Inday TrendingInday Trending
Gaganti Ako Kay Lola Anita!

Gaganti Ako Kay Lola Anita!

Ganoon na lang ang paghikbi ni Kisha habang nakadapa siya sa kaniyang kama. Paanoʼy nabulyawan na naman siya ng kaniyang Lola Anita. Nakabasag siya ng pinggan habang siya ay naghuhugas ng mga ito kaya naman galit na galit tuloy si Lola Anita.

“Papa Jesus, bakit po kaya ganoon sa akin si Lola? Bakit po niya ako palaging pinagagalitan? Hindi ko naman po sinasadyang makabasag ng pinggan kanina,” nakahikbing pagdarasal ni Kisha habang magkasalikop ang kaniyang mga kamay.

Nakatulugan na ng bata ang pag-iyak at nakasanayan na ang ganoong gawain kapag siyaʼy mapapagalitan. Palagi siyang nagdarasal, nagtatanong at hihingi ng tawad sa Diyos para sa kaniyang mga kasalanan.

Hanggang sa tumanda na at makapagtrabaho si Kisha sa pangangalaga ng kaniyang lola, na siyang natitira niya na lamang na kapamilya kaya’t nanatiling istrikta ito sa kaniya. Palagi itong may sinasabi sa bawat kilos at galaw niya. Minsan ay natutulilig na ang tainga ni Kisha ngunit madalas ay hinahayaan niya na lamang na gawin iyon ng kaniyang lola.

“Aba, Kisha, palagi ka yatang ginagabi ng uwi?” bungad sa kaniya nito nang minsan ay mag-overtime siya sa kaniyang trabaho sa opisina bilang IT. Kagagaling lamang niya mula ilang oras na pagkaipit sa traffic.

“Lola, nag-overtime ho ako.” Bakas ang pagod sa boses ni Kisha.

“Nag-overtime ka? Bakit hindi ka nagpaalam? Wala ba kayong breaktime? Sana naman, tumawag ka,” panenermon pa ng kaniyang lola.

Napabuntong hininga na lang ang dalaga. Kahit kailan talaga ay walang piniling oras ang panenermon ng kaniyang Lola Anita.

Hindi na sana sasagot pa si Kisha, ngunit nagpatuloy pa rin ang matanda… “Hindi porque ikaw ay sumasahod na, pupuwede mo nang gawin ang gusto mo. Ako pa rin ang lola mo, kaya makinig ka sa akin! Aba, ano ang tingin mo sa akin dito sa bahay? Tau-tauhan na lang?” sabi nito. “Sa susunod, tumawag ka o kayaʼy mag-text…”

Maya-maya pa ay biglang lumambot ang kanina ay kunot na kunot na mukha ng kaniyang Lola Anita. “Nag-aalala ako sa ʼyo. Alam mo naman ang panahon ngayon, napakadelikado na.”

“Sorry po, lola. Hindi ko na po kasi naasikaso ang pagtawag o pagtetext sa dami ng gawain ko sa office,” halos wala nang tinig na sagot na lamang ni Kisha kay Lola Anita.

“Apo, ako, e nag-aalala lang naman sa ʼyo. Nasanay naman kasi ako na hindi ka nag-o-overtime diyan sa trabaho kaya medyo nag-panic ang lola mo. Sa susunod, kahit text man lang mag-send ka sa akin, ha? Saka apo, huwag na huwag mong aabusuhin ang katawan mo. Matagal ko nang sinasabi ʼyan saʼyo.”

Napangiti na lang si Kisha sa tinuran ng kaniyang Lola Anita. Simula pa noong bata siya ay napakaistrikta na nito. Palaging may nakataas na kilay at nakangiwing mga labi. Noon, madalas niyang itinatanong sa kaniyang mga dasal kung bakit palagi na lang siyang pinagagalitan ng kaniyang lola, ngunit habang siya ay lumalaki, napagtanto niya kung bakit nito ginagawa ang bagay na iyon.

Niyakap niya ang matandang kung noon ay nagagawa pa siyang paluin ng tsinelas, ngayon ay uugod-ugod naʼt umaasa na lamang sa paggamit ng tungkod upang makalakad nang hindi nabubuwal.

“Lola, hindi ko po aabusuhin ang katawan ko. Kinailangan ko lang po talagang mag-overtime sa trabaho para naman po maging proud kayo sa akin,” nakangiting sabi pa ni Kisha.

Simula nang magkaedad si Kisha ay hindi na purong tanong at pagkahabag ang laman ng kaniyang mga dasal tungkol sa kaniyang Lola Anita. Napalitan na iyon ng pasasalamat at hiling na sana ay mas makasama niya pa ito nang matagal. Nais niyang gumanti sa lahat ng kabutihang ginawa nito para sa kaniya, mula sa pagkupkop, pag-aalaga at pagmamahal na ibinigay ni Lola Anita kay Kisha ay gustong ibalik ng dalaga rito.

“Lola, mayroon pa nga pala akong surpresa sa inyo,” maya-maya pa ay nakangiting saad ni Kisha, sa kabila ng kaniyang pagod. Inilabas niya mula sa kaniyang bag ang isang envelope… “Basahin nʼyo po,” dagdag niya sabay abot ng naturang envelope sa matanda.

“T-titulo ito ng bahay, apo, ah!” maluha-luhang reaksyon ni Lola Anita.

“Tama po layo, lola. Dahil simula ngayon, sa atin na ulit ang bahay na ito. Ito po ang regalo ko sana sa inyo, ngayong darating na pasko, kaya lang, sobrang excited na akong malaman nʼyo.”

Binili ni Kisha muli ang bahay at lupang iyon na nagawang isangla ng kaniyang Lola Anita para sa kaniyang pag-aaral na makalipas ang ilang taong pag-iipon ay agad ding nabawi ni Kisha.

Nagyakapan ang maglola sa tuwaʼt galak. Ngayon ay nakaganti na si Kisha sa kaniyang lola.

Advertisement