“Mahal, baka pwede mo akong sunduin mamaya dito sa opisina ko? Tapos kain tayo sa labas, ano sa tingin mo?” paglalambing ni Aira sa kaniyang asawang si Drew.
“Hindi ako pwede ngayon, mahal. Pasensiya ka na. Gagabihin kasi ako ng uwi at sa bahay na lang tayo magkita. Siguro sa susunod na Linggo ay makakabawi rin ako sa’yo,” tugon ng mister.
Isang inhinyero si Drew samantalang isang accountant naman si Aira. Parehas man silang abala sa trabaho ay sinisigurado ni Aira na mayroon siyang sapat na oras para sa kanyang asawa. Ngunit hindi ganito si Drew. Tutok masyado ang ginoo sa pagpapaunlad ng kanilang negosyo.
Madalas ay nagtatampo na si Aira sa kanyang mister. Ayaw pa rin kasi nitong magkaanak sapagkat ang nakatuon ang kaniyang isipan sa layuning maipatayo ang kanilang dream house sa puntong naisasantabi na niya ang pangangailangan ng asawa.
“Sa tingin ko, bes, may babae ang asawa mo,” sulsol ng kaibigan ni Aira na si Lyka. “Palusot lang ‘yan ng asawa mo na gusto niyang maipatayo ang dream house na gusto niyo. Ginagawa lang niya ‘yang rason. Maniwala ka sa akin, may babae ang asawa mo.”
“Sa tingin mo kaya wala na siyang panahon sa akin?” malungkot na tanong ni Aira. “Pero nararamdamn ko sa kanya na tapat naman siya sa akin. Ang gusto ko lang ay maibalik ang dati. ‘Yung madali ko lang siyang makasama. Parang simula kasi ng maging mag-asawa kami ay lalo pa kaming napalayo sa isa’t-isa,” pahayag pa niya.
“Gusto mo hulihin natin?” mungkahi ni Lyka.
Sa kanilang pag-uusap ay umentra ang yaya ni Lyka, ang matandang si Yaya Luring. Bata pa lamang siya ay ito na ang nag-aalaga sa kaniya kaya ng mag-asawa ay isinama niya rin ito sa kanilang bahay.
“Hay nako, Aira. Ikaw ang lubusang nakakakilala sa asawa mo. Nararamdaman mo bang may iba siya?” sambit ng matanda habang ibinibigay sa kanila ang kanilang mga juice.
“Wala namang hindi nadadaan sa usapan. Pag-usapan ninyong mag-asawa ang problema nyo. Kung may tampo ka kay Drew ay dapat sabihin mo sa kaniya para alam niyang nasasaktan niya ng hindi sinasadya ang damdamin mo. Mag-usap muna kayo bago kayo manghuli diyan ng wala naman,” dagdag pa ni Yaya Luring. Napangiti lamang ang dalawa.
“Sabagay, tama kayo, yaya. Maraming salamat po,” sambit ni Aira.
Sa tuwing kakausapin ni Aira ang kaniyang asawa ay ang tanging rason lamang nito ay dahil nakapokus siya na matapos ang kanilang pinapangarap na bahay.
“Humihingi ako sa iyo ng pang-unawa, mahal. Konti na lang at maipapatayo ko na ang pangarap nating bahay. Pasasaan din at darating ang panahon na palagi na akong nasa tabi mo,” sambit Drew sa kanyang misis.
Sa kabila ng sinabi ng asawa ay hindi pa rin natitigil ang lungkot na nararamdaman ni Aira. Alam niyang habang tumatagal ay lalong nawawalan sila ng panahon ng asawa. Isang hating gabi habang hinihintay niya ang asawa na makauwi ay nakita siya ni Yaya Luring na nasa veranda at malalim ang kaniyang iniisip.
“Aira, gusto mo bang pag-usapan natin ang nararamdaman mo? Alam mong parang anak na rin ang turing ko sa’yo. Narito lang ako kung kailangan mo,” sambit ng yaya.
“Pakiramdamn ko kasi, yaya, mas mahalaga pa ang bahay na pinapatayo namin ni Drew kaysa sa relasyon namin. Wala na siyang panahon sa akin, ni madalang na nga kaming lumabas o kumain man lamang dito sa bahay ng sabay,” naiiyak nitong sambit sa matanda.
“Alam mo may kasabihan na malalaman mo raw kung ano ang mahalaga sa isang tao kapag nasusunog ang bahay at ito ang una niyang maiisip na iligtas. Sa tingin mo ba kapag nagkasunog ay ikaw ang unang ililigtas ni Drew?” tanong niya sa anak-anakan.
“Sa tingin ko ay hindi, sapagkat sa pagkakataon na ito ay alam kong ang bahay at ang trabaho niya ang mahalaga sa kanya,” tugon ni Aira.
‘Di nagtagal ay natapos din ang pagpapatayo ng dream house nila Drew at Aira. Isang piging ang idinaos ng mag-asawa para ipa-bless ang bahay. Walang ginawa si Drew kung hindi ipagmalaki sa mga bisita ang bawat parte ng kanilang bahay. Habang tinititigan ni Aira ang mister ay naisip niya ang sinabi sa kanya ng kanyang Yaya Luring.
Palihim niyang pinindot ang fire alarm at nang tumunog ito ay dali-daling nagtakbuhan ang mga tao upang lumabas ng bahay sa pag-aakalang may sunog.
Habang nagkakagulo ang lahat ay dagling hinawakan ni Drew ang asawa sa braso at maingat itong hinila ito palabas ng bahay.
“Kanina pa kita hinahanap, mahal. Kailangan nating lumabas sa bahay na ito. Itatawag ko na lang ng bumbero baka mamaya ay may sumabog pa d’yan,” sambit ng asawa.
Ikinagulat ni Aira ang ginawa ng asawa. Buong akala niya ay hindi siya ang unang ililigtas ni Drew. Ipinagtapat niya sa asawa ang totoo.
“Talagang ako ang inuna mong hanapin, mahal?” naiiyak na wika ng misis.
“Siyempre, asawa kita at mahal kita. Nahirapan man tayong makamtan ang bahay na iyan ay mas mahalaga kang ‘di hamak d’yan,” pahayag ni Drew.
“Pilit kong itinayo ang bahay na ‘yan para sa’yo dahil alam kong magiging masaya ka kapag natupad natin ‘yan. At naisip ko rin kasi na kung magsisimula na tayong bumuo ng pamilya ay gusto kong nasa maayos na lugar ang mag-iina ko. Patawarin mo ako, Aira, kung sa tingin mo ay hindi na kita mahal dahil nagkulang ako ng panahon sa iyo,” dagdag pa niya.
Niyakap na lamang siya ni Aira ng mahigpit. Mula noon ay hindi na nagpakasubsob pa sa trabaho si Drew at palagi na niyang binibigyan ng panahon ang asawa. Hindi nagtagal ay nagkaroon na sila ng kambal na anak. Namuhay sila ng masaya sa bahay na kanilang pinapangarap.
Minsan akala natin ay naisasantabi na tayo ng mga mahal natin sa buhay. Hindi natin alam maaaring tayo pala ang pinaka-dahilan kaya sila lubusang nagsusumikap.