ano? Pipi ka ba? Walang bibig? ‘Di ako naniniwala, kasi ang galing mo ngang manlandi!”
Nagtawanan ang mga kaibigan nito. Hindi siya lumingon. Nagtitimpi.
“Hindi ko alam kung paano ka pa natanggap ng magulang mo e? ‘Yung anak mo kaya? Anong mararamdaman ‘pag nalaman na ikaw ang nanay niya?” Hindi pa rin ito tumitigil sa pangungutya.
Tumungo siya.
Hindi dapat magpaapekto, Maris.
Ngunit nang hilahin nito ang kanyang buhok ay napaupo siya sa sahig. Sinipa siya, sinuntok at sinabunutan. Hindi siya makapanlaban dahil marami ang mga ito.
“Anong nangyari sa’yo?” tanong ng kanyang ina nang makita siya.
Hindi siya nagsalita ngunit niyakap niya ito. Mahal na mahal niya ang kanyang ina, nang mabuntis siya ay naramdaman niya ang galit nito sa kanya.
Ngunit nang humupa ay sinuportahan siya at hindi kailanman naisip na ipalaglag ang anak. Ganun ito kabuting tao.
“Wala po, nanay. Nadapa lang ako kanina,” pagsisinungaling niya.
Ayaw niyang magsinungaling pero kapag sinabi niya ang totoo ay mag-alala ito lalo.
“Sige na, nanay. Alis na po ako. Pabantayan na lang po muna si Dannah.”
Hinalikan niya ang anak bago umalis. Isa siyang estudyante sa umaga, waitress sa gabi.
Kailangan kasi niyang kumita lalo na at may anak na siya.
“Isa pa! Yung matapang! Dalian mo!” rinig niyang sabi ng isang customer na mukhang lasing na.
“Ma’am, lasing na kayo.” sabi ni Jude, ang nagtitimpla ng alak.
“Wala akong pakialam! Magbabayad ako!” sigaw ng babae.
Lumapit siya rito.
“Colline!” tawag niya. Tiningnan siya nito ngunit masyado na itong lasing para pagsalitaan siya ng masama.
“Lasing na. Kilala mo ba?” tanong ni Jude. Tumango lang siya. Kinuha niya ang bag nito para hanapin ang cellphone.
Nakabukas agad iyon. Nakita niya ang palitan nito ng mensahe sa magulang nito. Galit ang magulang at minumura siya habang panay ang paghingi nito ng tawad.
Ang huling salita ay: “Lumayas ka! Wala akong anak na malandi!”
Aksidenteng nahulog ang bag nito at tumalsik ang mga gamit. Nanlaki ang kanyang mata nang makita ang isang puting bagay na alam niya na.
Dalawang linya. Buntis ito.
“Colline, uwi na. Lasing ka na,” tawag niya rito.
Dumilat ang babae ng bahagya. Tinuro siya nito, “Maris? Ikaw?” anito at natawa nang kaunti.
“Ayoko sa’yo. Bakit lahat ng tao ay tanggap ka? Pareho lang naman tayong nabuntis, ah! Bakit ikaw ay tanggap ng magulang mo? Samantalang ako? Hindi!” Paputol-putol nitong sinabi sa kanya habang tinuturo siya.
“Oo nga pala! Siyempre walang maniniwala sa akin, na yung tatay ko? Tatay rin ng anak ko,” bunyag ni Colline.
Bumuhos ang luha nito kasabay ng kanya. Niyakap niya ang matalik na kaibigan at naintindihan ang rason sa likod ng ipinapakita nito.
Bumuhos ang luha nito kasabay ng kanya. Niyakap niya ang matalik na kaibigan at naintindihan ang rason sa likod ng ipinapakita nito.
“Tutulungan kita, tutulungan kita, Colline,” paulit-ulit niyang sinabi habang niyayakap ang kaibigan.
Kinabukasan ay nagpunta siya sa presinto para opisyal na magsampa ng kaso sa ama nito.
Sinubukan itong itanggi ng suspek ngunit si Colline na mismo ang nagpatunay dahil sinuri ito ng mga doktor at higit sa lahat ay mayroon itong ebidensiya sa cellphone na itinatago.
“Patawad, ‘nak. Kung ‘di ako naniwala sa’yo, Akala ko ay hindi niya magagawa iyon,” umiiyak na sabi ng ina nito.
Niyakap nito si Colline na binalingan siya pagkatapos.
“Maris? Salamat ah. Sa suporta mo sa akin. Sa tulong.” Niyakap siya nito at ginantihan iyon.
May sumipa sa tiyan nito at sabay silang natawa.
“Salamat daw, ninang!” anito sa maliit na boses para gayahin ang tunog ng bata na nasa sinapupunan nito.
Alam niyang palalakihin itong maayos ng kaibigan. Masaya siyang pinili nito ang tama. Dahil ang kasalanan ay hindi malulutas ng isa pang kasalanan.