“Pa, tatawag ka kapag nasa Dubai ka na ah…”
Hindi mapigilan ni Rosanna na makaramdam ng kaunting lungkot sa nakatakdang pangingibang-bansa ng kaniyang asawang si Guillermo. Nagbunga na rin sa wakas ang halos anim na buwang pag-aasikaso nito upang makapagtrabaho sa Dubai.
“Huwag kang mag-alala, ma. Dalawang taon lang naman ang kailangan ko para makapagpagawa na tayo ng dream house natin. Para sa mga anak natin ang lahat ng mga sakripisyong ito,” sabi ni Guillermo kay Rosanna. Dalawa ang kanilang mga anak: sina Jaypee at Jenina na pawang maliliit pa.
“Baka naman humanap ka ng iba doon ah,” kunwari ay nagseselos na sabi ni Rosanna sa asawa.
Lumapit si Guillermo kay Rosanna at niyakap ito mula sa likuran. “Iyan ang hinding-hindi ko gagawin, mahal. Alam mo namang ikaw lang ang mahal ko at wala na akong ibang hahanapin pang iba.”
“Panghahawakan ko iyan, ‘pa. Mahal na mahal kita,” sabi ni Rosanna.
Dumating ang araw ng paglipad ni Guillermo. Mahigpit ang kaniyang bilin na huwag na siyang ihatid ni Rosanna sa paliparan. Baka raw biglang magbago ang kaniyang isip at huwag nang tumuloy. Masasayang raw ang lahat ng pagkakataon upang umasenso ang kanilang buhay.
Matapos ang ilang buwan, ang tanging komunikasyon lamang na nagagawa nina Rosanna at Guillermo ay chat. Salamat at naimbento ang mga social media. Laging nagpapadala si Guillermo ng mga larawan sa tinutuluyan nitong bahay. Nakaramdam ng pangungulila si Rosanna sa kaniyang asawa. Gusto niyang magvideo call sila subalit bawal daw iyon sa ibang bansa.
“Pa, sana matapos na ang kontrata mo riyan para makabalik ka na rito,” minsan ay nasabi ni Rosanna.
“Huwag kang mag-alala. Malapit na tayong muling magkasama, mahal,” sabi ni Guillermo.
Makalipas lamang ang isang buwan at nakapagpadala na si Guillermo ng kaniyang suweldo. Tuwang-tuwa si Rosanna. Halos isandaang libo ang nahahawakan niya buwan-buwan. Nasimulan na niyang ipagawa ang kanilang bahay. Inilipat niya sa pribadong paaralan ang kanilang mga anak. Nahilig sa pagbili ng mga damit at alahas si Rosanna bilang pag-aliw sa kaniyang sarili. Napadalas din ang paglabas niya kasama ang mga kaibigan sa kolehiyo. Siya lagi ang taya. Nililibre niya sila.
Matuling lumipas ang isang taon. Dahil maraming pera, napalaki ni Rosanna sa luho sina Jaypee at Jenina. Halos lahat ng maibigang gamit, laruan at gadget ay binibili ni Rosanna para sa kanila.
“Ma, gusto ko nang umuwi diyan sa Pilipinas. Miss na miss ko na kayo,” sabi ni Guillermo nang minsang mag-usap sila sa pamamagitan ng chat.
“Ha? Bakit ka uuwi? Paano na ang pera natin? Kapag umuwi ka rito sa Pilipinas, wala na tayong P100,000.00 kada buwan! Matatapos na rin ang pagpapagawa natin sa bahay kaya huwag ka munang umuwi. Tapusin mo pa ang isang taon.”
Tiniis ni Guillermo ang isa pang taon sa Dubai. Lumaki ang kaniyang suweldo kaya lumaki rin ang naipapadala niya kay Rosanna. Dumami pa ang mga nakahihiligan ni Rosanna na hindi niya madalas gawin noon. Nahilig siya sa pagka-casino. Nahilig siya sa mga sosyalan. Natuto rin siyang magpa-facial at magpaganda sa mga derma clinic. Katuwiran niya, gusto niyang maging magandang-maganda para sa pagdating ng kaniyang asawa.
Isang buwan bago matapos ang kontrata ni Guillermo, kinausap niya si Rosanna.
“Ma, may offer sa akin na extension ng kontrata ko. Isang taon pa. Pero parang ayoko na. Gusto ko nang umuwi diyan sa Pilipinas para makasama kayo. Gusto ko na kayong makita at mayakap,” sabi ni Guillermo.
“Kung ako sa iyo mahal tanggapin mo na iyan. Sayang naman ang kita,” pangungumbinsi ni Rosanna. Nanghinayang siya sa perang mahahawakan niya kapag nanatili ang asawa sa pagtatrabaho sa ibang bansa.
“Ayaw mo ba akong makita at makasama? Dalawang taon na tayong nag-uusap sa pamamagitan lang ng chat. Gusto naman kitang makausap sa personal, kayo ng mga bata. Dati naman namimiss mo na kaagad ako at pinapauwi na ah,” medyo nagtatampong sabi ni Guillermo sa misis.
Pero dahil nalunod na nga si Rosanna sa perang pinadadala sa kaniya ni Guillermo, hindi na niya inisip ang nararamdaman nito. Mahalaga sa kaniya na hindi mahinto ang pagpapadala nito ng pera.
Isang araw, isang nakagigimbal na balita ang natanggap ni Rosanna. Naaksidente raw si Guillermo na ikinasawi nito. Pakiramdam niya ay pinagbagsakan siya ng langit at lupa. Pumalahaw ng iyak ang kanilang mga anak. Paano na kami? Iyan ang lumulutang sa isip ni Rosanna.
Sising-sisi si Rosanna kung bakit hinayaan pa niyang manatili si Guillermo sa Dubai. Sana ay nakauwi na ito at nakasama pa nila. Mabuti na lamang at nakapag-ipon siya kahit papaano mula sa mga padala nito. Dalawang buwan pa bago naiuwi ang malaking kahon mula sa Dubai kung saan nakasilid ang mga labi ng asawa. Ipinangako ni Rosanna sa asawa na papalakihin at itataguyod niya nang wasto ang kanilang mga anak.