Inday TrendingInday Trending
Pangako Ko, Tutuparin Ko

Pangako Ko, Tutuparin Ko

Lumaki si Hazel sa isang mayamang pamilya. Pangarap ng marami ang buhay na mayroon siya. Malaking mansion, magagarang sasakyan, maraming utusan, mamahaling mga damit at alahas. Lahat ng karangyaan ay tinatamasa niya at ng kanyang pamilya.

Pero unti-unti nagbago ang buhay ng kanyang pamilya nang nalugi lahat ang kanilang negosyo at nalunod sila sa napakaraming utang. Naisangla din lahat ang kanilang mga pag-aari kaya naman wala nang natira sa kanila. Ngunit ang pinakamasakit ay ang pagkakaroon ng malubhang sakit ng kanyang ama. Hindi kinaya ng puso ng kanyang ama ang sunod-sunod na dagok na naranasan nila sa kanilang buhay.

“Hazel anak, sana mapatawad mo ang daddy kung pumalpak ang daddy at nahihirapan kayo ngayon. Hindi ko naman sinasadya, maniwala ka anak. Ginawa ko naman ang lahat, pero wala na talaga. Patawarin mo ako anak,” puno ng emosyong saad ng ama ni Hazel. Halatang labis na nahihirapan na rin ito.

Hinawakan ni Hazel ang kamay ng kanyang ama. “Daddy naman, ano ba naman ‘yang sinasabi niyo? Kahit na naghirap man tayo ay okay lang sa amin. Mas mahalaga ka sa amin. Mas mahalaga na buo pa rin ang pamilya natin. Kaya wag kang susuko. Hindi mo kami iiwan diba?” Naluluhang tugon ng dalaga sa ama.

“Maraming salamat anak. Napaka-swerte ko talaga at ikaw ang naging anak ko,” pinisil nito ang kamay ng anak at ngumiti.

“Pagpasensyahan mo na anak kung hihingi ulit ako ng paumanhin sa iyo. Gustuhin ko pa mang lumaban ay nararamdaman ko nang sumusuko na ang aking katawan.”

Hindi na napigilan ni Hazel ang kanyang mga luha. Alam niya na ang ibig sabihin ng ama. Napakahirap para sa kanya pero alam niyang kailangan niyang tanggapin dahil nakikita niyang labis na nahihirapan na ang kanyang ama.

“Ikaw na ang bahala sa mommy mo at kay bunso ha? Wag mo silang papabayaan. Mahal na mahal ko kayo anak. Protektahan mo sila. Huwag mong hahayaan na apihin sila ng ibang tao. Magpakatatag ka at huwag mong kakalimutan na mahal na mahal ko kayo. Parati lang akong nasa tabi mo,” unti-unting pinikit ng ama ni Hazel ang kanyang luhaang mga mata. Nag-aalala man sa kanyang pamilya ay alam niyang oras niya na.

Sunod-sunod naman na nagsipasukan ang mga nurse at doktor ng sunod-sunod na nagtunugan ang mga makinang nakakabit sa katawan ng ama ni Hazel. Rinig na rinig din ang iyakan ng kanilang pamilya sa pagkawala ng haligi ng kanilang tahanan.

Pagkatapos pumanaw ng ama ni Hazel ay lalong lang humirap ang kanilang buhay. Tuluyan nang nawala ang lahat ng kanilang mga ari-arian at umabot sila sa puntong kailangan nilang makitira na lamang sa kapatid ng kanilang ama. Wala na kasi silang ibang pamilya maliban rito.

Kailanman ay hindi naisip ni Hazel na dadating ang araw na maghihirap sila ng ganoon. Pagkatapos mamatay ng kanyang ama ay iba’t ibang klase ng pang-aapi ang naranasan nilang mag-iina. Para silang mga pulubi kung ituring ng pamilya ng kanyang Uncle.

Awang-awa man sa kalagayan nila ay wala namang magawa si Hazel dahil nakikitira lamang sila. Araw-araw ay tinitiis niya na lamang ang lahat habang nagsusumikap mag-aral ng mabuti. Nagtratrabaho din si Hazel para kahit papaano ay may naibibigay siya sa pangangailangan ng ina at kapatid. Namasukan siya sa mga fastfood na restaurant bilang part-time job niya dahil nga gaya ng kanyang pangako sa kanyang ama ay ginagawa niya ang lahat ng kanyang makakaya para alagaan ang ina at kapatid.

Pagkauwi ng dalaga sa bahay ng kanyang Auntie ay nadatnan niya sa labas ng bahay nito ang ina at kapatid na umiiyak kasama ang kanilang mga gamit. Agad namang napatakbo si Hazel sa kanila.

“Mommy! Ano po ang nangyari? Bakit mo kayo nandito sa labas? Tsaka bakit nandito din po yung mga gamit natin?” Naguguluhan at nag-aalang tanong ni Hazel sa giniginawa ng ina. Hinawakan niya ang noo at leeg nito na sobrang init din, may lagnat ang ina niya! Isinuot niya dito ang kanyang jacket at niyakap ang kapatid at ina. Hindi niya napigilan ang sarili at napaiyak na lamang siya sa sitwasyon nila.

“Ka-kasi a-anak,” di makapagsalita ang kawawang ina ni Hazel kakaiyak. Nadudurog ang puso niya para sa kanyang pamilya.

“Kasi ate, nawawala po yung mga alahas ni Auntie Martha, pinagbintangan niya po si mommy na siya ang kumuha nun. Pero promise ate, hindi po si mommy ang kumuha. Kilala niyo naman si mommy diba? Hindi niya magagawa ‘yun. Tinawag pa po ni Auntie na walang utang na loob si mommy at walanghiya at pinagtatapon po yung mga gamit natin dito sa labas ng bahay,” naiiyak na paliwanag ng kanyang kapatid.

Biglang nakaramdam naman ng galit si Hazel sa kanyang Auntie Martha sa ginawa nito sa ina at kapatid, pati na rin sa Uncle Arnold niya na wala man lang ginawa para pigilan ang asawa at tulungan sila, sigurado naman siyang alam ng Uncle niya na hindi kayang gawin iyon ng kanyang ina. Paano nila nagawa iyon sa kanila? Samantalang noong mga araw na sila ang mayroon at ito ang walang-wala ay hindi nagdadalawang-isip ang kanyang amang tulungan ang mga ito. Ito ang tunay na mga walang utang na loob!

Sobrang galit ang kanyang nararamdaman ng mga oras na iyon ngunit alam niyang walang magagawa ang galit niya. Tiningnan niya ang umiiyak pa ring ina at kapatid. Naawa siya sa kinailangang sapitin ng mga ito. Sobrang naaawa na siya sa kalagayan nila. Walang tigil ang kanyang mga luha sa pagdaloy sa kanyang mga pisngi.

Tumingala siya sa langit, “Daddy, bigyan mo naman ako ng lakas ng loob na harapin ito oh. Please help us. Daddy, kailangan ko ang suporta niyo,” mahina niyang sambit na para bang naririnig siya ng pumanaw na ama.

Bigla niyang naalala ang ibinigay na kwintas sa kanya ng kanyang ama na palagi niyang suot. Sobrang napakahalaga nito kaya hindi niya ito hinuhubad, kinapa niya ang leeg at hinubad ang sout na kwintas. Dalawa ang kwintas na iyon at nasa kapatid niya naman ang isa. Ang alam niya ay nasa mahigit kumulang isang daang libong piso ang halaga ng dalawang kwintas.

Kinabukasan ay agad na isinangla ni Hazel ang dalawang kwintas. Agad din siyang humanap ng mauupahang bahay para matirahan nila. Nagpatuloy siya sa pagsisikap na ipagsabay ang pagtratrabaho habang nagpupursigeng makatapos ng kanyang pag-aaral.

Hindi rin naman nagtagal at nakapagtapos ng kanyang kinuhang kurso si Hazel at naging isang ganap na nurse. Dahil sa kanyang aking galing at sipag sa trabaho ay agad din siyang nakapagtrabaho sa Canada. Unti-unting nakaahon sa hirap ang pamilya ni Hazel. Hindi man kasing gara ng dati nilang buhay ay kahit papaano ay unti-unti na silang bumabalik sa maayos at matiwasay na buhay.

Gaya ng kanyang pangako sa ama ay patuloy na inalagaan ni Hazel ang ina hanggang sa pagtanda nito. Ang kapatid niya naman ay, gaya niya, napagtapos niya din ng kursong nurse at pinalad na magtrabaho at manirahan din sa Canada. Isinamana na nila ang kanilang ina at masaya silang nanirahan sa Canada, malayo sa mga masamang alaala na naranasan nila sa Pilipinas.

Minsan sa buhay natin ay may mga di inaasahang trahedya ang dumadating. Akala natin ay katapusan na nang mundo sa sobrang sakit at paghihirap na nararanasan natin. Pero sana ay hindi tayo mawalan ng pag-asa. Sapagkat wala namang binibigay ang Diyos na problema sa atin na hindi natin makakayang ayusin. Magtiwala lamang tayo sa kanya at huwag mawawalan ng pag-asa.

Advertisement