“Jonel! Gumising ka na nga riyan at magbanat ng buto!” Ang iritadong boses ng ina niya ang bumungad sa antok na antok pang si Jonel.
Sa tantiya ni Jonel base sa mga tilaok ng manok ay nasa alas kwatro pa lamang ng madaling araw.
Mariin na ipinikit ng pobreng labing tatlong taong gulang na bata ang kanyang mata bago tumayo mula sa papag na kinahihigaan niya.
Isang araw na naman ng pakikibaka, sa isip-isip ng bata habang naliligo upang simulan ang kanyang araw.
“’Nay, alis na ho ako!” paalam ni Jonel bago tuluyang lumabas sa kanilang maliit na barong-barong.
Mabilis siyang naglakad sa pandesalan ni Aling Pacita. Hindi upang bumili, ngunit upang maglako ng pandesal.
“O, Jonel, kagaya ng dati, sa bawat isang mabebenta mo, mayroon kang singkwenta sentimos. Kaya kung makakabenta ka ng isandaang piraso, mayroon kang singkwenta,” litanya ni Aling Pacita habang nlilalagyan ng pandesal ang kahon na bibitbitin niya sa paglalako.
“Oho, maraming salamat ho!” sabi pa ng bata habang naglalakad palayo sa pandesalan.
“Pandesal!” Ang munting tinig pa lamang ni Jonel ang maririnig, kasabay ng mga kuliglig. Tulog pa ang karamihan sa tao ngunit may isa nang nagbabanat ng buto, sa munti niyang edad.
Nang sumapit ang alas sais ay may malawak na ngiti sa labi ni Jonel. Nakabenta siya ng mahigit dalawang piraso kaya naman mayroon siyang isang daan.
Sigurado na ang pananghalian ng mga tao sa bahay, May masayang ngiti sa kanyang mumunting mga labi habang mahigpit na nakakuyom ang palad sa isandaang papel.
Nagpalit lamang siya ng uniporme at maya-maya lang ay palabas na siya ng bahay upang pumasok sa eskuwelahan nang marinig niya ang boses ng kanyang ina.
“Jonel! Eto lang ang iiwan mong pera?” asik nito.
Napayuko ang pobreng bata. “Pasensiya na ho, ‘nay. ‘Yan lang ang nakayanan ibenta ngayong umaga.”
“Eh sinabi ko naman sa’yo na wag ka nang mag-aral! Gastos lang ‘yan! Kung buong araw kang nagtatrabaho eh ‘di sana mas maayos ang buhay natin!” panunumbat naman ng ina sa anak.
Nalungkot man sa sinabi ng ina, pilit pa rin ang ngiti na nagpaalam ang bata sa ina.
Matagal nang wala ang kanyang ama ngunit hindi niya nakalimutan ang sinabi nito sa kanya.
“Anak, gawin mo ang lahat para sa pangarap.”
Kaya naman ganun na lang ang kanyang pagpupursigi gaano man kahirap. Pangarap niya kasi na maging isang guro kaya nangako siya sa ama at sa sarili na magsisikap para sa pangarap.
Sukbit ang kupas na backpack at dala ang isang malaking sako ay nagsimula nang maglakad si Jonel papuntang eskwelahan.
Sa daan ay panaka-naka siyang humihinto upang damputin ang mga babasagin o plastic na bote na alam niyang maaring ibenta. Kadalasan ay nakakakalahati siya na sako o kung sinuswerte ay napupuno niya ang isang sako.
Kadalasan ay mahigit sa singkwenta pesos din ang mga bote kapag ibinenta niya. Pambili na rin nila ng bigas na pansaing kinagabihan.
Ang mga tao naman ay samu’t sari ang reaksyon. May mga bumibilib sa kanya at sinusuportahan siya.
“Jonel, hijo, inipon ko ang mga boteng ito para sa iyo!” nakangiting salubong sa kanya ni Aling Miriam, isa sa kanyang mga suki na araw-araw bumibili ng pandesal.
“Jonel, nagkaroon ng malaking handaan sa amin nung nakaraang linggo, kaya naman tinipon ko ang lahat ng plastik na bote upang ibigay sa iyo,” bungad sa kanya ni Bb. Morales, isa sa kanyang mga guro.
Ngunit siyempre, hindi mawawala ang mga nambabatikos at mga taong pinagtatawanan siya.
“Naku, ayan na naman yung pulubi! Bakit ba naman kasi naging kaklase natin ‘yan! Hindi ba siya nahihiya na araw araw niyang bitbit ‘yang sako para sa basura niya?” malakas na bulong ni Aileen, isa sa mga kaklase niya, sa katabi nito. Sa lakas ng boses nito ay tila gusto nitong iparinig sa lahat ang boses. Bakas sa mukha nito ang matinding pandidiri at panghuhusga.
Ngunit ang pinakamasakit niyang naririnig ay mula sa taong dapat ay sumusuporta sa kanya, na walang iba kundi ang kanyang ina.
“Magtrabaho ka na lang! Gastos lang ‘yan! ‘Wag ka naman umiwas sa responsibilidad!”
Ngunit anuman ang reaksyon ng mga tao, isa lang ang epekto nito sa kanya. Mas pinagniningas nito ang nagbabaga niyang damdamin at kagustuhang magtagumpay.
Gusto niyang pasalamatan ang mga sumuporta sa kanya at patunayan na mali ang mga humusga at pinagtawanan siya sa pamamagitan ng pagtatagumpay sa buhay.
Kaya naman kahit mahirap ay patuloy siyang gumigising sa umaga upang unti unting maisakatuparan ang matagal na niyang hinihiling – ang maging isang guro.
Nagpatuloy ang pagsisikap ng batang si Jonel sa kabila ng mga umaalipusta sa kanyang pangarap sa eskwelahan, maging sa bahay.
At hindi siya nagkamali, dahil sa kabila ng lahat ng kanyang paghihirap, dumating ang araw na pinakahihintay niya – ang araw na naging isa siyang ganap na guro.
“Huwag na huwag niyong isasantabi ang inyong mga pangarap, gaano man kahirap.” Ito ang lagi niyang sinasabi sa mga estudyante niyang nawawalan na ng pag-asa at nawawalan na ng ganang magpatuloy.
Nagsilbing inspirasyon para sa marami ang buhay ni Jonel, ang batang dati ay magbobote ngunit ngayo’y isa nang matagumpay na guro.