Inday TrendingInday Trending
Sabay Na Pagtupad Ng Pangarap

Sabay Na Pagtupad Ng Pangarap

Nasa kolehiyo si Bea nang makilala niya si Kurt. Ipinakilala sila sa isa’t isa ng mga kaibigan nila. Bagay daw kasi ang dalawa. Isang Accountancy Student kasi si Bea, at isang Engineering Student naman si Kurt. Pareho kasi ang dalawa na tahimik at napaka-seryoso sa pag-aaral, kaya naman naisip ng mga kaibigan nila na itulak ang dalawa sa isa’t isa.

Parati silang tinutukso sa tuwing magkakayayaan at magkakasama ang kanilang mga kaibigan. Nasa iisang unibersidad lang din kasi sila nag-aaral.

“Alam niyo, tigilan niyo na kaya yung kakatukso sa’min at mag-aral nalang kayo. Malapit na exams oh!” naiinis na bulyaw ni Bea isang hapon habang tinutukso sila ni Kurt. Kinuha niya ang mga gamit niya at umalis. Hindi niya naman napansin na sinundan pala siya ni Kurt.

“Saglit Bea! Pasensya ka na sa mga kaibigan natin. Binibiro lang naman nila tayo eh, wag ka nalang magpaapekto. Smile ka na dyan,” natawa naman ang dalaga dahil parang ewan lang ang lalaki sa pagpapatawa sa kanya. Pero napagtanto niya naman na may punto ito, dapat talaga hindi nalang siya nagpapaapekto.

“Eh kasi naman, nagpupursige talaga ako dahil bata palang pangarap ko na talaga ang maging CPA. Kaya wala akong oras para sa mga kalokohan nila, sobrang hirap abutin ng pangarap ko,” seryoso niyang saad sa lalaki. Marahang hinawakan ni Kurt ang kanyang kamay.

“Naiintindihan ko, ako din naman. Pangarap ko din ang maging isang engineer balang araw. Pero wag mong ikulong ang sarili mo sa pangarap mo. Magpursige ka para makamit mo ang pangarap mo pero huwag mong isarado ang pinto para sa ibang bagay na pwede mong ikasaya,” nakangiting paalala sa kanya ng binata.

Pagkatapos ng tagpong iyon ay naging mas malapit ang dalawa sa isa’t isa. Madalas na silang magkasama kahit na wala ang mga kaibigan nila. Sabay silang nag-aaral, kumakain, at minsan namamasyal din silang dalawa. Unti-unting nahulog ang loob ni Bea sa binata. Hindi naman siya nabigo dahil umamin din naman sa kanya si Kurt.

“Mahal na mahal din kita. Pangakong sabay nating aabutin ang ating mga pangarap. Magiging CPA ka at ako naman magiging isang Engineer! Tiwala lang at sigurado akong matutupad din natin ang lahat ng panagrap natin!” masaya at puno ng pangarap na pahayag ni Kurt sa dalaga.

Naging masaya ang kanilang relasyong dalawa. Parati silang naririyan para sa isa’t isa sa mga oras na kailangan nila ng karamay at kasangga. Sa mga oras na halos maglawa na ang mga mata ni Bea kakaiyak dahil muntik na siyang bumagsak sa Taxation at muntik na ring mawala sa kanya ang scholarsip niya, walang sawa siyang inintindi at pinalakas ng binata ang loob niya. Hindi siya nito iniwan at tinulungang tumayo at lumaban ulit para sa pangarap niya, nagawa niya namang ipasa ito na labis nilang ikinatuwa pareho.

May mga oras din na tinutulungan ni Bea ang nobyo sa kanyang mga plates, lalo pa pag natatambakan na ang binata. Wala namang kaso iyon sa dalaga kasi pareho naman silang nag-eenjoy sa ginagawa nila. Hindi sila nagsawang suportahan ang isa’t isa, kahit na may mga oras na nawawalan na sila ng oras sa isa’t isa dahil parehong demanding ang mga kurso nila. Nangako silang sabay at magkasama nilang aabuting ang mga pangarap nila.

Hanggang sa nakapagtapos na si Kurt. Naunang makapagtapos si Kurt sa dalaga. Mas matanda kasi ng isang taon ang binata sa kanya.

Habang nagrereview ang binata ay todo suporta naman si Bea. Parati niyang pinagluluto at inaasikaso ang nobyo. Lahat ng paborito nitong pagkain ay niluluto niya. Gumagawa din siya ng love notes para ma-inspire ang binata. Parati niyang sinisiguradong maayos ang lagay ng binata at lagi niya ring pinapalakas ang loob nito. Lalo na nung dumating yung actual boards ng mga Civil Engineering, gumigising siya ng maaga para ipagluto ang nobyo ng kanyang pagkain at baon.

Lumabas ang resulta ng boards at hindi nakapasa si Kurt. Labis itong nalungkot at pinanghinaan ng loob. Syempre, bilang nobya ng binata, pinalakas ni Bea ang loob ni Kurt at kinombinsi itong kumuha ulit ng exam.

“Okay lang ‘yan babe! Hindi naman paunahan ‘yan eh. Malay mo sa next time makapasa ka na di ba? Kanya-kanyang time lang naman ‘yan eh. Don’t give up, okay?” pagpapalakas niya pa sa loob ng binata.

Nagreview ulit ang binata habang nagtratrabaho. Hinintay niya munang makapagtapos si Bea para sabay silang magreview at kumuha ng exam. Sabay silang nagpursige sa pag-aaral. Sa tuwing pinanghihinaan ng loob ang isa ay parati namang nandyan ang isa para saluhin at pagaanin ang loob ng minamahal. Sila ang naging lakas ng isa’t isa.

Sabay pa silang nag-nonovena kay St. Jude habang papalapit na ang board exams nila pareho. Hanggang sa natapos ang review at dumating ang board exams nila pareho.

“Oh my God! Congratulations Babe! CPA ka na!” masayang balita ni Kurt kay Bea pagkatapos tingnan ang resulta. Ilang minute palang ang nakararaan pagkatapos mailabas ang resulta para sa exam ng mga CPA. Walang tigil naman sa pag-iyak ang dalaga.

“CPA na ako!!!” hindi makapaniwalang sigaw niya at niyakap ng mahigpit ang nobyo. Sa wakas, natupad niya rin ang matagal niya ng pangarap, CPA na siya.

Matapos ang isang buwan ay si Kurt naman ang nakapasa sa board exam niya. Sa wakas, naging isang ganap na engineer na din ang binata. Sobrang saya nila dahil gaya nga ng matagal na nilang pangarap, sabay nilang nakamit ang bunga ng kanilang paghihirap ng ilang taon para sa kanilang mga pangarap.

Labis silang nagpapasalamat sa isa’t isa dahil sa suporta at pagmamahal na natanggap nila sa mga oras na higit nila itong kinakailangan. Naging sandalan nila ang isa’t isa kaya nakayanan nila ang lahat ng pagsubok.

Advertisement