Videocall sa Matandang Kano
Alas siyete pa lamang ng umaga ay nagwawalis na si Dianna sa tapat ng kanyang bahay. Ilang sandali lang kasi ay tiyak na dadagsa na ang kanyang mga customer. Mayroon siyang pag-aaring isang computer shop, magbabayad lamang ang sino mang nais na mag-internet. Bente pesos kapag isang oras, sampung piso naman kung trenta minutos.
Para sa mga bata naman na hindi kayang magbayad ng ganoon ay mayroon siyang PisoNet, maghuhulog ng piso at pwedeng gumamit ng limang minuto. Swak na swak talaga ang kanyang negosyo.
“Aling Dianna, pwede na pong maglaro?” sabi ng isang bata, may hawak itong limang piso.
Akmang bubuksan na ni Dianna ang gate nang may maalala, “Teka. Lunes ngayon eh! Dapat nasa eskwela ka ano! Mamaya ako pa ang masisi ng magulang mo, ayoko ng estudyante. Nagpapalaro lang ako kapag uwian niyo na.” sabi niya rito.
Napakamot sa ulo ang bata. “Si Aling Dianna naman. Suspendido ang klase kasi tag-ulan po.”
“Sigurado ka ha?”
“Opo.” wika nito. Tinitigan niya pa ang bata bago ito pinagbuksan.
Maghapong puno ang kanyang shop, palibhasa ay iilan lang ang may kaya sa lugar nila. Wala masyadong nagpapakabit ng internet.
Alas nuwebe na ng gabi nang maubos ang mga tao. Alas onse pa siya nagsasara kaya nakaupo lang siya habang nakatanaw sa labas. Medyo tumaas ang kilay nang matanaw si Melody, isa sa kanyang mga kapitbahay.
Halos ka-edad niya lamang ito, regular customer rin pero mainit ang dugo niya sa babae. Hindi lang siya talaga maka-reklamo kasi nai-intriga rin siya sa pinaggagawa nito. Ang tsismis kasi, may kabit raw itong matandang kano.
Kaya gabi na kung mag-computer ay dahil umaga naman ngayon sa Amerika.
Nag-abot sa kanya ng kwarenta pesos ang babae, “Dianna, dalawang oras.” nakangiting sabi nito.
“Dapat lang kasi 11 magsasara na ako eh.” matabang na sagot niya rito.
Pumwesto sa dulo ang babae at nagsimula nang magkalikot sa computer. Nanghahaba naman ang leeg ni Dianna na pilit tinatanaw ang ginagawa nito.
Ilang sandali pa, nagkabit na ito ng headset at binuksan ang camera.
“Goodmorning Stan! Did you sleep well?” Narinig niyang masayang tanong nito.
“Good to know that! It is 9pm here in Manila, we can talk until 11. What are your plans for today? Will your family visit you?” tanong nito.
Wow! Ang kapal ng mukha, sa isip-isip ni Dianna. Nagtanong pa tungkol sa pamilya ang dakilang kabit na mukhang pera.
“I see. You wanna visit your wife, bring her flowers.” sabi pa ni Melody.
Napaismid lalo si Dianna, at nag-suggest pa nga ang loka!
Maya-maya pa ay tumayo ito, “Dianna! Pa-suyo lang. Hindi ko kasi siya masyadong marinig. May problema yata itong headset.” sabi nito.
Ni hindi natinag si Dianna, nakasimangot niya lang itong sinagot. “Tanggalin mo nalang ang headset. Nariyan naman ang speaker, maririnig ka pa rin niya.”
Ganoon nga ang ginawa ng babae at dahil roon ay rinig na rin ni Dianna ang usapan ng dalawa.
“I am really happy to wake up everyday and talk to you. I always look forward to this.” sabi ng Kano.
Napangiti naman si Melody, “Me too. You know Stan, whatever happens please know that I am always here. You can always talk to me. We are miles away but..we can videocall!” pinasaya pa nito ang boses.
Araw-araw ay ganoon ang gawain ng babae. Di tuloy maiwasan ni Dianna na maasar lalo rito. Ang landi kasi, tiyak naman na pine-perahan lamang ang kano. Naku, ano’ng galak niya siguro kung susugurin ng tunay na misis si Melody sa Pinas at pagsasabunutan. Siguro ay papalakpak pa siya.
Hanggang isang gabi, humahangos na nag-abot ng kwarenta si Melody.
“D-Dianna dalawang oras. Tulad ng dati.” sabi nito.
Napukaw ang interes ni Dianna, kasi ay kakaiba ang kilos nito ngayon. Di mukhang masaya. Ah, baka nabubuking na. Nakangisi siyang naki-usyosong muli.
Sa pagmamadali ay doon muli ito napaupo sa sirang headset na hindi magamit. Ibig sabihin, speaker ang gagana. Ibig sabihin mas rinig na rinig ni Dianna, galing!
“Stan?” tanong nito.
“You are such a sweetheart. I have always been grateful to meet you. Thank you for being my friend. T-Thank you for making me feel special when everybody else have a-abandoned me.” wika ng matanda.
Napakunot ang noo ni Dianna, friend raw?
“Stan please..” umiiyak na si Melody. Ilang sandaling katahimikan. Tanging hikbi lamang ng babae ang maririnig.
Maging si Dianna at di malaman kung ano ang iisipin.
Maya-maya pa, muling may nagsalita. Pero hindi iyon boses matanda kundi tinig ng isang babae.
“Oh my God I knew it! You fcking maid. You’re still calling my dad! Fck off b*tch.” sabi noon bago naputol ang linya.
Nanghihinang napatayo si Melody. Nakatungo itong lumapit kay Dianna.
Titig na titig naman ang babae at di alam ang sasabihin.
“W-Wag kang mag-alala di ko naman babawiin ang bayad.” malungkot na sabi nito.
“Melody kung.. kung di mo mamasamain, ano ba ang nangyari?” di niya na naiwasang magtanong.
Sukat pagkarinig noon ay bigla na lamang humagulgol ang babae, “Ganito kasi iyan eh. Nagtrabaho ako bilang katulong sa pamilyang iyon, minamaltrato ng mga anak ang matandang iyan. Mayaman siya at hinihintay na lamang nilang mawala sa mundo. Ang misis niya ay nauna nang sumakabilang buhay kaya mag-isa na lamang siya.
Napalapit na siya sa akin dahil halos ka-edad ng aking tatay eh. Nang mapansin iyon ng mga anak, pinaalis nila ako. Pinagbintangan pa akong magnanakaw kaya di na ako makabalik sa bansa nila. Pero sa awa ko kay Stan, ayan nagvi-videocall pa rin kami dahil ayaw kong maramdaman niyang mag-isa siya. H-Hindi naman totoo ang tsismis na kabit niya ako o ano, nirerespeto ko iyong tao. Tsaka tingnan mo naman ang bahay namin, kahoy pa rin. Kung ako ay may nakukuhang padala edi sana hindi iyan ganyan.”
Napatulala naman si Dianna. Kinain ng konsensya ang buong pagkatao niya. Oo nga, ang nanay nga ni Melody hanggang ngayon ay nagtitiyagang paikutin ang maliit na sari-sari ng mga ito.
“Pero ngayon, ayan. Wala na siya. Pumanaw na mag-isa. Diyos ko po… napakalungkot.” sabi nito na umiiyak pa rin.
Nayakap ito ni Dianna, “Nakikiramay ako Melody. Tsaka patawarin mo sana ako kasi isa ako sa mga nanghusga sayo.” sabi niya rito.
Kung pag-usapan sa baranggay ang babae ay ganoon na lamang, napakabuti naman pala ng puso nito.
Mula noon ay naging magkaibigan na sila, isang mahalagang aral ang natutunan ni Dianna sa pangyayari, huwag manghusga ng kapwa. Tanging Diyos lamang ang may karapatang gawin iyon.
Makalipas naman ang ilang buwan habang nagkukwentuhan sila sa computer shop ay isang Amerikano ang lumapit sa kanila, pormal ang damit nito at matikas.
“I am looking for Ms. Melody Caticlan?” sabi nito, hirap na hirap pang bigkasin ang apelyido ng babae.
Kapwa sila napanganga nang sabihin ng lalaki na isa itong abogado at hinanap talaga si Melody dahil ibinilin ni Stan. Dito ipinamana lahat ng naiwang yaman! Ang sabi pa, ito lang raw kasi ang nagparamdam ng malasakit at kabaitan na hindi nito natagpuan sa sariling mga anak.
Limpak-limpak na pera ang natanggap ng babae, ilang panahon lang ay umalis na ito sa lugar nila at lumipat sa isang subdivision.
Binalato-han rin nito ng malaki si Dianna. Pero may bigay man o wala, masayang-masaya siya para sa kaibigan. Karapat-dapat ito sa gantimpala dahil sa napakabuti nitong puso.