Inday TrendingInday Trending
Si Lolong Bingi

Si Lolong Bingi

Isang Linggo bago mag-Pasko ay nakagawian na ng pamilya ni Jobet na umuwi sa probinsya. Doon na nila sasalubungin ang araw ng kapanganakan ng Panginoon. Naroon kasi ang kanyang mga magulang, doon rin sila nagkikita-kita ng kanyang mga kapatid na may sarili na ring buhay.

Mayroon siyang dalawang anak, si Jenica na labing tatlong taong gulang at si Jilmer na siyam na taong gulang. Ang misis niya ay ulirang may bahay, ulilang lubos na rin ang babae kaya wala naman silang iba nang pupuntahan.

“Daddy, bakit po walang signal?” nakangusong sabi ng kanyang panganay. Kinakalikot nito ang lumang cellphone na ipinamana na nilang mag-asawa rito. Di nila ito hinihigpitan, basta lagi lang nilang pinagsasabihan na huwag munang mag-boyfriend. Tama na iyong crush-crush muna.

Napangiti si Jobet, “Ganoon talaga rito anak. Tingnan mo na lang ang tanawin sa labas o. Ang ganda, wait buksan natin ang bintana.” wika niya habang nagda-drive. Ilang minuto nalang ay malapit na sila sa bahay ng kanyang magulang.

Nang ibaba niya ang bintana ay sinalubong sila ng presko at malamig na hangin. Hindi pa napapasok ng modernisasyon ang lugar na ito. Wala pang masyadong building. Bagamat sa bayan naman ay may ilang convenience stores na.

“Daddy naman eh. Magpo-post po sana ako sa Facebook.” maktol pa ng dalagita.

Pa-simpleng nag-belat naman ang kapatid nito. Lalo tuloy naasar si Jenica.

“Mom o si Jilmer papansin!” sumbong nito.

Lumingon ang kanyang misis, “Wag nga kayong mag-away. Makikita kayo ng lolo at lola ninyo tapos ganyan kayo.” saway nito.

Nang makarating sa gate nila ay pinagbuksan sila ng isa sa kanyang mga kapatid. Masayang bumaba si Jobet, nilapitan ang kanyang ina na kasalukuyang naghahain at niyakap ito.

“Nanay! Na-miss kita,” bulong niya.

“Hay! Narito na pala ang pamilya kalabasa!” biro nito, “Nasaan na ang mga bata?” hanap nito sa mga apo.

“Baga? Sino’ng nagba-baga? Pat*yin ninyo at baka mag-apoy ay masunog ang bahay natin!” wika naman ng kanyang ama. Bata pa lamang si Jobet ay mahina na talaga ang tenga nito.

“Tay! Ang gwapo kong tatay, miss na miss rin po kita.”

Naka-baston ang matandang lalaki, pilit inaninag ang kanyang mukha at nang makilala siya ay napangiti rin naman.

“Kadarating ninyo lang? Ang mga apo ko?” tanong nito.

“Ay teka po, narito.” wika niya at tinawag ang mag-iina. Nauna na pala kasi ang nanay niya na salubungin ito. Abala nang nagkukwentuhan ang mag-biyenan.

“Lolo! Tingnan niyo po, may nahuli akong tutubi sa bakuran ninyo!” sabi ni Jilmer.

“Ay ang apo ko, kay laki mo na.” komento ng lolo, ginulo pa ang buhok ng bata, halata namang di nito naintindihan ang sinabi ni Jilmer.

“Lo, nahuli ko po,” ulit tuloy nito.

“Ah, dala mo na yan sa sasakyan ninyo palang? Mabuti ay hindi na-pitpit sa byahe?”

Napasimangot na lamang si Jilmer.

Lumipas ang mga araw at nagdatingan na rin ang kanyang mga kapatid. Bisperas na ng Pasko at masaya silang nagsasalu-salo.

Medyo nalulungkot si Jobet kasi napansin niya na ginagawang katatawanan ng mga bata ang pagiging mahina ng tenga ng lolo ng mga ito.

“Aba, mga apo! Hindi na mahina ang tenga ng lolo ninyo, kasi ay ibinili ako ng lola ninyo nitong hearing aid.” itinuro nito ang nakakabit sa tenga. “Iyon pala ang tawag rito.” masayang kwento ng matanda habang nakaupo sa tabi ng Christmas tree.

“Aba mabuti naman po Tay! Magkano ho ang bili ninyo?” tanong ng isa sa mga kapatid ni Jobet.

“Kanina lang ‘Nak.” sagot ng kanyang ama.

Naghagalpakan ng tawa ang mga bata. Halata namang hindi pa rin gumagana ang nakakabit sa tenga ng lolo dahil mali pa rin ang sagot nito. Di na nakatiis si Jobet, tumayo siya sa unahan ng mga ito at nagsalita.

“Makinig kayo, bago mag-Pasko mayroon akong ikukwento.” seryosong sabi niya.

Napatingin naman ang mga bata. Maging ang kanyang ina at mga kapatid ay nakatitig sa kanya.

“Jobet.” bulong ng tatay niya, hinawakan ang kanyang kamay.

“Ayos lang po Tay,” wika niya rito, nakangiti. “Ganito mga bata.. alam ninyo bang hindi ito ang orihinal na bahay ng pamilya natin? Doon kami nakatira sa kabilang baranggay.. mas liblib pa rito noong araw. Mas maganda rin at mas malawak ang bakuran.” panimula niya.

“Eh bakit po kayo lumipat Dad?” tanong ni Jenica.

“Kasing edad mo ako noon anak. Ang mga tita at tito mo ay maliliit pa, siguro ay mas bata pa kay Jilmer. Nasa bahay ng hilot ang nanay noon dahil ipinanganak niya ang bunso namin, si Tita Eugenia mo. Sa kakulitan naming magkakapatid.. habang naglalaro kami ay nakalikha kami ng apoy. Dahil kahoy ang bahay ay mabilis na kumalat iyon.

Kababalik lamang ng tatay mula sa bahay ng hilot dahil ibinilin niya muna si nanay upang silipin kami. Nakita niya na malapit nang matupok ang buong bahay habang kami ng mga kapatid ko ay nag-iiyakan sa loob. Buong lakas na pumasok si tatay para iligtas kami. Wala siyang iniwan maski na isa, pinauna niya kami.

Ilang kahoy pa nga ang sinangga niya para lang di kami mabagsakan, kita mo ba ang balat ng lolo mo sa braso?” tanong niya. Sumulyap naman ang mga bata sa lolo, na dahil kuluntoy at matanda na ay hindi mahahalata na may pilat pala sanhi ng sunog.

“Hindi pa doon nagtatapos, nang nakalabas na kami at siya na lamang ang lalabas ay nabagsakan siya ng natanggal na pader- kahoy iyon pero mabigat. Sapul ang tagiliran ng ulo niya, natumba ang tatay at nawalan ng malay. Buti na lamang at tabing pinto iyon, pinagtulungan naming magkakapatid na hilahin siya. Nadala siya sa ospital-ligtas pero sinabi ng doktor na magiging mahina na ang kanyang pandinig.

Siguro sa paglipas ng panahon at dahil na rin sa katandaan ay mas lumala iyon. Pero mga bata, lagi ninyong tandaan na lolo ninyo siya at dapat ninyo siyang i-respeto. Hindi lang siya basta bingi, isa siyang ama na nagsakripisyo para sa mga anak.” madamdaming wika niya.

Tumayo ang mga bata at niyakap ang lolo ng mga ito.

Nagpahid naman ng luha ang matandang lalaki, na di man malinaw na makarinig ay ramdam naman ng puso ang sinasabi ng anak.

“Sorry po lolo.” sabi ng mga bata.

Maging silang magkakapatid ay nag-iiyakang niyakap ang ama, “Salamat sa lahat tatay..” sabi nila.

Masaya nilang sinalubong ang Pasko, masaya si Jobet dahil naturuan niya ng mahalagang aral ang mga bata. Lalong na-buklod ang kanilang pamilya.

Advertisement