Inday TrendingInday Trending
Ang Huling Ticket sa Sweepstakes

Ang Huling Ticket sa Sweepstakes

Matagal ng naninirahan si Mang Edong kasama ang kaniyang pamilya malapit sa estero. Magkatuwang sila ng kaniyang asawang si Aling Lumeng sa pagtataguyod ng dalawa nilang anak. Isang mekaniko si Mang Edong at si Lumeng naman ay isang manikurista. Sinisikap ng dalawa na pagkasyahin ang kanilang mga sweldo upang maitawid ang araw-araw. Ngunit madalas mag-init ang ulo ni Aling Lumeng sa asawa sapagkat nababawasan pa ang kaniyang iba-budget sapagkat mahilig tumaya ng sweepstakes ang asawa.

Ilang beses na niya ito pinakiusapan dahil sa tagal ng pagtaya ni Mang Edong sa sweepstakes ay hindi pa siya nananalo kahit isang beses.

“Edong, kaysa ilaan mo sa pagtaya sa sweepstakes ‘yang pera na ‘yan ay ibigay mo na lamang sa mga anak mo para may pangbaon sila. Malaki rin ang matitipid natin sa araw-araw,” pakiusap ng asawa. Ngunit hindi nakinig sa kaniya ang mister.

Isang araw ay maagang nakauwi si Mang Edong sa kanilang tahanan. Akma namang palabas ng bahay si Aling Lumeng upang mangutang ng bigas sa tindahan malapit sa kanila.

“Bakit ang aga mo yata, Edong?” tanong ni Aling Lumeng sa kaniyang asawang si Edong. “Tamang-tama ang dating mo. Pahingi nga ako ng pambili ng bigas. Naubusan tayo ng bigas, eh. Tanghali na at kailangan ko nang magsaing. Parating na rin ang mga anak mo.”

“Edong, parang hindi mo naman ako naririnig diyan. Pahingi na ng pera nang makapunta na ako sa tindahan,” sambit muli ng ginang.

“Lumeng, pasensiya ka na,” malungkot na tinig ng ginoo.

“Anong hinihingi mo ng pasensiya riyan? Akin na ang pera, Edong, at bibili akong bigas,” giit ni Aling Lumeng.

“Lumeng, huwag ka sanang magagalit. Natanggal ako sa trabaho. Wala na akong trabaho ngayon,” nakayukong wika ni Mang Edong.

“A-anong ibig mong sabihing wala ka nang trabaho, Edong? Kailangan natin ng panggastos! Paano na tayo niyan ngayon? Ano ba ang ginawa mo at natanggal ka?” sumisigaw na wika ni Lumeng.

“Napagbintangan ako ng boss ko na ako raw ang kumukuha ng mga bakal sa opisina. Ako kasi ang tinuro ng pinsan niya. Palibhasa’y kamag-anak, mas pinaniwalaan niya ‘yun kaysa sa akin. Kahit inosente talaga ako at ang pinsan niya mismo ang gumagawa nito sa kaniya. Napakasama ng loob ko dahil kahit kailan, kahit ganito ang kalagayan natin ay hindi ko gagawin ‘yun sa kaniya,” paliwanag ng mister.

Dahil alam ng ginang na nagsasabi ng totoo ang mister ay pinilit nitong huminahon. “O siya, mamaya na nga natin ‘yan pag-usapan, bigyan mo muna ako ng pambili ng bigas para may makain tayo,” sambit ni Lumeng sa asawa.

“Pasensiya ka na ulit, Lumeng, kasi naitaya ko na sa sweepstakes ‘yung huling pera ko dito. Hayaan mo kapag tumama ito ay ibibigay ko lahat sa’yo ang pera,” hindi na alam ni Edong kung paano aaluhin ang asawa.

Sobrang inis muli ang naramdaman ni Aling Lumeng sa kaniyang narinig.

“Ano ka ba naman, Edong?! Wala na nga tayong makain, inuna mo na naman ‘yang pagtaya mo sa sweepstakes. Mapapakain mo ba ‘yan sa mga anak mo? Eh, kahit kailan hindi ka naman sinuwerte d’yan! Parang-awa mo na sa mga anak mo, humanap ka agad ng trabaho at tigilan mo na ‘yang pagtaya mo kasi lalo tayong lumulubog d’yan!” halos mapatid ang litid ng ginang sa gigil sa asawa.

Wala nang nagawa pa si Aling Lumeng kundi mangutang muli sa tindahan kahit na halos ayaw na sila ng pautangin ng may-ari sapagkat mahaba na ang kanilang listahan. Buong araw nakasimangot ang ginang sa inis sa kaniyang asawa. Kahit na kausapin siya nito ay hindi niya ito kinikibo.

“Patawarin mo na ako, Lumeng. Nararamdaman ko talaga na suswertihin na ako sa pagkakataong ito,” wika ng ginoo. “Pangako ko sa’yo huling beses ko na itong tataya sa sweepstakes. Alam mo namang umaasa lang ako na swertihin kasi lahat na yata ng trabaho ay nagawa ko na. Hindi pa rin tayo yumayaman.”

“Siguraduhin mo, Edong, kasi nagsasawa na ako sa hirap ng buhay na nararanasan natin. Bukas na bukas ay paghahanap ng trabaho ang asikasuhin mo. Hindi tayo mabubuhay ng paglilinis ko ng kuko ng mga tiga-rito,” galit na tugon ni Lumeng.

Kinagabihan ay maagang nagsi-pagtulog ang mag-iina at naiwang mag-isang nanonood si Mang Edong ng telebisyon. Matiyaga siyang naghintay sa pagbola ng sweepstakes. Kahit na kinakabahan siya ay tinanggap na niya na ito na ang huling beses na tataya siya. Nang bolahain ang numero ay marahan niyang pinipintahan ang kaniyang mga taya. Ilang sandali pa ay nagising na lamang ang kaniyang mag-iina sa kaniyang malakas na sigaw.

Lubusan ang kaba ni Aling Lumeng na tanungin ang ginoo kung ano ang nangayari dito.

“Lumeng, m-mayaman na tayo! Mayaman na tayo!” paulit-ulit nitong sambit sa ginang. “Nanalo ako sa sweepstakes! Kaisa-isang nanalo sa sweepstakes! Sa wakas, mayaman na tayo!” hindi magkamayaw sa pagsigaw ang mister.

Agad kinuha ng ginang ang papel sa kamay ng asawa at tiningnan muli ito sa telebisyon. Laging gulat niya na totoo nga ang sinasabi ng kaniyang asawa. Hindi na rin napigilan ng ginang ang sarili sa kaniyang kagalakan.

Nang makuha ni Mang Edong ang kaniyang napanalunan ay inialis niya ang kaniyang pamilya sa tabi ng estero. Bumili ito ng maayos na bahay sa isang magandang komunidad. Nagtayo rin ito ng isang talyer at isang grocery. Napag-aral niya ang kanyang mga anak sa mgagandang eskwelahan. Ginamit nila ng kaniyang asawa ang kaniyang napanalunan ng tama.

Tulad ng pinangako ni Mang Edong sa kaniyang asawa ay hindi na muli pang tumaya ang ginoo sa sweepstakes. Naging abala na lamang siya sa pagpapalago ng kanilang negosyo at pag-aalaga sa kaniyang pamilya.

Hindi mo talaga masasabi ang tadhana. Kung kailan malapit ka nang sumuko ay doon pa ibibigay ang nais mo. Huwag kang mawawalan ng pag-asa. Lahat ng pangarap mo ay kayang tuparin basta’t gawin mo ang lahat at maniwala ka lang na makakamtan mo ito.

Advertisement