“Parang awa mo na Emma, huwag mo kaming iwan ng anak mo! Hindi namin makakaya ng wala ka. Kung kulang ang nabibigay ko sa’yo, pagbubutihan ko pa ang trabaho ko. Basta huwag ka lang umalis,” pakiusap ng mister ni Emma na si Ronald.
“Ayoko na sa pesteng lugar na ‘to, Ronald. Ilang beses mo ng sinabi na bibigyan mo ako ng magandang buhay pero hanggang ngayon ay lintik na iskwater pa rin tayo!” giit ni Emma habang bitbit ang kaniyang mga gamit paalis ng bahay.
“Paano ang anak mo, Emma? Sino ang titingin sa kaniya?” pangungunsensiya ng mister.
“Bahala ka ka na d’yan sa anak mo! Kung dadalhin ko ‘yan ay dagdag pasakit pa ‘yan sa akin!” tugon ng ginang habang nagmamadaling umalis.
Hindi na napigilan pa ni Ronald ang kaniyang asawa.
Higit anim na taon nang mag-asawa sina Ronald at Emma. Mula noon ay pinangarap na ni Emma ang maginhawang buhay ngunit dahil sa pagkalululong sa sugal ng asawa ay hanggang ngayon ay hindi pa rin sila nakakaahon sa kahirapan.
Kaya pinili na lamang ni Emma na sumama sa isang lalaking nakilala niya sa isang inuman. Minarapat din nitong iwan ang anak sa piling ng mister. Ang hindi alam ng dalawa ay narinig ng kanilang anak na si Boyet ang lahat.
“’Tay, ayaw na po ba sa akin ng nanay?” tanong ng bata.
“Oo, ayaw na ng ina mo sa’yo kasi malas ka sa buhay!” napagbuntungan ng galit ni Ronald ang anak.
Dahil sa kahirapan ay hindi na mabuhay pa ng ama itong si Boyet. Sapagkat baon din sa pagkakautang dahil sa pagsusugal ay naisipan niyang ibenta ang kaisa-isang anak sa sindikato upang maging isang pulubi.
“Tay, huwag n’yo namang gawin sa akin ito. Huwag n’yo po akong ibenta. Ayoko po sa kanila, tay!” walang tigil sa pag-iyak ang bata. “Tay, parang awa n’yo na po! Magtatrabaho ako para lang makatulong sa inyo, huwag nyo lang akong ibenta!” pagmamakaawa muli ni Boyet sa ama.
Ngunit desidido na lalaki na ibenta ang anak. Pagkaabot sa kaniya ng pera ay hindi na niya inintindi pa si Boyet. At tuluyan na ngang dinala ng sindikato si Boyet.
Naging batang lansangan si Boyet. Namamalimos siya umaga hangang gabi upang ibigay ang kinita sa mga lalaking bumili sa kaniya. Kumakalam man ang tiyan ay hindi makaangal ang bata sapagkat alam niyang gulpi ang kaniyang aabutin.
Sa puntong ito ay kinuwestiyon ni Boyet ang Panginoon. “Diyos ko, ano po ba ang nagawa kong kamalian sa Inyo? Ang nanay ko po ay ayaw na sa akin pati ang tatay ko. Wala na po akong pamilya. Wala po akong masandalan. Galit po ba Kayo sa akin? Bakit hinayaan Ninyo pong nagkaganito ang buhay ko?” walang tigil sa pag-iyak ang bata sa hinanakit.
Habang nag-iiyak sa sulok ng kalsada si Boyet ay nakita siya ng isang babae. “Totoy,” wika ng isang babae. “Ito ang panyo, o. Kuhain mo. Huwag ka nang umiyak,” dagdag pa niya.
Nang tumingin si Boyet sa isang mukha ay tila nakakita siya ng anghel. “Maraming salamat po, ale,” sambit ni Boyet sabay kuha ng panyo.
“Ako si Mila. Nagugutom ka ba? Gusto mo ba ng makakain?” alok ng ale. “Tara sumama ka sa akin,” paanyaya nito. Ngunit ayaw sumama ni Boyet sa babae sapagkat alam niyang maraming mga mata ang nagmamanman sa kaniya. Maaaring pati ang babae ay mapahamak.
Dahil sa ikinikilos ni Boyet ay nakahalata ang babae. Kaya ibinili na lamang niya ito ng pagkain at binantayan upang makasiguro siyang ang bata mismo ang kakain nito. Nang matapos kumain si Boyet ay saka umalis si Aling Mila.
Sa matagal na panahon ay ngayon na lang ulit nakaramdam ang bata ng pagkalinga mula sa iba.
Kinabukasan, hindi inaasahan ng lahat na magkakaroon ng operasyon ang mga pulis upang iligtas ang mga batang ito. Nahuli ang utak ng sindikato at nailigtas sa kanilang kamay ang mga kaawa-awang bata. Dinala ang mga ito sa bahay-ampunan kasama na si Boyet.
“Huwag kayong mag-alala at ligtas kayo rito,” sambit ng babaeng namumuno sa ampunan.
Sa pagkakataong ito ay muling kinuwestyon ni Boyet ang Panginoon. “Diyos ko, ano po ba talaga ang balak Ninyo sa akin? Ngayon po ay parang nasa kulungan kami. Ngunit mas mainam na po ito kaysa noong kami ay nasa mga sindikato. Bakit hindi Ninyo na lamang po ako isauli sa mga magulang ko?” naiiyak niyang tanong sa Diyos.
Ilang araw ang nakalipas at nabalitaan ni Boyet na may umaampon sa kaniya. Laking gulat niya nang makita si Aling Mila, ang matandang tumulong sa kaniya. Itinuring ni Mila na parang tunay na anak ang bata. Pinaranas niya sa bata ang pagmamahal na hindi na pa nararanasan sa kaniyang buhay. Hindi akalain ni Boyet na darating pa ang araw na ito na may kakalinga sa kaniya. Lahat ng kaniyang mapait na karanasan sa kaniyang buhay ay napunuan ng pagmamahal ng babae.
Naging palaisipan kay Boyet kung bakit siya pa ang napili ng ale na kupkupin.
“Boyet, iniwan ako ng aking asawa sapagkat hindi ko siya mabigyan ng anak. Nang makita kita sa kalsada na umiiyak ay may iba akong naramdaman sa’yo. Isang koneksyon na hindi ko maipaliwanag. Parang may bumubulong sa akin na kalingain kita,” sambit ni Aling Mila.
“Kaya agad kong inireport sa aking kapatid na pulis ang nangyayari sa inyo. Alam kong hawak kayo ng isang sindikato at hindi ko maatim na wala akong gawin,” dagdag pa niya.
Laking gulat na lamang ni Boyet na malaman na si Aling Mila pala ang may kagagawan sa pagkakaligtas nila sa sindikato.
Pinag-aral ni Aling Mila ang bata hanggang sa makapagtapos ito at naging isang ganap na pari. Lubusan ang pasasalamat ni Boyet dahil hindi siya pinabayaan ng kanyang Nanay Mila. Napagtanto niya na marahil ay kailangan niyang pagdaanan ang lahat ng iyon upang makita niya ang daan patungo kay Aling Mila at sa Panginoon.
Ibinalik ni Boyet ang pagmamahal na nakuha siya sa kumupkop sa kaniya sa pamamagitan ng pagiging alagad niya ng Diyos. Naging aral sa marami ang kaniyang buhay na binago ng Diyos sa isang mataimtim at tapat na panalangin. Hindi man siya tunay na anak ni Mila ay higit pa sa pagmamahal ng magulang ang kaniyang natanggap mula rito.