Nangangamba si Kylie sa darating na parents and teachers conference sa kanilang eskwelahan. Hindi dahil sa may nagawa siyang labag sa regulasyon ng paaralan o may bagsak niyang asignatura. Nahihiya kasi siya sapagkat kapag ipapakilala ang kaniyang inang si Nida ay nanliliit siya.
“Anong pinapangamba mo diyan, Kylie? Okay naman ang mommy mo ha,” pagtataka ng kaniyang matalik na kaibigan na si Rosie.
“Hindi mo kasi naiintindihan, Rosie. Tignan mo ang nanay mo ay isang dentista, ang ilan sa mga nanay ng kaklase natin ay doktor o accountant. Pero ang mommy ko ay isang hamak na maybahay lamang,” pahayag ng dalaga.
“Si daddy nga ang pinapapunta ko kaso busy siya sa kaniyang trabaho bilang isang arkitekto. Kaya hindi siya makakadalo,” dagdag pa ni Kylie.
“Ano naman ang mali sa pagiging maybahay ng mommy mo? Aba, siya yata ang may pinakamasarap na adobo sa buong mundo. Inggit nga ako sayo at nariyan lagi ang mommy mo kung kailangan mo siya,” saad ni Rosie.
Ang balak ni Rosie ay hindi na lamang sabihin sa kaniyang ina ang nasabing pagpupulong upang hindi na ito pumunta. Magdadahilan na lamang siya sa kaniyang guro.
“Kumusta ang eskwela, anak?” salubong na tanong ni Nida pagkauwi ng anak.
“Okay lang naman po, mommy,” tugon ng dalaga.
“Hindi ba malapit na ang petsa ng PTA meeting ninyo? Kailangan ng ulit ‘yon, anak, para hindi ko makaligtaan,” saad ng ina.
“Wala pa po kasing ibinibigay sa amin na petsa kung kailan. Pero kapag meron na po ay agad kong sasabihin sa inyo,” pagsisinungaling niya.
Hindi alam ni Kylie kung paano itatawid ang pagsisinungaling na ito sapagkat alam niyang malalaman din ng kaniyang ina ang totoo. At hindi siya nagkamali. Habang naghahapunan silang mag-anak ay tinanong siya ng kaniyang ina.
“Nakausap ko ang guro mo. Nagpadala na pala sa iyo ng imbitasyon. Bakit hindi mo binibigay sa akin?” pagtataka ng ginang.
“Wala pa po siyang ibinibigay, mommy,” giit ni Kylie.
“Sigurado ka? Nakasalubong ko siya nang nag grocery ako kanina. Ang sabi niya sa akin ay hindi mo pa daw ibinibigay sa kaniya dahil hindi ako makakadalo. Ang sabi mo daw ay busy kami pareho ng iyong daddy. Hindi naman totoo ‘yun, anak,” sambit ng ina.
“May nagawa ka ba sa paaralan kaya ayaw mo akong pumunta? Sabihin mo na sa akin, Kylie para alam ko,” dagdag pa ni Nida.
“Wala po akong ginawang mali, mommy. Hindi ko alam ang sinasabi ng guro ko,” patuloy na pagsisinungaling ng bata.
“Kylie, aminin mo na sa mommy mo ang totoo. Hindi tama ang nagsisinungaling ka sa amin,” sambit ng ama nito.
“Aminin mo na sa akin, Kylie, para maintindihan kita at maipagtanggol ang iyong panig. Ano ba ang nagawa mo sa paaralan kaya ka nagkakaganyan?” pilit na pinapaamin ni Nida ang anak.
“Wala nga, mommy. Wala akong ginawang masama. Gusto niyong malaman ang totoo? Ayokong pumunta ka sa meeting na ‘yon!” sambit ng dalaga.
Lubusan ang pagtataka ng ginang sa sagot ng anak. “Bakit, Kylie? Bakit ayaw mo akong pumunta sa meeting n’yo sa paaralan?” tanong ng ina.
“Dahil nahihiya ako sa kalagayan ninyo! Bakit kasi wala man lamang kayong propesyon. Lahat ng kaklase ko ay may pinag-aralan ang kanilang mga nanay, ngunit kayo po ay isang hamak na maybahay lamang!” pangaggalaiti niya.
“Huwag kang magsalita ng ganiyan na mommy mo, Kylie. Hindi mo alam ang sinasabi mo,” sambit ng kaniyang ama. Pinigilan na agad ni Nida ang asawa upang hindi na magalit sa kanilang anak.
“Hindi madali ang maging isang maybahay, anak. Tandaan mo ‘yan. Kahit na maybahay lamang ako ay hindi madaling propesyon ang pagiging ina,” mahinahon na sambit ni Nida. Kahit na pilit niyang iniintindi ang anak ay hindi niya maiwasan na sumama ang kaniyang damdamin sa sinabi ng dalaga.
Mabigat man sa kalooban ni ng dalawa ay tumuloy pa rin si Nida at Kylie. Nagulat na lamang si Kylie nang ilang magulang ng kaniyang kaklase ang sumalubong sa kaniyang ina.
“Doctor Nida Cruz?” wika ng isang ina. “Kinagagalak ko pong makilala kayo. Napakalaking tulong ng mga research ninyo sa akin noong college magpahanggang ngayon. Nakakapanghinayang lang po at tumigil na kayo sa pagiging isang scientist at researcher,” dagdag pa ng ginang.
Nagulat si Kylie na marinig na tinawag ng ginang na ito na doktor at siyentipiko ang kaniyang ina. Pagkatapos ng meeting ay agad umuwi ang dalawa. Dahil hindi pa rin sila nagkikibuan ay tinanong ni Kylie ang kaniyang ama tungkol sa nangyaring ito sa meeting.
“Dad, kanina po sa meeting ay may tumawag kay mommy na isang siyentipiko, totoo po ba ito?” tanong ni Kylie sa ama. Tumango ang kaniyang daddy.
“Oo, anak. Bata pa lamang ang mommy mo ay pangarap na niyang maging isang siyentipiko. Kaya ginalingan niya ng lubusan. Binigay niya ang lahat para lang matupad niya ang pangarap niyang iyon,” sagot ng ama.
“Ngunit bakit hindi na niya pinagpatuloy ang propesyon niya?” pagtataka niya.
“Tinalukuran ng mommy mo ang kaniyang katanyagan sa larangan ng siyensya sapagkat pinagbuntis ka niya. Maselan ang naging pagbubuntis ng mommy mo sa iyo noon. Maraming pagkakataon na kinailangan niyang pumunta ng ospital upang alamin ang kalagayan mo,” kwento ng ama.
“Dahil nakasasalay sa kaniya ang iyong kalagayan ay minarapat niyang umalis sa kaniyang propesyon at piliin na alagaan ka. Dahil maraming oras ang hinihingi ng kaniyang trabaho ay hindi na siya nakabalik pa nang ipanganak ka. Gusto kasi niya ay siya mismo ang mag-alaga sa iyo. Kaya nagdesisyon siya na maging isang payak na maybahay na lamang,” pahayag muli ng ama.
“Anak, sa totoo lamang ay hindi madali na isuko ang mga pangarap. Ngunit sa mommy mo ay hindi naging mabigat ito sapagkat una pa lamang ay alam na niyang ikaw ang kaniyang napili. Isinakripisyo na ang lahat upang maalagaan ka ng husto. Kaya hindi tama ang ginawa mo na ikinahihiya mo siya,” pangaral ng ginoo sa anak.
Hindi napigilan ni Kylie ang maiyak sa kaniyang nalaman. Hindi na lamang pala binanggit sa kaniya ng kaniyang ina ang nakaraan nito sapagkat ayaw niyang maisip ng dalaga na naging hadlang siya sa mga pangarap ng ina. Dali niyang pinuntahan ang ina sa silid at niyakap. Humingi siya ng tawad sa kaniyang nagawa.
Mula noon ay hindi na ikinahiya ni Kylie ang pagiging maybahay ng kaniyang ina. Sapagkat para sa kaniya ito ang pinakamarangal at pinakamahirap na propesyon sa lahat.