Wala pang isang buwang kilala ni Aaron ang nobyang si Bianca pero alam na niya na ito ang babaeng nais niyang makasama habangbuhay. Nasa tamang edad na naman siya at kaga-graduate pa lamang ng college noong isang buwan. Nakuha na rin siyang office staff sa isang opisina malapit sa SM Mall of Asia.
“Brad, mag-isip-isip ka muna. Di ka pa nga nakakatulong sa magulang mo.” sabi ni James, ang kanyang kaibigan. Linggo ngayon at day off niya sa trabaho kaya tumambay muna siya sa bahay ng mga ito.
“Ikaw naman brad. Kaya ba pinag-aaral ng magulang ang anak ay dahil naghahangad sila ng kapalit?”
“Hindi naman sa ganoon. Oo at hindi naman nila hinihingi pero parang kusa na dapat natin yun. Kahit na paano, konswelo man lang na makabawi tayo. Lalo ka na brad, mag-isa lang ang nanay mo na binuhay ka. Naku tiyak kong laking hirap niya. Tapos ayan.. plano mo nang mag-asawa.” wika nito.
Nakaramdam na ng inis si Aaron, ang sabihin nito, naiinggit lang kamo kasi maganda si Bianca niya. Palibhasa ay walang girlfriend ang kaibigan.
“Alam mo palagi akong nanghihingi ng advice sayo pero ngayon as in hindi ka cool.” asik niya rito. “Kaya ako nagpunta kasi ipapakita ko sa’yo tong singsing na balak kong ibigay kay Bianca pag nag-propose ako mamaya. Hindi mo ako kailangang sermunan.”
“Yo. Chill ka lang, sinasabi ko lang naman ang sa tingin ko ay makakatulong. Syempre kaibigan mo ako tapos iyang si Bianca di mo naman masyadong kilala pa-“
“You know what pare? Nagsayang lang ako ng oras na pumunta rito. Sinisira mo lang timpla ko eh, dyan ka na.” wika niya. Padabog na tumayo at tuloy-tuloy na lumabas sa bahay nito.
Narinig niyang tinawag ni James ang kanyang pangalan pero di niya na ito nilingon pa.
Itinext niya na lang ang girlfriend at pinaalala rito ang date nila mamaya. Nagtanong rin siya kung pwede niya itong sunduin.
Wag na babe, bka mkita ka ni daddy sagot nito.
Oo nga pala, kahit na ka-edad niya na si Bianca ay hinihigpitan pa rin ng ama. Palibhasa ay unica hija ang dalaga, tapos maaga pang nawalan ng nanay. Kaya nga awang-awa siya sa nobya eh.
Siguro, kaya itinadhana na makilala niya ito sa isang coffee shop ay dahil siya ang itinakda ng Diyos na mag-alaga rito. Pinangako niya sa sarili na kahit na anong oras ay handa siyang harapin ang ama nito- malinis naman ang hangarin niya kaya bakit siya matatakot?
Mabilis lumipas ang mga oras, kinakabahan na naghihintay sa restaurant si Aaron. Nang dumating ang nobya ay napanganga siya dahil ubod talaga ng ganda nito. Ganda ng kutis, palibhasa laki sa yaman.
Nawala ang ngiti niya nang mapansing mugto ang mata ng dalaga.
“W-What’s wrong baby?” tanong niya.
“Si dad kasi eh. Tumakas nga lang ako para makapunta rito. Medyo may problema kasi eh, babe.” nakangusong sabi nito.
Hinawakan niya ang kamay ng nobya, “Sabihin mo lang sa akin. Anything, I’ll do my best to help.”
“Well kasi ano, pinutol niya ang mga credit cards ko. Sobrang napahiya ako sa mall kanina kasi may bibilhin dapat akong bag then tumalbog. Hindi ko alam bakit niya iyon ginawa pero sobrang.. sobrang sama ng loob ko!” humahagulgol na sabi nito.
Napabuntong hininga si Aaron, Diyos ko… iyon lang pala. Akala niya naman ay nalaman na ang tungkol sa kanila nang di oras.
“Don’t worry about it okay? Pwede namang.. ako na ang bumili ng bag. Magkano ba iyon baby?” tanong niya.
“18,000 lang naman babe. Imagine napahiya ako para sa 18,000?! How could he do that?!”
Nanlaki ang mata ng lalaki. Tatlong libo nalang kasi ang extra cash niya dahil ibinili niya ng singsing ito. Syempre, bukod naman iyong ibabayad niya sa restaurant ngayon.
“Sige babe. Babalikan natin sa mall okay? Then after that.. maybe I can talk to your dad? Para mapatunayan ko naman ang sarili ko..” wika niya.
Sandaling nag-isip ang babae, “Sige. Pero ang bag ha? Promise? Kasi natandaan ako ng saleslady sobrang nakakahiya.”
“Promise.” wika niya. Napasigaw ito sa tuwa at hinalikan siya.
Ipinagpaliban na muna ni Aaron ang pagpo-propose. Nais niya munang ipakita sa dalaga na kaya niyang ibigay ang gusto nito, para mas madaling mapa-oo.
Ang problema lang, di niya alam kung saan kukuha ng pera. Buti na lamang ay naalala niya ang pinaglalagyan ng ipon ng nanay niya. Dinampot niya ang 16,000 na pinagkahirap-hirapang itabi ng ale. Pampagawa sana iyon ng kinakalawang nang bakod ng maliit nitong tindahan.
Bahala na.
Dali-daling pumunta sa mall si Aaron at binili ang bag. Nagtatalon naman sa tuwa si Bianca pero pagkatapos niyang maihatid ito sa labas ng subdivision ay di na ito nag-text pa sa kanya.
Ilang araw na, wala pa rin. Tuliro na nga siya, wala na siyang pakialam sa ina na halos mahimatay nang malamang nawawalan ito ng pera.
Nagpasya na ang binata. Pupuntahan niya na ang nobya, kakausapin ang ama nito at sasabihing nasa tamang edad na si Bianca- palayain na!
Nang sabihin niya sa guard na kaibigan siya ni Bianca ay pinapasok naman siya nito sa subdivision. Ilang doorbell pa sa malaking gate ang ginawa niya bago siya pinagbuksan ng katulong.
Kung anu-anong pumapasok sa isip ni Aaron habang naglalakad sa bakuran. Nabuking ba ng daddy ng nobya kung sino ang bumili ng bag at nagalit ito? Pinagbawalan ba nitong lumabas si Bianca.. o baka naman kinuha pa ang cellphone para hindi siya ma-contact? Ang higpit naman!
“G-Good morning, Sir.” magalang na wika niya sa matandang lalaki na hirap na hirap pang maglakad dahil may baston.
“Good morning rin. Have a seat,” sabi naman nito.
Medyo nailang si Aaron dahil di naman ito ang inasahan niya. Akala niya kasi ay mala-dragong ama na handang magbuga ng apoy ang sasalubong sa kanya pero mali siya- mukhang mabait ang matanda.
“Tungkol po sana kay Bianca, ako po Sir ang bumili ng bag. Hindi naman ho sa inii-spoil ko siya kaya lang bilang boyfriend po ang nais ko sana talaga ay mapasaya siya. At pangako ko yan sa inyo Sir na habangbuhay kong pasasayahin po ang anak ninyo.” paglilitanya niya pa. Iniikot niya pa ang paningin at umaasang makikita ang dalaga.
“Wala na siya.” malungkot na sabi nito.
“Ho?! Ano hong wala na siya?!” gulat na wika niya.
Bigla na lamang umiyak ang matanda, “Alam mo hijo. Biyudo na ako eh. Si Bianca na lamang ang meron ako.”
Nakikinig lang siya, alam niya na naman iyon. Pero.. nagulat siya sa kasunod na sinabi nito.
“Akala ko di na ako makakatagpo ng pag-ibig pero nakilala ko si Bianca. Minahal ko siya, ibinigay ang lahat. H-Hindi ko alam kung saan mo nakuha ang ideyang ama niya ako pero mali ka.. hindi ko siya anak. M-Magkasintahan kami. Alam ko, ang tanga-tanga ko para isiping magseseryoso sa huklubang tulad ko ang maganda at batang tulad niya.
Pero magaling si Bianca, napaniwala niya ako. Alam ko ang tungkol sa iyo at masakit man ay tinanggap ko na rin. Basta ba kako sa akin siya uuwi. Kaya lang, nitong huli.. dumarami na kayo. Doon ako nagalit kasi ayokong gawin niyang parang sawsawan ang katawan niya. Pinutol ko ang mga credit card niya dahil kadalasan ay siya pa ang gumagastos sa lalaki. Nang mapuno siya, naglayas. Iniwan na ako.” lumuluhang sabi nito.
Napanganga naman si Aaron. Kaya naman pala kunwari istrikto ang magulang at di siya pwedeng pumunta sa bahay, kabit naman pala siya!
At hindi pala daddy.. kundi sugar daddy ang meron ito!
Ilang pag-iimbestiga pa at natuklasan ni Aaron na nagsasabi ng totoo ang matanda. Nais niyang suntukin ang sarili sa pagpapaka-t*nga niya. Sising-sisi rin siya dahil binaliktad niya ang ina sa babaeng walang kwenta. Ang nanay niya na iginapang siya sa hirap.
Nagmamadali siyang umuwi. Ibinenta niya ang singsing na ibibigay dapat kay Bianca, nagkakahalaga iyon ng 32,000. Inamin niya sa ina ang pagnanakaw na ginawa at ibinigay ang lahat ng pera sa ginang. Humingi siya ng tawad rito at ipinangakong habangbuhay siyang babawi.
Pinuntahan niya rin si James, humingi ng sorry sa kaibigan at sinabing tama ito.
Bago ibigay ang buong puso ay marapat lamang na kilalanin nating mabuti ang taong pag-aalayan nito. Kadalasan kasi, akala natin ay siya na- hindi pa pala.