Inday TrendingInday Trending
Tatlong Buwang Taning

Tatlong Buwang Taning

Butil-butil ang pawis sa noo, nanlalaki sa gulat ang mamasa-masang mata, ganoon din ay ang mga kalamnan na naginginig, nakatulala sa papel na naglalaman ng resulta ng kaniyang mga CT Scan. Ito ang reaksyon ni Dante, singkwenta anyos na binata matapos lumabas ng opisina ng doktor na nagtaning sa kaniya.

“Tatlong buwan na lang po, Sir. I’m so sorry,” paulit-ulit na naririnig niya sa tainga ang tinig ng doktor nang sabihin nito na tatlong buwan na lamang ang itatagal niya dahil sa tumor sa utak. Huli na raw kasi ng malaman niya ito, kung sana ay maaga niyang nalaman ay naagapan pa. Kaya naman, wala na silang maaaring gawin pa kung hindi ang magdasal at umasa sa himalang madugtungan pa ang kaniyang buhay o maghintay na lamang ng kaniyang pagpanaw.

Umupo siyang muli sa may tabi. Nag-isip siya kung ano pa ang maaaring gawin sa lahat ng kaniyang mga naipon at kayamanan gayong wala naman siyang pamilya. Lungkot na lungkot siya sa nalaman at hindi pa rin alam ang gagawin.

“Naging mabuting tao ako. Nagtapos ako ng pag-aaral at hindi kailanman naging sakit sa ulo. Maayos ang mga grado ko kaya naman nakahanap ako kaagad ng magandang trabaho at doon ako naging matagumpay. Ngayong malapit na akong mag-retiro, saka sasabihin sa akin na tatlong buwan na lamang ang itatagal ko? Para saan pa ang ipon ko? Kalokohan ata,” puno ng panghihinayang na sabi ni Dante sa sarili.

Mula kabataan ni Dante, natutunan na niyang tumayo sa sariling mga paa. Para sa kaniya, ang buhay ay umiikot lamang sa sarili at wala ng iba. Makasarili siya at kahit na kailan ay hindi inisip ang kapakanan ng ibang tao.

Nanghihina man ay pinilit niya ang sariling na tumayo at maglakad pauwi. Hindi na niya ginamit ang sasakyan at naglakad na lamang papunta sa kaniyang bahay dahil malapit lang naman ito. Nakayukong naglalakad na animo’y nagmumuni-muni pa siya nang makita niya ang dalawang bata na hinahalungkat ang isang drum ng basurahan. Nagtatawanan ang mga bata na para bang walang problema sa mundo.

“Hay…” napabuntong hininga siya matapos masaksihan ang pangyayari.

Pagkaraan ay dumating pa ang isang batang babae na sumali sa paghahalungkat ng nasabing basurahan. Tinitigan niya ang mga ito, napansin niyang kay saya ng mga bata at hindi iniisip ang bukas. Natigil siya nang makita niya ang mga batang nakatingin din sa kaniya. Agad niyang ibinaling ang tingin sa ibang direksyon dahil sa takot na maging biktima ng mga ito kung sakali. Ngunit nagsi-puntahan na ang mga bata sa kaniya. Marurungis at mababaho ang mga ito kaya kahit na noon pa ay ayaw na ayaw niya talaga sa mga batang kalye.

“Manong, Manong! Penge po barya?” sabi ng isang bata habang nakasahod ang maliliit at marurungis na mga kamay nito.

“Ha? Wala akong barya. Wala. Doon na kayo, alis!” pagtataboy ni Dante sa mga ito.

Maya-maya pa ay nagtawanan ang mga bata habang nagbubulungan. “A-ano ‘yang binubulong-bulong niyo diyan ah? ‘Wag niyo ng subukan ano man iyang binabalak ninyo sa akin!” malakas na sabi niya sa mga bata.

Nagtinginan naman ang mga bata at sabay-sabay na namang nagtawanan.

“Kuya, wala naman po kaming gagawin na masama sa inyo eh. Natatawa lang po kami kasi parang takot na takot po kayo sa amin,” tugon ng isang batang lalaki.

Muli silang nagtawanan. Nagsalubong ang kaniyang kilay at naisip na uuwi na lang nang maalala niya na naman ang taning sa kaniyang buhay. Kung uuwi siya sa malaki niyang bahay na siya lang ang laman ay tiyak wala rin naman siyang makakausap. Dito naman napabuntong hininga muli ang lalaki at nagpasyang kilalanin na lang ang mga bata.

“Saan ba kayo nakatira?” tanong niya sa mga bata matapos umupo sa may tabi.

“Nakatira? “sagot ng isang batang lalaki at nagtawanan muli.

“Ha? Eh saan kayo natutulog? Katulad ngayong gabi, siyempre kailangan may tutulugan kayo at baka rin umulan,” muling tanong ni Dante.

“Wala po, Kuya. Wala po kaming bahay. Wala rin po kaming tulugan. Saka… Wala din po kaming TV!” masiglang sagot namang ng batang babae.

Dito ay humanga si Dante sa mga bata.Wala pala ito ng mga iyon ngunit bakit parang tuwang-tuwa pa rin ang mga ito? Nakapagtataka.

“Paano na kayo nabubuhay? Nasaan ang mga magulang niyo?” pagpapatuloy ni Dante.

Umupo ang mga bata sa tabi ni Dante. Sa pagkakataong iyon ay hindi na sila tinaboy ng matandang lalaki.

“Wala na po eh. Lahat po kami iniwan ng mga magulang namin. Nagkita-kita lang po kami dito sa kalye at simula no’n ay lagi na kaming naghahalungkat ng pagkain sa mga basurahan para may makain,” mababa ang tono ng tinig ng batang lalaki matapos niya itong sambitin.

“Pero masaya po kami!” sabi ng isa pa.

“Opo! Masaya kami kahit minsan naiisip namin sana may mga laruan din kami saka tsinelas, saka maraming mga pagkain, yung fried chicken saka maraming maraming masasarap na ulam!” masiglang banggit muli ng isang batang lalaki.

“Kaso… wala po eh,” muling mababang tinig mula sa batang babae.

Nahabag si Dante sa kalagayan ng mga bata. Hindi siya makapaniwala na ganito pala ang istorya ng mga batang pulubi. Ang akala niya ay lahat ng mga ito ay perwisyo sa lipunan at bunga ng mga pabayang magulang. Ngunit mali pala siya. Isang bagay ang naisip ni Dante.

“Mabuti pa ang mga batang ito, hindi hadlang sa kanila ang anumang pagsubok kahit na laging nasa peligro ang mga buhay nila. Ang mahalaga para sa kanila ay masaya sila sa kung ano ang mayroon sila at binabahagi nila iyon sa isa’t isa,” sabi niya sa sarili.

Tumayo si Dante at niyaya ang mga bata na kumain muna sa isang restaurant. Habang nagku-kwentuhan, doon ay mas napalapit pa ang loob ng lalaki sa mga bata. Naramdaman niya sa unang pagkakataon ang kakaibang saya ng pagtulong sa kapwa lalo na sa mga inosenteng bata na alam niya ay may mararating pa.

Sa huli, nagpasya si Dante na igugol ang huling tatlong buwan niya sa piling ng mga batang natagpuan niya sa kalye. Kinupkop niya ang mga ito at naisip rin na ipamana sa mga ito ang lahat ng ari-arian na mayroon siya. Hindi niya akalaing ang mga huling araw pa pala ng kaniyang buhay ang magiging pinakamakabuluhan at maligaya sa lahat. Napagtanto niyang mas masarap palang mabuhay hindi lamang para sa sarili, kung hindi para sa iba.

Advertisement