“Aba! Ang dami naman niyan!” puna ni Tinay sa kanya na abala sa pagsasaayos ng balikbayan box na ipapadala niya sa ina.
Ngumiti siya rito.
“Syempre naman. Para naman matuwa siya ‘di ba?”
Tumango lang ang kaibigan at ininspekyon iyon. Samu’t sari, mula sa damit, sapatos, mamahaling bag, pabango, mga imported na de lata, at tsokolate. Lahat na ata ng pwedeng ipadala.
“‘Di ka ba uuwi sa inyo? Malapit na ang pasko, ah?”
Tinignan niya ang maliwanag na Christmas tree sa loob ng kanilang tinutuluyan. Palibhasa Pinay silang dalawa ng kaibigan kaya ganun na lamang ang dami ng palamuti sa inookupa.
Para naman daw maramdaman nila ang presensiya ng pasko kahit na wala sila sa Pinas.
“Hindi e, alam mo naman. Kailangan magtrabaho…”
Si Lorraine ay nagtatrabaho bilang personal nurse ng isang matandang babae. Malapit ang loob niya rito lalo pa at may lahi itong pinoy.
At isa pa, nakikita niya kasi ang kanyang ina sa matanda.
“Napakasipag mo talaga. Bahala ka, basta ako uuwi ako. Sabihan mo ko pag nagbago isip mo, ha?”
Tumango siya sa kaibigan at ngumiti. Malabo iyon, gustuhin man niyang ngumiti ay hindi pwede.
Maraming kailangang bayaran at isa pa, hindi siya pwedeng mabakante. Paano na ang pinag-iipunan niyang bahay para sa ina?
“Pano pala ‘yun? Sinong kasama ng nanay mo sa inyo sa pasko?” tanong ulit nito.
Nagkibit balikat siya. Isa pa iyon sa inaalala niya.
“Wala eh.”
Sumimangot ang kanyang kaibigan sa kanya at nagpaaalam na para umalis para pumasok sa trabaho.
Ang sabi kasi ng Kuya Manny niya na nagtatrabaho sa Qatar ay malabo rin na makauwi ito para sa pasko.
Kung ganoon, walang makakasama ang kanyang ina sa pasko. Iyon ang laman ng isip niya habang nasa trabaho.
Binabantayan ang natutulog na matanda. Pasimple niyang tinawagan ang ina.
“Hello, ‘nay!”
“Anak!” Bakas ang kasiyahan nito. Bahagya siyang nag-alinlangan para sabihin nito na hindi siya makakauwi sa nalalapit na pasko.
“Kamusta ka anak?” Tanong nito.
“Ayos lang po. Siya nga po pala, dumating na po ba yung mga pinadala ko, ‘nay?” tanong niya sa halip.
Matagal bago ito sumagot.
“Oo ‘nak! Andito na, kakarating lang. Ang dami nga, e. Sa susunod, ‘wag mo na ako ibili ng ganito. Di ko din naman nauubos.”
Ngumiti siya ng kaunti.
“Ano bang gusto mong ipadala ko diyan, nay? Kahit ano!”
Tumahimik ito para mag-isip. Matapos ang ilang minuto ay muli itong nagsalita.
“Wala e. Wala naman akong gusto. Pero, pwede bang umuwi ka na lang dito? Kahit sa pasko lang?”
Siya naman ang di nakasagot. Kinagat niya ang kanyang labi.
“Sorry, ‘nay! ‘Di po ko makakauwi, e. Alam mo na, trabaho po.” Sinulyapan niya ang matandang natutulog.
Nakonsensiya siya sa sinabi.
“Ganun ba? May problema ba? Ayos lang ba yung inaalagaan mo, ‘nak? May nangyari bang masama?”
Huminga siya ng malalim at nagpaliwanag dito.
“Ayos lang, ‘nak. Basta mag-iingat ka lagi diyan, ha.” Sa huli ay sabi nito.
Gayunpaman, ay ramdam niya ang lungkot sa tinig sa ina. Bumuntong-hininga siya.
“Ang lalim naman, hija. Anong problema?” Hindi niya namalayan na gising na ang kanyang pasyente.
Tinignan niya ito kasabay ng ngiti ay ang pag-iling.
“Wala po.”
Tumango ito gayunpaman ang tingin at ngiti nito sa kanya ay hindi nagbago. Binantayan niya ito, pinakain, binigyan ng gamot.
Ngunit bago pa man ito pumikit para bumalik sa pagtulog ay hinawakan nito ang kanyang kamay.
“Hija, pwede bang pakiabot muna ako ng bag ko na iyon?” anito sabay turo sa isang puting bag.
Tumango siya at sumunod dito. May kinuha ito sa loob nito, isang sobre.
“Para saan ho ito?” Tanong niya ng ibigay ito ng matanda sa kanya.
“Wag mo munang tignan ngayon. Bukas na. Matutulog na ako pero gusto kong sabihin sa’yo na maikli lang ang buhay. Dapat ay alagaan natin ang mga taong gusto ng pag-aalaga, at ipakita ang pagmamahal sa mga ito. Dahil baka balang-araw ay pagsisihan mo ito.” Ngumiti ang matanda, pinisil ang kanyang kamay.
Ngumiti siya.
Narinig kaya nito ang usapan nila ng kanyang ina? Naisip pa niya.
Kinabukasan, pumasok siya sa trabaho. Sa labas pa lamang ng kwarto ay umiiyak na ang mga kamag-anak ni Lola Caroline.
“Ma’am, ano pong nangyari?” tanong niya sa wikang ingles.
Hindi ito sumagot ngunit niyakap siya ng mahigpit.
May mga doktor na lumabas mula sa kwarto nito. Kinausap ang mga kamag-anak. Hindi niya naririnig ngunit ang pag-iling ay sapat na para kabahan siy
Wala na si Lola Caroline, kinumpirma ng doktor at ng kanyang mga mata. Biglaan ang dahilan. Atake sa puso.
Kaya matamlay siya nang umuwi, naalala niya ang matandang ilang taon niyang inalagaan.
“Ang ikli ng buhay,” aniya sa sarili habang tinatanaw ang pagbagsak ng niyebe. Ang unang niyebe ng taon.
Naalala niya ang usapan nila bago ito mawala. At ang sobre na ibinigay nito. Kinapkap niya ang kanyang bag at binuksan iyon agad.
“Lola!” Nasabi niya nang makita ang laman nito na tseke, binilang niya at halos nasa limang daang libo, ang sulat nito para sa kanya na nagpapasalamat, at higit sa lahat isang ticket pauwi sa Pilipinas.
Bumuhos ang kanyang luha.
“Maikli lamang ang buhay. Sulitin mo. Naalagaan mo na ako sa loob ng ilang taon at nagpapasalamat ako doon. Salamat, anak! Ngayon oras na para maalagaan mo ang iyong ina na nangungulila sa’yo. Mag-iingat ka palagi!” Sabi nito sa sulat.
Ngumiti siya sa kabila ng luha. Dali-daling tumayo at inayos ang mga gamit.
Napakaganda ng pamasko ni Lola Caroline. Tama ito. Maikli lamang ang buhay kaya’t susulitin niya iyon kasama ang pamilya habang may oras pa siya.