Ang Hindi Inaasahang Regalo Mula sa Anak
“Anak, may gusto ko bang sabihin?” hindi mapigilan ni Aling Marietta na usisain ang anak na si Cindy nang mapansin na tila hindi ito mapakali sa kinauupuan habang kumakain sila.
“Eh kasi po mama…” pambibitin pa nito.
“Ano? May nakita ka na naman sa mall na gusto mong ipabili, ano?” nang-asar na sabat ng kanyang ama.
Naisip ni Marietta na marahil ay tama ang sinabi ng asawa. Malamang ay may hihingin nga ang anak kaya kakaiba ang ikinikilos nito.
Tila nahihiya namang yumuko ang anak bago tumingin muli sa kanya. “’Ma, may nakita akong magandang bag na ilalabas na sa mga mall bukas…” panimula nito.
Sinasabi ko na nga ba.
“Anak, magkano ba ang kailangan mo?”
“Hindi ko pa nakita yung presyo ‘ma, tingnan natin sa mall bukas para malaman natin ang presyo,” nakangiting suhestiyon ng anak.
“Sige ‘nak, pero hindi ko pa mabibili, ha? Sa sweldo pa,” paglilinaw niya.
“Opo, ‘ma!” masigla at misteryosa ang ngiti ng kanyang anak.
Kagaya ng napag-usapan, pumunta sila sa mall kinabukasan upang tumingin ng mga bag. Lumapit kaagad ang kanyang anak sa naka-display na kulay orange na bag habang naagaw naman ng isang eleganteng itim na bag ang kanyang atensiyon.
Kasalukuyan niyang ini-inspeksyon ang bag na nagustuhan nang lumapit ang kanyang anak.
“Ano ‘yan, ‘ma? Gusto mo? Magkano?” tanong ng anak.
“Hindi, hindi ko gusto, tinignan ko lang kasi parang ganito yung sa bag na katrabaho ko,” pagsisinungaling niya pa. Ininspeksyon niya ang presyo.
“Limang libo, anak.” Sagot niya sa tanong nito.
Tumango tango lamang ito. “Ayaw mo niyan, ‘ma? Ang ganda kaya. Bagay na bagay sa’yo pang-office.”
“Hindi na. May bag pa naman akong ginagamit,” sagot ni Marietta.
“Nakita mo ba yung bag na gusto mo bilhin, ‘nak?” maya-maya ay usisa niya rito.
“Opo, ‘ma. Limang libo.” Kumikislap ang mga mata nito.
Hindi maluho ang kanyang anak. Kaya naman kapag may hiniling ito ay agad niyang ibinibigay. Kagaya ng bag na gusto nito.
“’Nak, sa araw ng sweldo punta na agad tayo para mabili natin yung bag mo,” sabi niya sa anak.
Tumango-tango naman ito habang matamis ang ngiti.
Kagaya ng napag-usapan, kahit gabi na ay nagpunta ang mag-ina sa mall upang bilhin ang bag na gusto ni Cindy.
“O, ‘nak. Kunin mo na yung bag na gusto mo bago pa magkaubusan,” sulsol niya sa anak.
Lumapit naman ito sa bag na pamilyar sa kanya. Ang itim na bag na nagustuhan niya.
“Ma, ito na lang po bibilhin ko.” Nakangiti ito.
“Sure ka ba? Hindi naman iyan ang gusto mo eh,” nagtatakang tanong niya sa anak.
“Gusto ko rin po ito. Ito na lang po,” tila pinal na ang desisyon nito.
Binayaran na nga nila ang bag. Nang tanggapin ng kanyang anak ang paper bag na naglalaman ng bag, nagulat si Marietta nang iabot sa kanya ng anak ang bag.
“Ano ito, ‘nak?” naguguluhang tanong niya dito.
“Sa’yo yan, ‘ma. Alam kong kahit kailangan mo ng bagong bag ay hindi ka bibili dahil kuripot ka pagdating sa sarili mo,” natatawang paliwanag ng kanyang anak.
“Paano mo nalaman, Cindy?” takang tanong niya pa rin.
Nagkwento naman ang anak.
Ginabi ng uwi si Cindy dahil may tinapos itong proyekto sa eskwelahan. Pupunta sana siya sa kwarto ng kanyang ina at ama upang magsabi na nakauwi na siya ngunit tila abalang abala ang kanyang ina sa ginagawa nito.
Tinatahi nito ang bag nito na tila nasira ang hawakan.
Pokus na pokus ang ina sa ginagawa na ni hindi nito napansin ang kanyang pagpasok at paglabas ng kwarto nito.
Nang makarating sa kanyang kwarto ay naisip niya na malamang ay hindi makakaisip na bumili ng bagong bag ang kanyang ina. Matipid ito sa lahat ng bagay – maliban sa mga nais ipabili ni Cindy.
Napangiti si Cindy nang mabuo ang kanyang plano.
Inalam niya ang bag na gusto ng kanyang ina at ang presyo nito noong magpunta sila sa mall at isinagawa ang plano na naisip.
Nais sana ni Cindy na mag-ipon na lamang at surpresahin ang ina kaso naisip niya din na baka matagalan bago siya makaipon ng sapat na pera.
Napakurap si Marietta matapos magkwento ang anak. Tama ito, kuripot na siya pagdating sa kaniyang sarili.
Niyakap niya ang anak. “Salamat at nakaisip ka ng ganito para sa akin, ‘nak.”
Marahang pinangaralan ni Cindy ang kanyang ina.
“Ma, okay lang naman maging matipid. Dahil ang pagiging matipid ay pagiging matalino. Pero ‘wag mo sanang kinakalimutan na ibili ang sarili mo ng magagandang bagay na ikasisiya mo. Dahil karapat-dapat ka sa mga magagandang bagay, ‘ma. I love you, ‘ma!” malambing na litanya ni Cindy.
Niyakap niya ang anak. “Oo, ‘nak. Alam ko na ‘yan ngayon. Mahal din kita! Salamat sa surpresa mo.”