“Pwede bang tigilan mo na ako, Danny. Hindi ikaw ang tipo ko ng lalaki. Mahirap bang intindihin ‘yon?” sambit ni Lanie sa binata.
“Bakit hindi mo subukang kilalanin ako, Lanie. Hindi naman kita lolokohin,” wika ni Danny sa dalaga.
“Pero hindi nga kita gusto, Danny. Pwedeng layuan mo na ako. May iba akong napupusuan,” sambit ng dalaga.
Matagal nang nanliligaw si Danny sa kaniyang kasamahan sa trabaho na si Lanie. Hindi naman maibalik ni Lanie ang pagmamahal na naibibigay ng binata sapagkat mayroon siyang ibang nagugustuhan. Ito ang isa pa nilang kasamahan na si Dennis.
Matagal na ring nagpapapansin si Lanie sa binatang si Dennis kahit pa alam niyang babaero ito. Pumayag siyang makipagrelasyon ng lihim sa binata sa pag-aakalang siya lamang ang mahal nito.
“Bakit kailangan nating itago ang ating relasyon, Dennis? Ikinahihiya mo ba ako?” tanong ni Lanie sa kasintahan.
“Hindi sa kinahihiya kita, Lanie. Napakaganda mo bakit naman ako mahihiyang ipagmalaki ka,” tugon ng binata. “Pero alam mo namang bawal ito sa kumpanya natin. Baka mamaya ay parehas tayong matanggal sa trabaho,” dagdag pa ng binata.
Dahil totoo ang sinasabi ni Dennis na maaaring matanggal sila sa trabaho ay naniwala siya na ito ang tanging rason kung bakit nananatiling lihim ang kanilang relasyon. Kaya ibinigay niya ang lahat kay Dennis maging ang kaniyang puri. Lingid sa kaalaman ng dalaga ay marami palang ibang nobya itong si Dennis.
Isang araw ay nalaman na lamang ni Lanie na buntis siya.
“Hindi ko pananagutan ang batang ‘yan. Hindi sa akin ‘yan!” pagtanggi ni Dennis. Kahit ano pang pagpupumilit ni Lanie kay dennis na panagutan siya at todo tanggi pa din ang binata. Hindi niya alam ang kaniyang gagawin kaya naisipan na lamang niyang ipalaglag ang bata.
Ngunit matindi ang kapit nito. Kahit ilang beses nyang sinubukan ay hindi natatanggal ang bata sa kaniyang sinapupunan. Isang gabi ay minarapat niyang pumunta sa bar kasama ang kaibigan.
“Tumigil ka na sa ginagawa mo, Lanie. Baka mamaya ay kung ano pang mangyari sa’yo at sa bata. Hindi mo ba naisip na baka kaya hindi niya nalalaglag ay nakalaan talaga siya para sa iyo?” sambit ng matalik niyang kaibigan na si Marie.
“Hindi ko kayang magpalaki ng bata ng mag-isa. Itatakwil ako ng magulang ko kapag nalaman nilang nabuntis lang ako at ayaw akong panagutan ng ama ng bata,” tugon niya.
Hindi na alam ni Lanie ang kaniyang gagawin. Maya-maya ay nakita niya ang kaniyang masugid na manliligaw na si Danny. At nagkaroon siya bigla ng isang ideya. Niyaya nila ang lalaki na makipag-inuman sa kanila. Nilasing ito at dinala sinigurado ni Lanie na may mangyayari sa kanila ng binata noong gabing iyon.
Nagulat na lamang si Danny sa kaniyang paggising kinabukasan na magkasama sila ni Lanie sa motel. Ilang linggo ang makalipas ay sinabi ni Lanie kay Danny na buntis siya. Lubusan ang kaligayahan ng binata sa kaniyang narinig. Umuwi sila sa probinsiya upang magpakasal. Doon na rin nanganak si Lanie.
Ngunit laking gulat nila na may kapansanan ang kanilang anak ng isinilang. Marahil dahil ito sa pilit na paglalaglag na ginawa noon ni Lanie sa bata noong ito ay nasa sinapupunan pa lamang niya. Kahit na hindi normal ang bata ay malugod itong tinanggap ni Danny sa pag-aakalang anak niya ito. Ibinigay niya ang pagmamahal at pag-aaruga na kailangan ng bata.
Unti-unting lumambot ang puso ni Lanie para sa asawa. Nanghinayang siya na bakit hindi na lamang si Danny ang minahal niya noon. Nagpadala siya sa pambobola ni Dennis.
Hindi na maatim pa ni Lanie na magsinungaling pa kay Danny kaya minarapat niyang sabihin na sa mister ang katotohanan.
“Patawarin mo ako, Danny, sa nagawa ko sa’yo. Hindi ko maatim na makita ka sa ganitong kalagayan. Patawad kung ipinaako ko sa’yo ang batang hindi mo naman anak. Kung gusto mo na akong hiwalayan ay matatanggap ko. Pero nais kong malaman mo na mahal na kita,” pag-amin ni Lanie.
“Alam kong hindi ko s’ya anak, Lanie. Noon pa man ay alam ko na. Bulung-bulungan kasi sa opisina na nagalaw ka raw ni Dennis at ipinagmamalaki niya ito. Ang sabi pa ay hindi raw niya pananagutan ang batang iyan. Nang malaman ko ito ay nagpambuno kami. Lubusan ang galit ko sa kanya dahil sa ginawa niya sa’yo,” pahayag ni Danny. Laking gulat ni Lanie sa kaniyang narinig.
“Sinadya kong pumunta sa bar kung nasaan ka para sabihin sa’yo na handa akong panagutan ang batang ‘yan. Masaya ako na ako ang napili mong maging asawa kahit alam kong panakip butas lamang ako,” sambit pa ng ginoo.
“Hindi kita iiwan at magpapaka-tatay ako sa batang ito sapagkat anak ko na rin siya. Huwag kang mag-alala, Lanie, hindi darating ang panahon na isusumbat ko sa iyo ang nakaraan mo,” saad ni Danny.
Napaluha na lamang si Lanie sa lahat ng tinuran ng kaniyang asawa. Niyakap na lamang niya ito at nagpasalamat siya sa lahat ng pagtingin ng ginoo sa kanilang anak. Naging masaya ang pagsasama ng dalawa. Hindi alintana ni Danny na mahalin na rin ang anak ni Lanie kahit na may kapansanan pa ito. Lalo pa niya itong minahal sapagkat lubusang kalinga ang kailangan ng bata sa kaniyang kalagayan.
Hindi naglaon ay nagkaroon din sila ng sarili nilang anak. Namuhay sila bilang isang masayang pamilya. Hindi lubusang akalain ni Lanie na ang pag-ibig na kaniyang tinatanggihan noon ay siya palang magsasalba sa kaniya ngayon.