Balik Bayan Si Ate
“Basta Ate ha! Kahit yung rubber shoes na lang po yung regalo mo sa ‘kin sa pasko,” nakangiting sabi ni Louie sa ateng si Babeth.
“Hay naku, Kuya Louie! Nauna akong manghingi kay ate no!” sabi ni Jane at saka itinulak palayo sa camera ang nakakatandang kapatid na lalaki.
“Ate alam na ha, kahit yung bagong model ng cellphone lang, mag-aaral talaga ko mabuti para lang bigyan mo ko nun. Sige na please!” ungot naman ni Jane sa ateng noon ay ngingiti-ngiti lang sa camera.
“Oo na, oo na.” Pilit naman ngumiti si Babeth sa mga kapatid upang itago ang kaniyang lungkot dahil malamang ay hindi na niya mabibigay ang mga gusto nito.
“Patawag na nga si Mama, bilis at baka tawagin na ako ng amo ko,” utos niya sa mga ito. Nang makita na ang mukha na ina sa screen ay binati siya nito.
Ngunit nanatili siyang nakayuko at pinalipas ang ilang sandali bago nagsalita.”Ma… baka po umuwi na ako diyan sa isang buwan,” sabi niya na ikinagulat ni Gina na kaniyang ina.
“Ano kamo? Bakit naman? May nangyari ba sa’yo diyan?” sunod-sunod na tanong ni Gina sa anak.
“Ano.. wala naman ho, pero di ko na po atang magtrabaho dito, Nay. Nahihirapan na po talaga ako dito,” nag-aalangang sabi ng dalaga na tila ba may hindi maipagtapat sa ina.
“Anak, ano ka ba?! Alalahanin mo na sa’yo lang nakaasa ang mga kapatid mo, paano na sila ‘pag umuwi ka? At ano na lang ang sasabihin ng mga kapitbahay, aber?” sermon ni Gina sa anak na tatlong taon nang nagtatrabaho sa ibang bansa.
“Pero nay kasi..” sabi pa ni Babeth.
“Bakit Babeth, kaunting hirap lang susuko ka na? Baka homesick lang ‘yan, huwag mong dibdibin. Ang isipin mo ay ang mga kapatid mo,” pinal na sabi ng ginang sa anak. Mahabang katahimikan ang bumalot sa kanila nang napagpasiyahan ni Babeth na sabihin na dito ang totoo.
“Wala na ho akong magagawa. Nakabili na rin ako ng ticket pabalik. Diyan na lang po ako maghahanap ng trabaho,” sabi ni Babeth atsaka ipinikit-pikit ang mga mata upang mapigilan ang luha.
“Ano?! Hindi pwede! Marami pa tayong utang na binabayaran Babeth, magisip-isip ka naman! Ano? Gagaya ka sa tatay mong iresponsable? At akala mo ba ay may mahahanap ka pang trabaho dito sa Pilipinas? Tumigil-tigil ka diyan!” banta ni Gina na kita na ang ugat sa sentido sa lakas ng sigaw sa anak.
“Nay.. hindi naman ho sa ganoon. Patawarin niyo po ako, pangakong maghahanap ako kaagad kapa–” Naputol na ang sasbaihin ni Babeth nang magsalita ang ina.
“Hala’t sige! Huwag mo na akong sundin bilang magulang dahil tutal ikaw naman ang nagpapalamon sa amin, no? Kung babalik ka dito sa Pilipinas, sabay-sabay tayong mamam*tay sa gutom” galit na sabi nito atsaka winakasan na ang tawag.
Tuluyan nang napaiyak si Babeth. Pakiramdam niya ay wala siyang kakampi at mag-isa lang siya sa mundo. Napakapait ng kapalarang kaniyang sinapit ngunit hindi man lang siya gustong pakinggan ng ina.
Isang buwan nga ang makalipas ay bumalik na sa bansa si Babeth. Nagpadala siya ng mensahe sa kapatid at ina ngunit nalungkot siya nang makitang wala man lang sumalubong sa kaniya sa airport.
Pagdating sa kanilang bahay, nagulat siya nang makitang nasa pintuan ang dalawa niyang kapatid. Kapwa ito nakayuko at hindi makatingin sa kaniya.
“Louie! Jane! Naku na-miss ko kayo!” sabi niya sabay yakap dito. Sakto namang lumabas si Gina na nakataas ang kilay sa kaniya.
“Nay…” sabi niya at akmang yayakapin ito ngunit nasaktan siya sa sunod na sinabi nito.
“Akala mo ba ay puro pasarap ka pag-uwi mo dito? Kung gusto mong kumain ay maghanap ka na agad ng trabaho,” sabi nito sa malamig na tinig.
Puro pasarap. Iyon pala ang tingin ng inang dahilan sa kaniyang pagbabalik. Ni hindi nito tinanong ang rason niya. Wala na itong inisip kung hindi ang pamilya. Bakit? Hindi ba siya kasama sa “pamilyang” iyon?
Dahil sa sama ng loob ay nagkulong sa kwarto si Babeth buong araw. Umiiyak siyang humarap sa malaking salamin at hinubad ang kaniyang suot na jacket. Pinagala niya ang mata sa mga pasa sa kaniyang mga braso na puno ng pasa. Itinaas niya ang suot na t-shirt at tumambad sa kaniya ang mga pasa sa likod at tagiliran. Hinawakan niya ang tiyang bahagyang nakaumbok.
“Babeth?!” biglang sigaw ng kaniyang ina na di niya nalamayang nakapasok na pala sa kaniyang kwarto.
Mabilis itong lumakad palapit sa kaniya at hinawakan siya sa kamay at tiningnan ang kaniyang mga pasa.
“Sinong gumawa sa iyo nito?! Sino?!” sigaw ng ina na mahahalata ang galit sa mata. Itinaas din nito ang kaniyang tshirt at nang makita ang ilan pang ebidensya ng pang-aabuso ay niyakap siya nito atsaka humagulgol ng iyak.
“Anak.. bakit hindi mo sinabi.. bakit? Ha? Sinasaktan ka pala ng mga amo mo! Bakit hindi ka nagsabi sa akin!” histerikal na sabi ng ina atsaka niyakap siya ulit.
Hindi na rin mapigilan ni Babeth ang pag-alpas ng masaganang luha ilang buwan niyang itinago.
“Ma…” iyak niya dito at mahigpit din itong niyakap.
“M-ma sinasaktan po ako ng amo ko sa ibang bansa. Lagi niya akong pinagbubuhatan ng kamay at.. at.. b-binaboy..niya d-din,” hindi na matuloy pa ni Babeth ang sinasabi at sumubsob na lang sa balikat ng ina. Diring-diri siya sa sarili at wala siyang magawa. Hangga’t maaari sana ay ayaw na niyang maalala pa ang mapapait na karanasan.
Halos nanigas ang buong katawan ni Gina sa narinig. Pumapatak ang kaniyang luha at naninikip ang dibdib. Napakasakit sa isang ina na marinig na naranasan iyon ng kaniyang anak habang wala siyang ginawa kung hindi pahirapan din ang damdamin nito. “Mga hay*p sila! Mga hay*p, anak.. patawarin mo ‘ko.. patawad,” iyak ng ginang.
“N-nay. Hindi ko ho kayang ilihim sa inyo,” pahikbi-hikbing sabi ni Babeth, “na n-nagbunga p-po ang kalap-pastanganang ginawa sa akin. Nay!” lalong iyak pa ng dalaga.
“Kung hindi po ako umuwi at n-nalaman ng aking amo, malamang po ay ipalalaglag niya ang bata. Kaya pinilit ko pong makauwi, nay..” sabi ng dalaga na hilam na sa luha ang mukha.
Naghalo-halo ang galit, pighati, awa, at pagsisisi kay Gina. Kung husgahan niya ang anak ay sobra, hindi niya alam na may malaki na pala itong problemang pilit na hinaharap mag-isa dahil hindi niya naibigay dito ang simpatya bilang ina nito.
“Patawarin mo ‘ko anak.. Naging ganid ako at hindi ko inisip ang kalagayan mo. Hindi ako naging mabuting ina. Patawad anak ko..” sabi ni Gina.
Nanatili sa ganoong posisyon ang mag-ina sa mahabang sandali. Alam nila pareho na mabigat na problema ang kinahaharap nila, pero ngayong sabay nila iyong bubunuin, tiyak na makakaya nila iyon.
Kung minsan ay nahihirapan tayong ibahagi ang problema natin sa mga taong malapit sa atin dahil natatakot tayong mahusgahan nila. Ngunit lagi nating tatandaan na ang tunay na pagmamahal ay dapat walang kasamang takot at panghuhusga.