Sa ilalim ng tirik na tirik na araw, sa kahabaan ng kalsadang iyon kung saan dumaraan ang maraming motorista, kabilang na ang pauwi pa lamang mula sa trabahong si Edmond, mamamataan ang isang matandang pulubing sinusuong ang delikadong panlilimos sa mga dumaraang sasakyan.
Alas dos iyon ng hapon at katatapos lamang ng shift ni Edmond bilang janitor sa isang sikat na food company. Noon ay sakay siya ng kaniyang motorsiklong hanggang nang mga oras na iyon ay hinuhulugan pa rin niya. Eksaktong isa siya sa nahingian ng limos ng naturang pulubing kilala bilang Mang Anselmo.
“Hijo, baka may barya ka riyan. Baka naman pupuwedeng makahingi kahit kaunti,” may pagsusumamong sabi noon ni Mang Anselmo sa binatang halos madurog naman ang puso nang siyaʼy makita.
“Hindi ho kasi talaga ako nagbibigay ng pera, e. Kadalasan, pagkain ang ibinibigay ko…” sabi naman ni Edmond sa matandang labis niya ngayong kinahahabagan. “Pero mukhang hindi lang po iyon ang kailangan nʼyo, ʼtay, e. Gusto nʼyo ho bang sumama muna sa akin pauwi sa bahay ko para makaligo ho kayoʼt makapagpahinga? Magluluto rin ho ako ng pagkain,” dagdag pa ni Edmond.
“Ayos lang ba ʼyon sa ʼyo, hijo? Hindi ka ba nababahala na pulubi ako at baka may gawin ako saʼyong masama?” takang tanong ng matanda kay Edmond.
“Naku naman, ʼtay. Matanda na ho kayo, e. Hindi naman ninyo na siguro gagawin ʼyon sa akin. Isa pa, matagal-tagal na rin naman ho akong walang nakakasabay sa pagkain simula nang umalis ako sa ampunang kinalakihan ko,” saad pa ni Edmond sa kinaaawaang matanda.
Napatango na lang ang matandang pulubi sa kaniyang sinabi. Sumang-ayon na itong sumama sa kaniyang bahay.
Bago dumiretso nang uwi ay dumaan muna sina Edmond at Mang Anselmo sa palengke upang mamili ng mga lulutuing pagkain na kakasya para sa kanilang dalawa. Pagkatapos ay bumili na rin si Edmond ng ilang piraso ng mumurahing panloob para kay Mang Anselmo.
“Tay, ligo ho muna kayo sa banyo. Ipinag-init ko ho kayo ng tubig pampaligo para hindi ho mabigla ang katawan nʼyo,” sabi ni Edmond na agad namang sinang-ayunan ng matanda.
Habang naliligo si Mang Anselmo ay sinimulan nang magluto ni Edmond. Nariyang nagluto siya ng putchero bilang kanilang ulam at naghanda siya ng sawsawang patis, kalamansi at sili. Bumili rin si Edmond ng isang liyanerang leche flan sa palengke bilang kanilang panghimagas at naghanda rin siya ng fresh fruit juice na nilagyan niya ng maraming yelo. Nang matapos si Mang Anselmo sa paliligo ay laking tuwa nito sa nakitang mga pagkaing nakahain sa mesa. Tila natakam ito nang husto. Busog na busog ang dalawa nang matapos kumain.
“Anak, maraming salamat sa’yo. Kahit isang araw ay naranasan kong magkaroon ng anak na walang hinihinging kapalit sa pagtulong sa akin,” sabi ni Mang Anselmo kay Edmond. “Bilang pasasalamat, tanggapin mo itong susi at papel na siyang tanging mayroon ako. Sana, pag-ingatan moʼt saka lamang buksan kapag ako ay nabalitaan mong pumanaw na.”
“Pumanaw? Huwag kayong magsalita nang ganiyan, ʼtay. Walang papanaw, dahil simula ngayon ay aalagaan ko kayo. Kung inyo lang pong mamarapatin, gusto ko sana kayong kupkupin ditoʼt alagaan. Pareho naman po tayong walang pamilya, e,” muling alok ni Edmond sa matanda. Itinago niya sa kaniyang drawer ang susi at papel na ibinigay nito sa kaniya.
Agad na naisakatuparan ni Edmond ang pagkupkop sa matanda matapos itong sumang-ayon doon. Matagal din namang inalagaan ni Edmond si Mang Anselmo at itinuring na tunay na ama. Naging masaya ang pagsasama ng dalawang hindi magkadugong ulila ngunit naging isang pamilya.
Hanggang sa isang pagsubok ang muling nagtangkang bawiin sa kanila ang isaʼt-isa. Na-diagnose si Mang Anselmo sa sakit sa puso, hanggang sa ʼdi na nito nakayanan paʼt tuluyan nang sumuko… itoʼy pumanaw na. Ganoon pa man ay mahigpit na ipinaalam nito kay Edmond na naging masaya ang mga huling sandali ng kaniyang buhay.
Matapos ang libing ni Mang Anselmo ay naalala ni Edmond sa gitna ng kaniyang kalungkutan ang susi at lumang papel na noon ay ipinagbilin nito sa kaniya. Ito na ang tamang pagkakataon upang basahin niya ang nakasaad sa papel—na sa huli ay napag-alaman niyang isa palang mapa.
Ginawa ni Edmond ang lahat upang matagpuan ang bagay na sinasabing ibinaon daw ni Mang Anselmo sa lugar na inilagay nito sa mapa… natagpuan niya iyon sa likod ng isang malaking bahay, malapit sa kanilang lugar. Doon ay matiyagang naghukay si Edmond at natagpuan niya ang isang may kalakihang baul sa ilalim ng lupa. Baul na siya palang paggagamitan ng ibinigay na susi ni Mang Anselmo.
“T-totoo ba ito?!” Natutop ni Edmond ang kaniyang bibig matapos mapag-alamang mga titulo pala ng lahat ari-arian ni Don Anselmo Guevarra ang nakapaloob na mga dokumento sa naturang baul!
Hindi pala tunay na pulubi ang matandang kaniyang kinupkop kundi isang milyonaryong negosyanteng naghahanap ng kaniyang magiging tagapagmana!
Dahil sa kaniyang kabutihan, si Edmond ngayon ay isa na ring milyonaryo sa tulong ng mga ari-arian ni Mang Anselmo. Sa kabila ng karangyaang tinatamasa, hindi pa rin siya tumigil sa pagtulong sa mga kapwang nangangailangan ng kalinga.