Inday TrendingInday Trending
Kapangyarihan ng Pag-Ibig

Kapangyarihan ng Pag-Ibig

Si Tessa ay hindi naniniwala sa pakikipagrelasyon at pag-ibig. Madaming malalapit sa puso niya na nasaktan dahil sa pagpapakatanga ng mga ito sa pag-ibig.

Ang nanay niya. Iniwan na ito ng tatay niya mga bata pa lamang sila. Bumalik ito makaraan lamang ang ilang taon, dahil naghiwalay daw ito at ang kinakasama nito. May kasama itong isang bata. Kapatid daw nila.

Ang kanyang ate. Maagang nakipagrelasyon. Nang mabuntis ay iniwan ito ng nakabuntis.

Kaya naman walang katiwa-tiwala si Tessa sa pag-ibig.

“Kelan ka ba magpapakasal?” Ito ang laging tanong sa kanya ng mga kakilala niya na matagal na nagkaroon ng sari-sarili nilang pamilya.

“Hindi ko naman kailangan ng kahit na sino. Kayang-kaya ko ang sarili ko.” Ang lagi niyang isinasagot sa mga ito.

Totoo naman kasi. Bakit hindi? Maganda siya, matalino, may magandang trabaho, at may malaking pera sa bangko. Kayang-kaya niyang mamuhay na wala ang kahit na sino.

Kahit kaibigan, sabad pa ng isang bahagi ng kanyang isipan.

Kaya naman ilag siya sa tao. Hindi siya malapit sa kanyang pamilya, at hindi rin siya gaanong nakikipagkaibigan kahit pa sa mga katrabaho niya na araw-araw niyang nakakasalamuha.

Kaya ko ang sarili ko, taas noo at taas kilay niyang pangangatwiran sa tuwina.

Kanina pa kumakalam ang sikmura ni Tessa. Saglit niyang nilingon ang relong nasa dingding at bahagya pa siyang nagulat nang makita na mag-aalas nuwebe na pala.

“Hindi ko na naman namalayan ang oras,” bulong niya.

Iniangat niya ang paningin at napabuntong hininga nang makitang siya na naman mag-isa ang naiwan sa opisina.

“Mas nauuna pang umuwi ang boss ko, dapat ako ang boss eh,” muli niyang bulong. Napahagikhik pa siya sa naisip.

Paglabas ng sasakyan niya mula sa parking lot ay malakas na kulog ang bumungad sa kanya.

Napapalatak siya. Mabuti na lamang ay tapos na ang rush hour. Kung hindi ay baka maipit siya sa mabigat na trapiko.

Nagdahan-dahan siya sa pagmamaneho dahil pagkalakas-lakas ng buhos ng ulan. Halos hindi niya na maaninag ang dinaraanan.

Nang lalong lumakas ang ulan ay napag-desisyunan na Tessa na magpatila na lamang muna ng ulan.

Nasa proseso siya ng paggigilid ng minamaneho nang may maramdaman siyang malakas na pagsalpok sa kanyang sasakyan. Ang huling narinig niya ay ang tila pagkabasag ng mga salamin.

Matapos noon ay nilamon na siya ng kadiliman.

Nagising na lamang siya na matindi ang pananakit ng itaas na bahagi ng katawan.

Maya-maya ay may pumasok na doktor, na tinanong siya ng kung ano ano’ng tungkol sa nararamdaman niya. Sinagot niya lahat iyon.

Dumating din ang kanyang pamilya, at ang iilan sa kanyang mga kaibigan upang mangumusta.

Nang magsialisan ang mga tao, isang nurse at ang kanyang ama lamang ang naiwan sa kanyang kwarto.

“Anak, kumusta ang pakiramdam mo?” Tanong ng kanyang ama.

“Ayos lang ho ako,” matabang ang pananalita niya sa ama.

“Ano ba ang nangyari? Paano ka naasksidente?” Tila maiiyak ang itsura nito.

“Ayoko ho muna pag-usapan ‘yan. Inaantok ako,” maikling sabi niya at tumalikod na dito.

Narinig niya ang buntong hininga ng ama bago ang pagbukas at sara ng pinto.

Akala niya ay nag-iisa na siya kaya naman hinayaan niya na tumulo ang kanyang luha. Ang hikbi ay naging hagulhol. Napapitlag siya nang may mag-abot sa kanya ng puting panyo.

Nang lingunin niya ang taong nag-abot sa kanya ng panyo ay nagulat pa siya sa seryosong mukha ng nurse na nakalimutan niyang nasa loob pa pala ng kanyang silid.

“Hindi ko kailangan ‘yan,” masungit niyang sabi dito imbes na magpasalamat.

“E ‘di wag! Ikaw na nga tinutulungan ang sungit mo pa,” malditong sagot nito at padabog na lumabas ng kanyang silid.

“Aba’t! Siraulong nurse ‘yun!” Nagpupuyos ang kaloobang niya habang nakatingin sa pinto na pabalagbag nitong isinara.

Madaling araw nang makaramdam si Tessa ng tawag ng kalikasan. Masakit pa ang kanyang katawan kaya naman gigisingin niya sana ang inang natutulog sa sofa ngunit nang mapatingin siya mukha nitong tila pagod na pagod ay nagbago ang kanyang isip.

Sinubukan niyang tumayo sa sariling mga paa. Agad siyang bumagsak. Nakapikit niyang hinintay ang pagbagsak sa sahig at ang matinding pagkirot ngunit sa kanyang pagtataka ay wala siyang naramdamang kahit na ano.

Takang-taka niyang sinulyapan ang kanyang mga binti. May benda kaya sigurado siyang sugatan ang mga binti niya ngunit bakit wala siyang maramdama?

Isang nakapangingilabot na posibilidad ang pumasok sa kanyang isip ngunit agad niya iyong isinantabi.

Sinubukan niyang pakiramdaman ang binti sa pagtapik dito subalit wala siyang naramdaman. Hanggang sa namalayan niyang pinagsususuntok niya na pala ito habang malakas ang kanyang paghagulhol.

Paralisado siya! Paano na siya mamumuhay ng normal?

Paano na ako mamumuhay mag-isa?

Ang kanyang hagulhol ay nauwi sa malalakas na tili kaya naman agad na nagising ang kanyang ina. Maya-maya ay pumasok ang doktor at nurse.

Ang huli niyang natatandaan ay ang pagdampi ng karayom sa kanyang balat. Matapos noon ay kadiliman.

Nang magising niya ay alas dose na ng tanghali. Mag-isa lamang siya sa kwarto at kumakalam ang kanyang sikmura.

Nang bumukas ang pinto ay agad na nagliwanag ang kanyang mukha nang makita ang mga pagkain ngunit agad din siyang napabusangot nang makita na ang antipatikong nurse ang may dala nito.

Walang nagsasalita sa kanila. Tahimik siyang kumain. Nang mabulunan ay agad niyang inabot ang bote ng tubig ngunit nahirapan siyang buksan ang takip nito. Nagpatuloy ang kanyang pagkasamid.

Nakasimangot na humihingi ng saklolo siyang tumingin sa lalaki.

Kinuha naman nito ang bote at binuksan.

Nang makabawi ay naglitanya siya dito. “Gusto mo bang mam*tay ako? Nakita mo na ngang nabubulunan yung tao, wala ka man lang ginawa para tulungan ako!”

Tila nainis ang lalaki. “E di ba nung unang beses na tinulungan kita sabi mo hindi mo kailangan?!”

Hindi siya nakapagsalita. Iba na kasi ngayon. Hindi niya na kaya mag-isa dahil baldado na siya. Sa naisip ay napaiyak siya, na ikinataranta ng lalaki, sa pag-aakalang ito ang may kasalanan sa pag-iyak niya.

Inabutan siya nito ng panyo. Sa pagkakataon ito, tinanggap niya iyon.

“Pasensiya na. Hindi ako dapat naging ganun sa pasyente ko.” Sa unang pagkakataon ay wala ang simangot sa mukha nito.

Tumango naman si Tessa. “Bakit lagi kang may dalang panyo?” Hindi niya napigilang mag-usisa.

“Sa klase kasi ng trabaho ko, halos araw araw may nakikita akong umiiyak.” Maikling sabi nito, na agad naunawaan ni Tessa.

“Oo nga no, ako nga, iilang araw pa lang dito, ilang beses na ako umiyak.” Pagsang-ayon ni Tessa, na ikinatawa nilang dalawa.

Iyon ang naging simula ng magandang pagkakaibigan nila ng nurse, na napag-alaman niyang Chris ang pangalan.

Napag-alaman niya dito na maari pa naman palang gumaling ang kanyang binti, sa tulong ng therapy. Ihahanap daw siya nito ng magaling na therapist.

Sa unang pagkakataon, nakahanap si Tessa ng kaibigan na kanyang masasandalan at mapapagkatiwalaan.

Madaming bagay na napagtanto si Tessa habang nagpapagaling siya sa ospital. Una, hindi totoo na kaya ng kahit na sino na mamuhay mag-isa. Nakita niya ang kahalagahan ng pamilya sa mga pangyayaring kagaya ng naranasan niya.

Naisip niya nga, gaano man kadami ang pera na mayroon ang isang tao, kung walang tao na tutulong sa oras ng pangangailangan, mahirap pa din. Buti na lamang at andiyan ang pamilya niya.

At ikalawa, baka nga totoo ang pag-ibig. Yung handa kang sumugal para sa isang tao. Kahit walang kasiguraduhan.

Yun kasi ang nararamdaman niya kay Chris.

Mabilis na lumipas ang tatlong buwan. Tuluyan nang gumaling si Tessa. Sa kanyang paglabas sa ospital, isang liham ang natanggap niya sa kanyang nurse at kaibigan na si Chris.

“Mahal kita.” Yun ang nakasulat sa liham.

Wala nang mahihiling pa si Tessa. Binago ng aksidente ang kanyang pananaw sa buhay.

Natuto siyang pahalagahan ang relasyon niya sa pamilya at mga kaibigan.

At ang mas mahalaga, natuto siyang maniwala sa kapangyarihan ng pag-ibig.

Advertisement