Isang umaga, maririnig ang mga mabibilis na hakbang ng bente sais anyos na katulong. Pagmulat kasi ng kaniyang mga mata, nagulat siya sa isang mensahe na natanggap niya mula sa personal na doktor ng kaniyang amo.
“Hello, Jackie, pauwi na si Mrs. Rosa, paki-handa na raw ang kaniyang silid,” sabi sa text message nito.
Nataranta naman siya dahil dalawang oras na pala ang nakalipas nang matanggap niya ang mensahe. Tumayo siya nang mabilis, pumunta sa silid ng amo at saka inayos ang lahat. Ganoon din ay ininit niya ang ulam mula pa kahapon at saka nagsaing sa rice cooker.
Pawis na pawis si Jackie. Alas-diyes na kasi at kakagising lamang niya. Dalawang buwan na kasing wala ang kaniyang amo dahil ang sabi ay nag-aagaw buhay daw ito sa ospital. Dahil sa kagaspangan ng ugali nito ay kung minsan, umaasa na lamang siyang hindi na sana ulit umuwi ang amo. Dahil kahit na tatlong taon na siya dito, hindi niya talaga matiis ang ugali nito. Siya nga raw ang pinaka nagtagal sa lahat ng mga naging kasambahay nito.
Tumayo siya ng diretso sa may pintuan matapos punasan ang butil-butil na pawis sa kaniyang noo. Pagkakita niya sa sasakyan, lumabas siya ng bahay at saka binati ang amo.
“Maligayang pagbabalik ho madam,” sabi niya sa boses na hindi naman maligaya.
“Aba. Naka-wheel chair na ang bruha,” sambit ni Jackie sa sarili. “Kung hindi ko lang talaga kailangan ng pera ay hindi talaga ako magtatagal sa ugali ng matandang ‘to!” muli niyang wika sa sarili nang maalala ang mga pagtataray nito sa kaniya noong malakas pa ito.
Pagkalapit sa kaniya ng matanda, nagkatinginan sila nito, agad naman niyang iniwas ang tingin at saka yumuko nang bigla.
“Hi-hindi ko ho sinasadyang makipagtitigan sa…”
Naalala kasi ni Jackie na ayaw ng kaniyang amo na tinitignan ito diretso sa mata, dahil ang sabi nito, ay isa lamang siyang kasambahay at ito ang amo. Hindi sila magka-lebel kumbaga.
Nagulat siya ng maramdaman niya na may humahawak sa kaniyang balikat. Pag-angat niya ng tingin ay nakita niyang nakangiti ito sa kaniya. Takot na takot na siya dahil baka masigawan at mura-murahin na naman siya nito. Ngunit pagtayo niya at pagtingin sa amo, nakangiti ito.
“Ayos lang, Jackie,” mahinahong sabi nito.
Hindi alam ni Jackie ang sasabihin ngunit may halong pangamba pa rin sa kaniyang isipan na panigurado, hindi iyon papalampasin ng kaniyang masungit na amo. Ngumiti na lamang siya ng may pag aalinlangan. Pagkatapos ay ipinasok na ni Jackie ang amo sa kaniyang silid.
“Tawagin niyo lang po ako kung may kailangan po kayo, Madam,” mariing sabi ni Jackie sa amo.
Paglabas ng silid ng matanda, hindi pa rin mawari ni Jackie ano ang nangyayari. Para bang hindi ‘yon ang kaniyang masungit na amo. Sinaniban ba ito ng mabuting espiritu?
“Ano kayang nangyayari kay Madam Bruha?” wika niya sa sarili patungkol sa kaniyang amo.
“Ewan ko ba! Baka epekto na ng gamot iyan. Tiyak ay magbabalik na naman ang pagiging dragon nito kapag humupa na ang sakit,” sabi niyang muli sa sarili.
Habang naghahanda si Jackie sa kusina, narinig niyang tinatawag siya ng matanda.
“Jackie? Jackie? Jackie…” tawag nito sa mahinang boses.
Muli na namang kinabahan ang kasambahay pagkarinig nito. Ngunit nilakasan niya ang loob at sumagot habang naglalakad patungo sa silid ng matanda.
“Ho, Madam? Bakit po?” sagot naman niya.
“Pakikuha mo naman iyong kahon ko ng alahas ko neng,” utos nito.
“Ha? Ho? Alahas ho?” malakas na tanong ni Jackie.
Takang-taka si Jackie dahil sa unang pagkakataon, mahahawakan ni Jackie ang isa sa mga iniingatang gamit ng matanda. Ayaw na ayaw ng matanda na hinahawakan ang mga gamit nito. Lahat ng nasa silid nito ay hindi maaaring galawin. Kung kaya naman isang beses sa isang linggo lang niya iyon nalilinis, at nandoon pa ang amo upang siya’y panuorin.
“Oo, neng, iyong nasa damitan ko,” tugon naman ng amo.
Kahit na nagtataka, tumungo ang kasambahay sa damitan nito. Pagbukas niya ay tumambad sa kaniya ang mga larawan ng pamilya ng matanda. Mula sa yumaong asawa nito, mga anak at kaapu-apuhan na nasa America na. Kinuha ni Jackie ang lagayan ng alahas ng matanda at ibinigay ito sa dito. Pagkaabot sa amo, akma sanang aalis na si Jackie upang mapag-isa ito, nang pigilan siya ng matanda. Nagtataka pa rin ang kasambahay kung ano ang nangyayari sa amo.
“Baka ito may sumanib na kaluluwa dito sa matandang ‘to eh!”
“O di kaya’y, naghahanap ito ng paraan upang mapagalitan at mapalayas ako,” suspetsa niya pa.
“O baka, gusto niyang ipamukha na naman sa akin na mayman siya, na marami siyang alahas!” iba’t ibang ideya na pumasok sa isip ni Jackie ukol sa biglang pagbabago ng asal ng matandang amo.
Nang tumingin muli sa kaniyang amo, napatigil siya sa mga masasamang iniisip at nagulat nang makita na lumuluha na lamang ang matanda.
Muli, unang beses niya itong masilayan na umiiyak. Kung dati ay palaging nagmumura at galit ang amo, ngayon ay mukha itong nagsisising tupa. Hindi niya alam ang gagawin ngunit naramdaman niya ang awa sa matanda. Nilapitan niya ito at doon nakita ang hawak na litrato ng buong pamilya nito. Naawa siya sa matanda dahil naisip niyang kahit tatlong taon na siya roon ay ni-isang beses ay hindi ito dinalaw ng mga anak o kamag-anak man lang.
“Neng, pasensya ka na ineng ha. Alam kong galit ka rin sa akin at kinamumuhian ako. Pero gusto kong humingi ng tawad sayo at sa lahat ng masasakit na sinabi ko sa’yo noon,” sambit ng matanda habang nanghihina ang boses kasabay ang pag-iyak nito. Dito ay tuluyan ng lumambot ang puso ni Jackie, natanggal na ang masasamang panghuhusga niya sa matanda. Naintindihan na niya kung bakit palagi itong galit at hindi makausap nang masinsinan.
Wala siyang imik, at tinapik tapik lamang ang amo.
Patuloy sa pag-iyak ang matanda.
“Nagagalit ako sa mundo, sa lahat ng tao, dahil dati akong mabuti sa kanila, ngunit iniwan lang din nila ako. Wala ni isang tao ang nagmamahal at nagmamalasakit sa akin. Kahit na noong ako’y nasa ospital at nag-aagaw buhay, wala ni isa sa mga anak ko ang umuwi para alagaan ako,” dagdag nito habang patuloy sa pag-iyak.
Nais naman tadyakan ni Jackie ang sarili dahil sa mga maling panghuhusga niya sa matanda. Maski siya ay hindi ito dinalaw kahit isang beses. Hindi niya maisip kung gaanong lungkot kaya ang naramdaman nito noong walang dumadalaw dito. Humingi rin si Jackie ng pasensya sa amo. Kahit na hindi nagsimulang maayos ang kanilang relasyon ay may pag galang pa rin naman siya dito. Lalo na ngayong alam na niya ang totoong dahilan sa kagaspangan ng ugali nito.
“Madam, gusto ko po sanang humingi ng pasensya dahil hinusgahan ko po kayo kaagad na masama ang ugali. Pasensya na po kung masama ang naging tingin ko sa inyo. Sana po ay mapatawad niyo po ako, Madam” wika ni Jackie sa amo.
“Pero pangako din po Madam, na lagi lang po akong nandito naman para samahan ka. Hindi ko po kayo iiwan, pangako po iyan, Madam,” masayang sambit naman ng kasambahay sa amo.
Ngayong naintindihan na ni Jackie ang pinanggagalingan ng matanda, nangako siya sa kaniyang sarili na ituturing niya itong ina at kamag-anak. Ang pag-aagaw buhay nito sa ospital, ang nagpabago sa matigas nitong puso. Maging ang matigas niyang puso para dito ay tuluyan ding napalitan ng awa at simpatya.