Tulong Mula sa Taong Kailangan ng Tulong
“Maawa po kayo sa akin… gusto ko lang makauwi sa aking pamilya sa Agusan Del Sur… ineng, pembarya…”
Isang halos paos at nanginginig na boses ang nakakuha sa atensyon ni Mikka habang siya ay naglalakad pauwi sa kaniyang tinutuluyang bedspace. Paglingon niya, isang may edad na lalaking gusgusin ang nakalahad ang kamay sa kaniya. Mahaba ang balbas nito at sira ang mga ngipin. Sa hitsura at pananamit nito, mukhang sa lansangan na ito nagpapalaboy-laboy.
“Hija, kaunting tulong lang. Naligaw kasi ako sa Maynila at gusto ko nang makauwi sa Agusan Del Sur. Doon ako nakatira talaga.”
Dahil likas na malambot ang puso ni Mikka sa mga nakatatanda, inaya niya ang matanda sa isang kalapit na karinderya at pinakain ito ng hapunan. Halata sa matanda ang matinding gutom. Halos maubos nito ang adobong manok at kanin na inorder niya para dito.
“Ano pong pangalan ninyo ‘tang at ilang taon na po kayo?” tanong ni Mikka sa matanda.
“Carlito ang ngalan ko, ineng. 67 taong gulang na ako. Wala akong kamag-anak dito sa Maynila. Nakipagsapalaran lamang ako noon. Mahirap humanap ng trabaho dito kaya kung ano-anong mga gawain ang pinasok ko para lang magkapera at mabuhay. Pero gusto ko nang magbago. Matanda na ako. Uuwi na lang ako sa probinsya,” salaysay ni Lolo Carlito.
“Gusto niyo pong tulungan ko kayo? Marami po akong kakilala sa media. O kaya naman po, may social media na po ngayon. Madali na lang pong mahanap ang mga kamag-anak ninyo sa probinsya. Baka po may mga Facebook account sila,” mungkahi ni Mikka. Handa at bukal talaga sa kalooban niya ang pagtulong sa kaawa-awang matanda.
“Ineng, maraming salamat sa tulong mo, pero mas mainam na lamang kung pera ang ibibigay mo sa akin. Iipunin ko na lamang iyan. Balak ko kasi ay sumakay sa ro-ro upang makatipid ako. Saka kung halimbawang mangailangan ako ng perang pangkain, magagamit ko iyan,” giit ni Lolo Carlito.
“Tatang, mas marami pong makakatulong sa inyo kung hihingi tayo ng tulong mula sa awtoridad. Pwede ko po kayong samahan sa police station kung gusto ninyo,” alok ni Mikka subalit todo ang tanggi ng matanda.
“Sige, kung hindi mo ako bibigyan ng pera ay maraming salamat na lang, lalo na rito sa iyong panlilibre sa akin,” malungkot na turan ng matanda at tumayo na ito. “Aalis na lamang ako.”
Pinigilan ni Mikka ang matanda. Kumuha siya ng limandaang piso at iniabot dito. “Heto po, sana makatulong po. Hindi ko naman po kayo mapipilit kung ayaw ninyo talaga. Good luck po sa paghahanap ng tulong para makauwi kayo sa inyo.”
Nakangiting tinanggap ng lolo ang iniabot na limandaang piso ni Mikka.
“Salamat dito ineng. Pagpalain ka!” at umalis na ito.
Lingid sa kaalaman ng matanda ay sinundan siya ni Mikka. Katulad ng ginawa nito sa kaniya, humihingi rin ito ng tulong sa iba pang nakakasalubong. May mga nagbibigay at may mga hindi. Malakas ang paniniwala niyang modus operandi lamang ito. Gimik lang. Hindi totoo ang sinasabi nitong uuwi ito sa Agusan Del Sur. Ganyan ang galawan ng mga sindikato at manloloko ngayon. Ipinain niya ang limandaang piso para lamang malaman ang totoo. Balak niyang isuplong sila sa pulis at magsampa ng reklamo.
Maya-maya, umupo ang matanda sa isang bangketa. Binibilang nito ang nakalap na pera. May tumabi ritong isang matandang babae. Narinig niya ang usapan nila.
“Mukhang tiba-tiba tayo ngayon ah.”
“Oo. May mga naniwala naman sa akin,” nakangising sabi ng matanda.
“Sabi ko na nga ba manloloko ito eh. Dapat mahuli ito para matapos na ang mga panlolokong gaya nito,” sa isip-isip ni Mikka.
“Tawagin ko na ba sila? Nakabili na ako ng pagkain kanina,” tanong ng matandang babae kay Lolo Carlito. Tumango ang matanda at sa isang paswit nito, naglabasan ang mga batang palaboy at inabutan ng matandang babae ng mga nakaplastik na pagkain.
Nilapitan ni Mikka ang matanda. Nagulat ito pagkakita sa kaniya. Ipinaliwanag ni Lolo Carlito ang tunay na dahilan ng kaniyang pamamalimos. Ang perang nalilikom pala ng matanda ay ipinambibili nito ng pagkain para sa mga batang palaboy sa lansangan. Sila ng kaniyang asawang palaboy rin ang matiyagang nagpapakain sa mga batang ito na itinuturing na nilang apo. Subalit inamin nitong tunay ang sinabi niyang taga-Agusan Del Sur silang mag-asawa.
Dahil dito, nagkusa na si Mikka na lumapit sa DSWD at iba pang ahensya ng lokal na pamahalaan upang matulungan ang dalawang matanda gayundin ang mga batang palaboy. Kinupkop ng DSWD ang mga batang palaboy. Ang dalawang matanda naman ay nakabalik sa Agusan Del Sur upang makapiling ang kanilang mga kaanak. Masaya si Mikka dahil nakatulong siya sa kaniyang kapwa.