Hindi Ako Kabilang sa Inyo
Muling sinipat ni Darwin ang kaniyang sarili sa salamin bago tuluyang umalis. Nakita niya sa kaniyang mga mata ang matinding alinlangan sa kaniyang sarili. Subalit agad niya itong iwinaksi. Kumpleto ang buong pamilya kaya nagpahanda ang kanilang mama ng masarap na agahan. Magsasalo-salo sila sa hapag-kainan. At siyempre, hindi mawawala ang kuwentuhan.
Ang kanilang pamilya ay nasa linya ng medisina. Ang kanilang mama na si Divina ay isang surgeon habang ang papa nila na si Craig ay neurologist. Ang panganay nilang kapatid na si Darla ay isa ring surgeon, ang sumunod naman na si Denise ay isang dermatologist, at ang ikatlo naman na si Douglas ay isang dentista. Siya na bunso ang nalihis.
Hindi niya kaya at ayaw niya ang pagdodoktor subalit kailangan niyang pumantay man lamang sa naabot ng kaniyang pamilya. Pinili niyang maging guro na nagpapakadalubhasa sa Agham. Minsan, pakiramdam ni Darwin ay hindi siya pinapansin ng kaniyang pamilya. Pakiramdam niya, naiiba at hindi siya kabilang sa kanila. Pakiramdam niya, maliit ang tingin sa kaniya ng kaniyang mga kapatid.
Bagama’t wala namang sinasabi sa kaniya ang mga ito, nanliliit ang pakiramdam ni Darwin lalo pa’t kapag nag-usap-usap na sila hinggil sa medical field. Out of place siya. Hindi siya makasabay. May alam siya sa usaping Agham subalit pagdating sa larangan ng medisina, pakiramdam niya’y sampid lamang siya. Madalas, hindi na lamang siya kumikibo. Nakikinig lamang siya sa usapan ng mga ito.
“Hi Darwin. Mabuti’t nagising ka na. Eat your breakfast,” sabi ni Divina sa anak. Lumapit si Darwin at hinalikan sa pisngi ang ina, at nagmano naman kay Craig na noon ay abala sa pagbabasa ng broadsheet. Masaya ang kwentuhan ng kaniyang mga kapatid. Tungkol sa matagumpay na isinagawang operasyon ni Darla ang paksa.
“Mabuti na lang ma at maayos ang vital signs ng pasiyente ko,” natatawang sabi ni Darla.
“Of course mana ka sa akin eh. Hindi pa tayo nagfe-fail sa mga isinasagawa nating operations,” sabi ni Divina.
Sumunod namang nagkuwento si Douglas, at sumunod naman si Denise. Gaya ng dati, hindi na naman makarelate si Darwin kaya tahimik lamang siyang kumain. Napansin ito ni Divina.
“Son, are you okay? What about you? Magkuwento ka naman. Kailan nga ulit ang LET mo?” tanong ni Divina sa bunsong anak tungkol sa exam na kukunin nito upang maging isang ganap na guro.
“Sa susunod na linggo po, ma,” matipid na sagot ni Darwin.
At natahimik ang kaniyang mga kapatid.
“Alam mo Darwin, dapat gumaya ka na lang sa amin. Hindi ka naman yayaman sa pagtuturo. Look at us now. May sarili kaming pera. Hindi namin kailangang umasa kina mama at papa,” sabi ni Douglas kay Darwin.
“Ewan ko nga ba rito kay Darwin. You are not belong na tuloy,” biro ni Denise at nagtawanan ang tatlo niyang kapatid. Nasaktan si Darwin sa biro ni Denise. Kahit hindi pa tapos sa pagkain, tumayo na siya at nagpaalam.
“Excuse me po, mahuhuli na po ako sa review. I have to go na po. See you later,” matabang na paalam ni Darwin at lumabas na.
Ipinangako ni Darwin sa kaniyang sarili na gagawa siya ng sariling pangalan sa larangang pinili niya; malayo sa anino ng kaniyang mga magulang at mga kapatid. Pinagbuti ni Darwin ang pagrereview para sa LET. Nagsunog siya ng kilay. May nais siyang gawin. Kailangang makapasa siya sa LET, at hindi lamang basta pasa, kundi makapasok sa top 10 o sampung takers na may pinakamatataas na average scores sa final rating. Gusto niyang ipagmalaki naman siya ng mga magulang.
Dumating ang araw ng LET. Tiniyak ni Darwin na nasagutan niya nang maayos ang lahat ng mga tanong. Labis-labis ang kaniyang panalangin na nawa’y makapasa siya. Kahit huwag nang mapabilang sa top 10 basta’t makapasa siya.
Ilang buwan lamang at dumating na ang resulta. Nanginginig ang kaniyang kamay sa pagkakahawak sa pahayagan. Makailang ulit niyang sinipat ang mga pangalang nakalista. Wala sa listahan ang kaniyang pangalan. Tiningnan din niya ang listahan ng mga nakapasa sa website ng PRC. Wala talaga ang kaniyang pangalan. Samakatuwid, bagsak siya.
Gusto niyang lamunin na lamang siya ng lupa. Wala siyang mukhang ihaharap sa mga kapatid, lalo na sa mga magulang. Tiyak na lalong manliliit ang mga ito sa kaniya. Ikinahihiya niya ang kaniyang sarili. Hindi siya kasintalino ng mga kapatid. Paulit-ulit niyang narinig sa isip ang mga pahayag na sinambit ni Denise.
“Ewan ko nga ba rito kay Darwin. You are not belong here na tuloy.”
“Ewan ko nga ba rito kay Darwin. You are not belong here na tuloy.”
“You are not belong here…”
Kinuha niya ang bote ng sleeping pills ng kaniyang mama, inilagay sa palad ang lahat at saka nilunok. Nagdilim ang lahat sa kaniya…
Pagmulat ng kaniyang mga mata, nasa ospital siya. Nakatunghay ang lumuluhang mga mata nina Divina, Craig, at ang nag-aalalang mga kapatid. Ipinagtapat niya sa mga ito ang naging dahilan ng pag-inom niya ng sleeping pills.
“I’m useless ma, pa. Sorry dahil hindi ninyo ako katulad. Hindi ako kasingtalino nina kuya at ate. I’m don’t belong to this family,” umiiyak na sabi ni Darwin.
“That is not true, anak. Mahal ka namin. We are proud of you dahil ginawa mo ang gusto mo at hindi mo kinailangang gawin ang isang bagay na ayaw mo naman talaga,” paliwanag ni Craig.
“I’m sorry Darwin kung pakiramdam mo na-left behind ka namin. Pero mahal ka namin. Nagbibiro lang kami. Hindi naman namin akalain na dadamdamin mo,” lumuluhang paliwanag ni Denise.
Simula noon ay naging maganda na ang relasyon ni Darwin sa kaniyang pamilya. Unti-unti siyang nakarecover. Unti-unti rin niyang binuo ang pagtitiwala sa sarili sa tulong ng kaniyang pamilya. Napatunayan ni Darwin na ang pinakamahirap na kalaban ng isang tao ay ang kaniyang sarili. Kumuha ulit ng LET sa ikalawang pagkakataon si Darwin at nakapasa na rin siya. Bukod dito, napasama pa siya sa top 10 kaya naman ipinagmamalaki siya ng kaniyang pamilya.