Inday TrendingInday Trending
Ma, Bigay ni Papa Jesus ‘Yan!

Ma, Bigay ni Papa Jesus ‘Yan!

Dalaga pa lamang si Fatima ay sa ilalim ng tulay na siya nakatira ng kanilang pamilya. Akala niya ay makakaalis siya sa ganitong buhay ngunit napako na siya sa masaklap na pamumuhay.

“Mahal, pasensya ka na kung dito pa rin tayo titira sa ilalim ng tulay. Hayaan mo, magiging blessings natin ‘yan si Baby Jane. Manalig ka lang,” wika ni Romeo, nobyo ng dalaga.

Hindi nila inaasahan na magkakabunga ang maiilap nilang gabi sa isa’t-isa. Kaya kahit wala sa plano at hindi nila malaman kung paano bubuhayin ang bata ay pinagpatuloy pa rin nila ang pagbubuntis ng babae. Mahihirap man daw sila ngunit hindi naman sila mamat*y tao, lalo sa mga batang walang muwang sa mundo.

“Sana nga talaga, Romeo. Bata pa lang ako ay pangarap ko na ang makaalis dito sa tulay pero heto pa rin ako ngayon. Magkakaroon na ng sariling pamilya,” malungkot na pahayag ng babae.

“Kaya, Baby Jane, ‘wag kang gagaya sa yapak naming ni papa mo, ha? Kapag lumabas ka na ay gagawin naming ang lahat para makapag-aral ka. Kami na ang mangangalakal o manlilimos, ‘wag ka lang. Dahil kahit anong mangyari, ikaw ang kaisa-isang biyayang hinding-hindi ko ipagpapalit,” dagdag pa nito sabay hawak sa kaniyang pitong buwang tiyan.

Hanggang sa nairaos na nang magkasintahan ang panganganak at pinalaki nila ang batang si Jane.

Pangungulekta ng mga plastic at basura ang siyang ikinabubuhay nilang mag-asawa. Paminsan-minsan naman ay namamalimos sila kapag kinakapos na talaga. Mahirap man sa daga ang kanilang pamumuhay ay masaya naman sila sa araw-araw lalo na’t ibang ligaya ang nabibigay ng kanilang anak. Napakatalino kasi ng batang si Jane. Sa edad na tatlong taong gulang ay diretso na itong magsalita at nauutusan na rin sa mga gawaing bahay.

“Anak, pasensya ka na kung tolda lang ang bahay natin ngayon. Mahirap lang kasi tayo pero masaya naman. Kaya ikaw, kapag nag-school ka na ay mag-aaral kang mabuti, ha?” pahayag ni Fatima sa kaniyang anak.

“Opo, mama, aaral mabuti si Jane tapos ako bibili ng malaking-malaking bahay natin!” masiglang sagot naman sa kaniya ng bata. Halos mangilid ang luha ng babae sa narinig niya sa anak. Gagawin niya ang lahat maiba lamang ang direksyon ni Jane sa kanila. Umalis na siya para mangolekta muna ng mga kalakal at binilin muna ang bata sa kaniyang mga kaibigan.

Lumipas ang gabi at naabutan niyang gising pa ang anak.

“Mama, may regalo ako sa’yo,” masiglang salubong sa kaniya ng anak sabay bigay ng isang bag na punong-puno ng pera.

“Anak, saan galing ‘to? Diyos ko!” gulat na gulat na wika ni Fatima at niyakap niya ang bata.

“Nakuha ko po sa daan, binigay sa’tin ni Papa Jesus,” inosenteng sagot ni Jane.

“Anak, ‘yung totoo. Walang magbibigay ng ganito kalaking pera, ang dami nito,” bulyaw naman ni Romeo.

“Papa, bakit galit ka? ‘Di ba kailangan natin ng pera? Bakit galit ikaw?” naiyak na si Jane sa takot na nakikita niya sa mga magulang.

Saglit na kinalma ni Fatima ang bata at pati na rin ang asawa.

“Hindi naman kami galit, anak, gusto ko lang sana malaman saan galing o kanino galing ‘yung pera kasi baka kailangan ‘yan nung may-ari. Kawawa naman sila,” paliwanag ni Fatima rito.

“Nakita ko lang talaga ‘yan, mama, dun sa may basurahan. Akala ko basura na kasi nasa tabi lang naman, kaya nikuha ko na. Tapos nakita ko po may pera, e, wala naman pong ibang tao. Kaya naisip ko na bigay ni Papa Jesus, kasi lagi ako nagpi-pray na bigyan niya tayo pera,” saad ni Jane sa kanila.

Naluha si Fatima at niyakap na lamang ang bata. Samantalang binuksan naman ni Romeo ang bag at hinanap kung may I.D. o anumang palatandaan ng may-ari. Kaagad silang nagpunta sa pulisya para i-report ang nangyari.

“That is my bag!” sigaw kaagad ng isang foreigner nang makita silang papasok sa tangapan ng pulis.

“Sir, nakuha ho ng anak ko sa may basurahan. Hindi ho namin ginalaw ‘yan,” saad ni Romeo at hiyang-hiya pa silang iniabot ang bag sa pulis.

Nakumpirma namang wala ngang nabawas sa gamit ng lalaki. Inamin din niyang nakalimutan nya ito ngunit hindi matandaan kung saan nailapag. “You poor people, I didn’t expect that you will return this kind of money! You have a good heart,” wika sa kanila ng may-ari at labis naman na natuwa ang mga pulisya sa pamilya ni Fatima.

Ngayon lang nila nalaman na halos limang milyong piso ang laman ng bag. Kung kinuha nila iyon ay sigurado nang maalis nila sa hirap ang kanilang anak, ngunit si Jane na mismo ang ginamit bilang pagsubok kung paano nilang palalakin ang bata.

“Ma, salamat po. Kasi sabi nila mabuti raw tayong tao sabi ng mga pulis, kasi binalik natin ang pera ni kuyang kano. Hindi pala bigay ni Papa Jesus ‘yun, sorry po,” wika ni Jane sa kanilang dalawa.

“Wala ‘yun, anak. Kahit gano pa kalaking pera ang mapunta sa harapan natin kung hindi naman natin pinaghirapan ay huwag nating aangkinin. Ayos lang ang maging mahirap,” sagot ni Romeo sa bata.

Binigyan sila ng pabuya ng may-ari at nangako pa itong pag-aaralin si Jane sa pamamagitan ng pagpapadala ng pera sa kanila. Hindi naman nila lubos akalain na ganitong swerte ang bubuhos sa kanila mula sa langit. Mabuti na lang talaga at hindi sila nasilaw sa pera. Ngayon ay kolehiyo na si Jane nakikita na nila na magiging iba na ang buhay na tatahakin ng kanilang anak.

Advertisement