Inday TrendingInday Trending
Ang Antas ng Pag-ibig

Ang Antas ng Pag-ibig

Hindi makapaniwala si Francis nang makita niya ang matagal na niyang kasintahang si Patricia na lihim na nakikipaglampungan sa isang kasamahan niya sa soccer team. Buong akala kasi ng binata ay siya lamang mahal nito. Nadagdagan pa ang hinanakit na kanyang naramdaman ng marinig niya ang pag-uusap ng nobya at matalik niyang kaibigan.

“Hindi ko naman talaga gusto si Francis, ginagamit ko lang siya. Gumaganda kasi ang reputasyon ko sa tuwing kasama ko siya. Mantakin mo, kahit na maraming nagkakandarapa sa kanya ay siya naman itong nagkakandarapa sa paghabol sa akin,” wika ng dalaga sa kaibigang si Sheila.

“Sa totoo lang wala ka nang hahanapin pa kay Francis, matalino, gwapo, mayaman, pero napaka-boring. Sobrang bait!” sambit pa nya.

Hindi maintindihan ni Francis kung bakit nagawa ito sa kanya ng nobya sa tagal ng kanilang pinagsamahan. Dahil dito ay naging iwas na si Francis sa pag-aakalang ang intensyon lamang ng mga ito ay tulad sa dating kasintahan.

Isang araw ay nagpunta sa isang baryo si Francis at ilang kaklase niya upang magsagawa ng isang research na kailangan sa isa nilang subject. Doon ay nakilala niya ang isang binibini. Hindi maitanggi ni Francis na sa tuwing sila ay babalik ng baryong iyon ay unti-unting nahuhulog ang kanyang loob sa dalagang nagngangalang si Grace.

Nasa kolehiyo na rin ang dalaga. Nagustuhan ni Francis ang pagiging magiliw nito at ang maganda niyang disposisyon sa buhay. Ngunit naisip na naman niya ang ginawa sa kanya ni Patricia. Kaya nagpanggap siya na isa lamang siyang mahirap.

“Isang scholar lang kasi ako sa paaralan na ‘yan, ang totoo galing din ako sa isang baryo sa isang probinsiya. Kailangan kong magtrabaho para lang matustusan ko ang mga pangangailangan ko,” sambit ni Francis sa dalaga.

Hindi maiwasang mapansin ni Francis na panay tingin ni Grace sa kanyang kaklase na si Ron sapagkat halata dito na anak mayaman ito.

“Gusto mo si Ron, ano?” tanong niya kay Grace. Nagulat ang dalaga sa tanong ng binata.

“Hindi, ‘no! Pasensiya ka na kung akala mo ay hindi ako nakikinig. Kasi naiisip ko parang binabae ‘yang si Ron. Kaya tinitingnan ko ang kilos niya,” wika ng dalaga. Tawa nang tawa naman si Francis sa tinuran ng dalaga.

Kahit na ang alam ni Grace ay mahirap lamang si Francis ay nagustuhan pa rin niya ito. Kahit natapos na ang kanilang research na ginagawa ay patuloy pa rin niyang pinupuntahan ang dalaga sa baryo nito. Niligawan niya ito hanggang sa mapasagot niya.

Kahit kailan ay hindi naglabas si Francis ng kahit anong halaga sa tuwing sila ay lalabas ni Grace. Madalas kasi silang pumunta sa parke at nag-uusap. Nagbabaon din si Grace ng pagkain para mapagsaluhan nilang dalawa. Dinadala ni Grace ang binata sa mga lugar na walang bayad tulad ng mga museo, parke, simbahan upang sila ay makatipid. Kahit sa mga ganitong lugar lamang sila nagpupunta ay naging masaya ang dalawa.

“Bakit mo ito ginagawa sa akin, Grace? Bakit ayaw mo akong gumastos kapag magde-date tayo,” pagtataka ni Francis.

“Gusto ko kasing hindi mabawasan ang pera mo para kung may kailangan ka sa eskwela mo ay may mahuhugot ka. Maraming pwedeng gawin na walang inilalabas na pera. Makasama lang kita ay sapat na,” nakangiting wika ni Grace.

Naantig ang puso ng binata sa kanyang kasintahan. Napatunayan niyang hindi lamang ang yaman niya ang habol ng dalaga sa kanya. Ngunit hindi niya alam kung paano sasabihin sa nobya ang totoo ng hindi ito magagalit.

Isang araw ay naisipan ni Grace na surpresahin si Francis sa kaniyang eskwelahan. Laking gulat nito nang makita niyang bumaba ng kotse ang binata.

“Francis, doon mo i-park ang kotse mo. Naka-reserve na raw ‘yan sa captain ng basketball team,” sambit ng isang isang lalaki. Habang pabalik ng kotse niya si Francis ay laking gulat niya na makita si Grace.

“A-anong ginagawa mo dito, Grace?” tanong ng binata.

“Umamin ka nga sa akin, Francis. Sino ka ba talaga? Mahirap ka lang ba talaga tulad ko o katulad ka nila?” naiiyak na sambit ng dalaga.

“Patawarin mo ako, Grace. Nagsinungaling ako sa’yo,” nakayukong pag-amin ni Francis. “Tutal alam mo na ang katotohanan ay sumama ka sa akin,” paanyaya nito.

Dinala ni Francis ang dalaga sa kanilang bahay. Doon ay tumambad sa dalaga ang mala-mansyong tahanan ng binata.

“B-bahay n’yo ‘to?” wika ni Grace. Nanliit ang dalaga sa antas ng buhay ng binata.

“Grace, aaminin ko na sa iyo ang totoo. Hindi totoo ang mga sinabi ko sa iyo noon tungkol sa buhay ko. Patawad. Nagawa ko lang ‘yun dahil niloko ako ng dati kong nobya. Ginamit lamang niya ako,” pahayag ni Francis.

“Pero maniwala ka sa akin na mahal talaga kita. Wala akong pakialam sa antas ng buhay mo. Wala akong pakialam kahit na galing tayo sa magkabilang mundo. Napatunayan kong tapat ang nararamdaman mo sa akin at ganoon din ako sa’yo. Mahal kita, Grace. Sana ay mapatawad mo ako,” pagsusumamo ng binata.

“Minahal kita, Francis, dahil mabuti ang kalooban mo. Masaya ako tuwing kasama kita at iyon ang mahalaga. Hindi lahat ng babae ay tulad ng dati mong nobya,” sambit ni Grace. “Hindi ko lang alam kung paano haharap sa inyo dahil alam kong mahirap lang ako,” pag-aalala ni Grace.

Napangiti si Francis. “Mabait ang mga magulang ko. Hindi nila tinitingnan ang antas ng tao batay sa kanilang estado kung hindi sa taglay nitong personalidad. Tingin ko ay magugustuhan ka nila.”

Dahil naroon na rin sila sa bahay ng binata ay ipinakilala na rin ni Francis si Grace sa kanyang mga magulang. Naibigan din ng mga ito ang katangian ng dalaga. Naging masaya ang relasyon ng dalawa. Kahit kailan ay hindi nakaapekto sa kanilang pagmamahalan ang layo ng kanilang estado sa buhay sapagkat ang pag-ibig ay walang pinipiling antas lalo na kung ito ay tunay at tapat.

Advertisement