Ang Balik ng Kagandahang Loob
“Ale, ale! Bili ka?” tanong ni Aling Rusing sa babaeng nakasalubong. Naglalako si Aling Rusing ng panindang meryenda, at kasama ang kanyang anak na si Jinkee ay binabagtas nila ang kalsada.
Tumango naman ito at agad na tumango. “Magkano ho ba ‘to, manang?” sabay turo sa turon na ibinebenta niya.
Malawak siyang ngumiti.
“Aba, murang-mura lang iyan. Sampu,” aniya rito, tumango naman ito at dumukot ng pera sa bulsa para bumili.
Siya naman ay nagsimulang ibalot ang ibinibili nito. Mula sa malayo ay kitang-kita niya ang isang palaboy.
Sa tantiya ay nasa labindalawang taong gulang na ito.
Matiyagang namamalimos sa kalsada sa kabila ng tirik na araw. Marumi ang katawan, maraming uling. Ang buhok ay magulo at higit sa lahat, saksakan ng payat.
“Palimos po. Pangkain lang,” anito.
May iilang mabubuting loob ang nag-aabot ng barya. Ngunit marami ang umiling o ‘di kaya ay umiiwas dito dahil sa pandidiri.
“Pangkain lang po,” anito sa isang ale.
Kitang-kita ni Aling Rusing ang pagngiwi nito. Nandidiri.
“Layuan mo ‘ko! Magnanakaw! Alis!” anito at iniwas ang bag na nakasabit sa balikat. Halos tumakbo ang babae palayo.
“Hindi po! Hindi po ako magnanakaw, pangkain lang po,” tanggi ng pobre.
“Alis sabi e! Kadiri! Ang baho baho mo!” maanghang nitong sambit at desperadong tinulak ang bata.
Sa maliit nitong pangangatawan ay bumagsak ang paslit sa konkretong semento.
Pumalahaw ito ng iyak. Nanlaki ang mata ng babae at tumatakbong umalis. Iniwan ang bata na hindi makagalaw.
Agad siyang tumakbo patungo dito.
“‘Nay! ‘Nay! Saan ka pupunta?” rinig niyang tawag ni Jinkee.
Hindi niya ito pinansin at nagpatuloy sa paglapit sa paslit.
“Anong masakit?” tanong niya rito.
Lumuluha ito ng magsalita. “Dito po, yung likod ko po,” anito.
Hinawakan niya ang balikat ng mata para tignan ang iniinda. May sugat, may dugo. Hindi lang basta sugat dahil malaki iyon.
“Masama ang lagay nito, kailangan mong magpa-ospital, hijo,” aniya at kaagad na nanlaki ang mata nito.
“Po? ‘Wag na po! Kaya ko na po, saka wala akong pera,”
Napabuntong-hininga si Aling Rusing. Pamilyar na ang eksena. Kapag mahirap ay hindi pwedeng magkasakit. Walang pampagamot ngunit iba ang kasong ito.
Hindi pwedeng ipagpaliban ang pagpapagamot.
“’Nay! Anong nangyari?” ani Jinkee na sumunod pala sa kanya.
“Tulungan mo ako at magtawag ka ng tulong para madala siya sa ospital,” utos niya rito at agad itong sumunod.
Ilang minuto lamang ay nakapunta na sila sa kalapit na pagamutan. Ininspekyon ito ng doktor.
Kailangan daw tahiin.
“Magkano ho yun, dok?” tanong niya.
Sinabi nito ang presyo. Natahimik siya. Hindi siya mayaman ngunit may sapat na naitatabi para sana sa kaarawan niya na palapit na. Kung iisipin ay kakasya ito doon.
“Ano ka ba, ‘nay? Bakit kailangan pa nating bayaran? Tinulungan mo na nga siya, e,” tutol ni Jinkee.
“Ano ka ba, anak?! Ayos lang yun. Kikitain ko pa yun pero ang batang ‘to?” saway niya ay tiningnan ito na natutulog.
“Ipon mo ‘yun, ‘nay e,” pangangatwiran pa nito lalo.
Nakita niya na gumalaw ang talukap ng paslit kaya’t inaya niya ang anak palabas. Kinabukasan, ay bumalik siya sa ospital, dala ang ilang prutas.
Ngunit nalaman niyang wala na ang bata sa ospital. Umalis matapos matahi ang sugat. Hinanap niya ito kung saan niya ito madalas makita ngunit hindi na siya nagtagumpay pa.
“Eto nga ho, naiwan niya,” binigay ng nurse ang isang papel na may nakasulat na:
“SALAMAT PO!” -Michael
Hindi na niya nakita pa ang batang iyon muli. Hindi na sa mga lugar kung saan madalas niya itong makita. Nawala ito na parang bula.
Pitong taon ang lumipas. Nasa parehong kalsada pa rin siya para magtinda ng meryenda nang manlabo ang kanyang mata.
Umikot ang kanyang paningin at bago pa man siya makakapit sa isang bagay ay tuluyan nang nandilim ang kanyang paningin.
“Naku, tulong! Tulong!” sigaw ng isang babae na malapit.
Hindi niya na alam ang nangyari. Nang magising, ang puting kisame ng ospital ang kanyang namataan.
“Sinabi ko na kasi ito, may kidney na para sa nanay mo. Kailangan niya nang maoperahan bago pa tuluyang lumala ang kanyang desisyon.” Naulinigan niya.
Nang dumilat ay kita niya ang doktor na palaging tumitingin sa kanya na kausap ang anak na si Jinkee. Problemado ang mukha nito.
“Sige, Dok. Ako na ang bahala sa pera.”
Sinubukan niyang tumutol. Ayaw niyang maging pabigat sa anak. Malaking halaga ang bayad sa operasyon na iyon ngunit sadyang mapilit ito.
Sa huli, wala na siyang nagawa.
“Anak, kung wala tayong pambayad, ayos lang naman. ‘Wag na nating pilitin at matanda na naman ang nanay,” aniya rito.
Umiling ito.
“Hindi, ‘nay. Hindi ako papayag.”
“Magkano ba ang bayad dito? Siguradong mahal,” problemado niyang utas.
“’Wag ka mag-alala, ‘nay. Bayad na. ‘Wag mo nang problemahin,” anito sabay ngiti.
Kumunot ang kanyang noo.
“Anong ibig mong sabihin? Paano?”
Umiling ito at sumilay ang ngiti. “Hindi paano, ‘nay, ang tanong kundi sino.”
Mas lalo siyang naguluhan. Bumukas ang pinto at pumasok ang isang lalaki na pamilyar sa kanya. Nangilid ang kanyang luha.
“Oh, andito na pala e,” sabi ng anak.
“Michael.”
Ngumiti ang lalaki sa kanya at naglahad ng kamay.
“Kumusta po? Ako po si Dr. Michael Enriquez.”
Niyakap siya nito at bumulong ng salitang, “Salamat po. Ngayon, ibabalik ko sa inyo ang kabutihang loob ninyo na nagsalba sa buhay ko noon.”
Kapag kabutihan ang iyong ibinigay, tiyak na kabutihan din ang babalik sa iyo sa panahong kailangang-kailangan mo ito.