“Wow, manok!” halos magningning ang mga mata ng kapatid ni Gel na si Gelay. Maganda kasi ang kita niya ngayong araw, dahil nakarami siya ng benta ng kaniyang naipong kalakal kahapon. Bukod doon ay naka-extra pa kasi siya bilang kargador sa palengke, kayaʼt nadagdagan pa ang kaniyang kita kanina.
“Ang sarap ng ulam natin ngayon, ʼdi ba?” nakangiti namang sabi Gel sa kapatid habang ihinahain ang kalahating letsong manok na binili niya.
“Oo nga, Kuya, ang bango pa!” ngiting-ngiti pang sabi ni Gelay habang sinisinghot pa ang masarap na samyo ng kanilang ulam.
“O siya, tawagin mo na si Lola, bunso, nang tayo e makakain na!” utos pa ni Gel sa kapatid na agad namang tumalima.
Si Gel ay isang disinueve anyos na binatang ngayon ay nasa grade 12 na ng pag-aaral bilang Senior Highschool. Sa kabila ng hirap ng buhay at ng mag-isa niyang pagtataguyod sa kaniyang bunsong kapatid na si Gelay at kanilang lolang may sakit ay nagawa ng binata na tumuntong sa ganoong antas ng edukasyon sa pamamagitan ng kaniyang sipag at tiyaga, at matinding determinasyong makatapos ng pag-aaral.
“Late ka na naman, Mr. Valdez. Ano na naman ang idadahilan mo ngayon?” bulyaw sa kaniya ng kaniyang guro sa unang klase nang araw na iyon. Pang-ilang beses na kasi niya ngayong pumasok nang late sa subject nito.
Agad siyang napayuko. “Prof., pasensiya na po kayo. Na-traffic po kasi ako kanina noong nag-deliver ako ng tubig kaya nahuli na naman po ako nang pasok,” nahihiyang katuwiran naman ni Gel dito.
“Lagi ka na lang may dahilan. Isa pa, iba-iba rin ang trabahong sinasabi mo sa akin. Are you sure, hindi mo ako pinaglololoko?” May himig ng pagdududa sa boses ng kaniyang guro.
“Ume-extra-extra po kasi ako sa kahit saan, basta matino at kakayanin kong trabaho. Sorry po. Ako po kasi ang bumubuhay sa kapatid at lola ko,” nahihiya pang paliwanag ni Gel sa kaniyang gurong ngayon ay kunot na kunot ang noo.
“Sayang ka, Mr. Valdez, kung dahil lang diyan ay babagsak ka. Alam mong candidate for valedictorian ka sa darating na graduation…” Umiling-iling pa ang kaniyang guro bago nagpatuloy sa pagsasalita. “Ibaba mo na ʼyang bag mo sa upuan mo, ʼtapos, sumunod ka sa akin sa office. I want to talk to you regarding your scholarship.”
Biglang sumikdo ang kaba sa dibdib ni Gel matapos marinig ang sinabing iyon ng kaniyang guro. Agad niyang tinalima ang utos nito. Ibinaba niya nga ang kaniyang gamit at agad na tinungo ang faculty room nito. Kinakabahan man ay minabuti nang ihanda ni Gel ang kaniyang sarili sa kung ano ang posibleng mangyari. Baka matanggal sa kaniya ang scholarship, lalo paʼt sa palagay niyaʼy mababa ang mga scores na nakuha niya sa katatapos lamang nilang examination. Kung magkakaganoon man ay plano ni Gel na piliting makatapos pa rin ngayong pasukan, sa kahit anong malinis na paraang alam niya, tutal ay ilang buwan na lamang at graduation na nila.
“Mr. Valdez, hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa. Look at this…” sabi ng kaniyang propesor sabay abot ng ilang mga papel na nahuhulaan na niyang results ng kanilang exams. “These are your test results, Mr. Valdez. Come on, see it now.”
Kinakabahang sinilip ni Gel, isa-isa ang kaniyang mga nakuhang scores at ganoon na lang ang gulat niya dahil lahat ng iyon ay perpekto!
“T-totoo po ba ito, Prof?” takang tanong ni Gel sa guro na ngayon ay malawak na ang pagkakangiti.
“Yes, Mr. Valdez. Congratulations!” sagot naman nito bago siya kinamayan. “Actually, I donʼt care, kahit pa araw-araw kang ma-late sa klase ko, because I understand your situation. Iyon nga lang, hindi ko matiis na kailangan mo pang pag-aralan sa bahay ang mga nami-miss mong discussions kapag nali-late ka, thatʼs why…”
Sandaling humintong muli sa pagsasalita ang kaniyang propesor. Muli ay may kinuha itong envelope sa loob ng drawer nito at iniabot iyon sa kaniya.
“Take this as a reward, Gel. You deserve to have this,” pagpapatuloy ng kaniyang guro pagkatapos nitong iabot sa kaniya ang envelope na naglalaman ng mga dokumento patungkol sa pagkakaroon ng isang savings bank account sa pangalan ni Gel Valdez.
“Noong nalaman ko ang sitwasyon mo, na kinakailangan mo pang mangalakal ng mga basura at um-extra sa kung ano-anong trabaho para lang makapag-aral ka habang binubuhay mo ang pamilya mo, talagang naantig ang puso ko. Kaya naman agad akong lumapit sa ibaʼt-ibang institusyong naglalayong tumulong sa mga katulad mo upang magkaroon ka ng sapat na halaga ng pera upang makapag-umpisa kayo ng negosyo nang sa ganoon ay hindi mo na kakailanganin pang kumayod nang husto habang nag-aaral ka. Gel, nakaka-proud ka. Tanggapin mo iyan, dahil ʼyan ang katas ng pangangalakal mo para gampanan ang pagiging isang dakilang kuya.”
Bumuhos ang emosyon sa loob ng faculty room na iyon. Labis na tuwa ang nadarama ni Gel dahil sa handog ng kaniyang butihing guro. Ngayon ay mas masisigurado na niya ang kaniyang pagtatapos at iyon ang magdadala sa kaniya sa rurok ng tagumpay upang maiahon niya sa hirap ang kaniyang pamilya.