Inday TrendingInday Trending
Huwad na Kaibigan

Huwad na Kaibigan

Tuwang-tuwa si Emma dahil oras na ng uwian. Itinaas niya ang dalawang kamay at nag-inat ng likod. Pagkatapos ay dinampot niya ang kanyang bag at mabilis na tumayo mula sa kanyang kinauupuan. Dire-diretso siya sa elevator at nakipagsiksikan sa mga kasamahan niyang nagmamadali ring umuwi.

Pagdating sa ibabang palapag ng gusali kung saan siya naroon ay nakita niya ang kaibigang si Carol.

“Oy, Carol! Tuloy tayo bukas ha,” bati niya.

“Oo, tuloy tayo. Kailangan ko bang magdala ng kahit ano?” tanong nito.

“Naku, hindi na. Basta’t ang mahalaga, matapos natin iyong proposal. Kundi, lagot na naman tayo kay boss,” sagot niya.

“Kaya nga e, sige bukas na lang. Bye!” sabi ng kaibigan.

“Okay, ingat!” tugon niya sabay paalam kay Carol.

Dahil malapit lamang ang kanyang bahay sa opisina ay naglalakad siya papasok at pauwi. Hinawakan niya ng mahigpit ang kanyang shoulder bag at nagsimulang maglakad.

Ngunit agad din siyang napatigil nang makita ang isang lalaking pulubi na nakatayo sa gilid ng kalsada sa kanyang harapan. Nakatingin ito sa kanya. Gula-gulanit ang suot nitong damit at puno ng dumi ang katawan.

“Ito na naman siya?” wika ni Emma sa kanyang sarili. Halos isang linggo na kasi magmula nang makita niya ang gusgusing pulubing iyon. Tuwing siya ay uuwi ay palagi itong naroon, nakatayo at nakatingin sa kanya.

“Ano bang problema nito? Dapat paalisin ‘to rito. Ang baho-baho!” bulong pa niya sa isip.

Binilisan niya ang kanyang paglalakad. Nang malagpasan ang pulubi, ramdam niya na nakapako pa rin sa kanya ang mga mata nito. Araw-araw ay ganito. Hindi niya alam kung ginagawa ba ng pulubi ang ganito sa lahat ng tao, o baka sa kanya lamang.

Naging kampante lang si Emma nang makapasok na siya sa kanyang bahay at nang ipinid at ikandado ang pinto.

Kinabukasan, oras ng uwian, mabilis na tumayo si Emma mula sa kanyang upuan at dala-dala ang ilang pirasong folder.

“Ano? Let’s go?”

Bahagyang nagulat si Emma nang makita si Carol na nakatayo sa kanyang harapan. Tulad niya, may bitbit din itong mga folder.

“Sige. Halika na at para makapagsimula na,” sagot niya. Dumiretso ang dalawa sa elevator.

“’Di ba malapit lang ang bahay mo rito?” tanong ni Carol.

“Oo. Diyan lang ako nakatira. Kaya nga naglalakad lang ako palagi.”

“Buti ka pa. At least, tipid sa pamasahe.”

“Korek ka diyan!”

Pagdating sa baba ay dumiretso kaagad sa labas ang dalawa at nagsimulang maglakad.

Habang naglalakad ay napansin nila ang gusgusing pulubi. Ngunit sa pagkakataon ito, natayo ito sa gitna ng sidewalk, nakaharang sa kanilang daraanan.

“Bakit?” tanong ni Carol.

“Nandiyan na naman siya, ang gusgusing pulubi,” tugon ni Emma sabay turo sa madungis na lalaki.

“Ay, ano ba yan! Nakakatakot naman,” wika ni Carol.

“Oo nga. Ilang beses ko na nakikita iyan tuwing naglalakad ako pauwi. Naku, mabuti pa tuwawid na lang tayo sa kabila.”

“Oo, nga.”

Matapos lumingon sa kaliwa’t kanan, mabilis na tuwawid ang dalawa.

“Grabe, dapat ireklamo sa baranggay iyan,” sabi ni Carol.

“Oo nga. ‘Di ko alam kung bakit pinapayagang makagala iyang mga ganyan!”

“Teka, tingnan mo Emma!”

Lumingon si Emma at nagulat ng makitang tumawid din ang lalaking pulubi at sinusundan sila.

“Oh my God! Bakit niya tayo sinusundan?” takot na tanong ni Carol.

“E-Ewan ko,” tarantang sagot ni Emma. “P-Pero tuwing maglalakad ako pauwi, lagi akong sinusundan ng tingin niyan.”

“H-Ha? Naku, baka stalker iyan!”

“Stalker? Meron ba namang pulubing stalker?”

“Oo naman!” sagot ni Carol. “Baka kasi nakursunadahan ka!”

“Naku Carol, huwag kang magsalita ng ganyan ha.”

“Mabuti pa bilisan natin ang lakad,” payo ni Carol sa kaibigan.

Halos hingalin ang dalawa sa pagmamadali. Ngunit, kahit anong bilis nila, naroroon pa rin ang gusgusing pulubi na nakasunod sa kanila tuwing lilingunin nila ito.

“Mabuti pa humingi tayo ng tulong. Medyo dumidilim na rin, oh,” wika ni Carol.

“H-Ha? Huwag na. Malapit na naman ang bahay ko. Sigurado, hindi tayo masusundan niyan dito.”

Lumiko ang dalawa sa isang makipot na kalye. Madilim na dahil lumubog na ang araw at ang buwan naman ay natatakpan ng makakapal na ulap.

“Emma, dito ba ang bahay mo? Ang dilim naman,” tanong ni Carol.

“Oo nga pero huwag kang matakot. Ganito talaga dito.”

Nagpaliko-liko ang dalawa sa loob hanggang marating nila ang dulo ng isang saradong kalye. Sa pinakadulo nito ay may kulay pula na bahay na may tatlong palapag.

“Wow! Ang ganda naman ng bahay mo! Mag-isa ka lang ba dito?”

“Oo, ako lang,” nakangiting sagot ni Emma. “Halika na, pasok tayo.”

“Sandali!”

Napalingon ang dalawa ng marinig ang malakas at magaspang na boses. Nagimbal sila sa kanilang nakita.

Ang gusgusing pulubi.

“H-Hindi!” bulalas ni Emma.

“Emma! Anong gagawin natin?” takot na takot na wika ni Carol.

“A-Anong kailangan mo? Bakit mo kami sinundan?” tanong ni Emma.

Hindi sumagot ang lalaki. Sa halip ay dumukot ito ng isang bagay mula sa kanyang likuran. Isang mahaba at matalas na kutsilyo.

“Emma!” mahinang sabi ni Carol sabay yakap sa kaibigan.

“H-Huwag kang lalapit. Sisigaw ako!”

Parang hindi siya narinig ng pulubi. Dahan-dahan itong naglakad papalapit sa kanila.

“Hindi kita hahayaang maisagawa ang binabalak mo,” sabi ng gusgusing pulubi. Mahinahon at buo ang boses nito.

“Emma! Anong gagawin natin? Baliw iyan! Papat*yin tayo niyan,” nagsusumigaw si Carol sa takot.

Ngunit, sa ‘di malamang kadahilanan, parang nawala ang takot sa mukha ni Emma. Sa katunayan ay nakangiti pa ito.

“Ganoon pala. Isa ka pala sa kanila.” Humakbang si Emma upang salubungin ang lalaki.

“Emma? Anong ginagawa mo?”

Biglang sumigaw si Emma, dahilan upang mabasag ang mga salamin ng bintana ng kanyang bahay. Napaatras naman si Carol, ang mga kamay ay nakatakip sa kanyang mga tainga.

Itinaas ng taong grasa ang kanyang kamay na may hawak na kutsilyo at itinutok ito kay Emma, tila ba nanghahamon.

“Emma…” mahinang tawag ni Carol sa kaibigan.

Sa puntong iyon ay hindi na masyadong maalala ni Carol ang mga sumunod na mga nangyari. Hindi niya maipaliwanag ngunit para bang nagbagong anyo ang kanyang katrabaho. Biglang humaba ang mga kuko sa kamay ni Emma. Pati ang mga tainga nito ay biglang tumulis. Nang lingunin siya ng kaibigan, nakita niyang naging nakakatakot ang mukha nito. Para bang naging isa itong mabangis na hayop. Matatalas ang mga ngipin nito. Ang mga mata naman nito ay nanlilisik.

Muling hinarap ni Emma ang pulubi. Pagkatapos ay sinugod nito ang lalaki, ang mga kamay na puno ng matutulis na kuko ay nakataas.

“Hindi mo ‘ko mapipigilan,” sigaw ni Emma. Ang kanyang boses ay parang galing sa ilalim ng lupa. “Hindi ko hahayaang istorbohin mo ang aking hapunan!”

Tumalon ng mataas ang babae. Pagbagsak nito ay sumalpok ito sa gusgusing pulubi. Bumagsak sa lupa ang dalawa, nagpagulong-gulong. Pagkatapos ay katahimikan.

Hindi alam ni Carol kung gaano katagal naglaban ang dalawa. Nang subukan niyang tumayo ay nakita na lamang niya ang kaibigan na nakahandusay sa lupa. Nakatarak sa dibdib nito ang kutsilyong dala ng pulubi at nasa halimaw pa ring anyo.

“Emma? Diyos ko!” naguguluhang sabi ni Carol.

Mula sa kadiliman ay sumulpot ang gusgusing pulubi. Lumapit ito kay Carol, lumuhod sa kanyang harapan.

“Ang iyong kaibigan ay isang alagad ng kadiliman. Matagal ko na siyang binabantayan dahil ayoko na muli siyang makapangbiktima ng inosenteng tao. Muntik ka na niyang mabiktima. Sa susunod ay pipiliin mo kung sino ang iyong kakaibiganin. Huwag kang masyadong magtitiwala dahil sa panahon ngayon kay galing magpanggap ng mga halimaw na may masamang tangka,”bunyag ng lalaki.

Matapos sabihin iyon ay tumayo ang pulubi at tumalikod at naglakad na papalayo at naglaho sa dilim ng gabi.

Hindi makapaniwala si Carol na isa palang halimaw ang itinuring niyang kaibigan at balak pala siya nitong gawing hapunan! Mabuti na lamang at iniligtas siya ng gusgusing pulubi.

Napagtanto ni Carol na hindi niya dapat hinusgahan ang pulubi dahil sa hitsura nito dahil ang totoong gagawa pa pala ng masama sa kanya ay ang pinagkatiwalaan niyang kaibigan na isa palang huwad.

Advertisement