Tatlong taon na ang lumipas mula nang sumakabilang buhay ang asawa ni Fernan. Naiwan sa kaniya ang tatlo nilang anak na pawang maliliit na bata pa lamang noon. Dalawang babae at isang bunsong lalaki.
Mula noon ay doble kara na ang buhay ni Fernan.
Sa umaga ay tatay siya ng mga bata dahil pumapasok siya sa kaniyang trabaho upang kumita para sa kaniyang pamilya. Siya rin ang naghahatid at sumusundo sa mga anak niya sa eskuwelahan dahil nasa elementarya pa lang ang mga ito.
Pagkauwi naman sa bahay ay nag-iiba ang katauhan ni Fernan dahil siya ang naglilinis ng bahay, naglalaba, namamalantsa at nagluluto para sa kanilang pamilya.
Hindi niya magawang kumuha ng katulong dahil dagdag bayarin din ‘yon Mahihirapan si Fern na ibadyet ang pera lalo na at nag-aaral ang kaniyang tatlong anak.
Nagpasya si Fernan na siya na lamang ang gagawa ng mga gawaing-bahay at mag-aasikaso sa kaniyang mga anak upang mas matutukan niya rin ang mga ito. Kahit papaano naman ay natuturuan niya ang kaniyang mga anak sa mga gawaing-bahay mula sa pagwawalis at paghuhugas ng mga pinggan.
Sinisigurado rin ni Fernan na hindi napapabayaan ng kaniyang mga anak ang kanilang pag-aaral. Gabi-gabi ay naglalaan si Fernan ng dalawang oras para sabay-sabay na gumawa ng mga takdang-aralin ang mga anak habang siya naman ay nakabantay at umaalalay.
Ngunit may mga bagay pa rin na medyo hirap si Fernan lalo na at may mga babae siyang anak.
Dahil nasa hustong gulang na ang panganay na anak na babae ni Fernan ay nagkaroon na ito ng unang dalaw ng regla.
“Hala, Ate Maymay! May dugo ka sa shorts mo! May sugat ka ba?” malakas na tanong ng bunsong anak na lalaki ni Fernan na si Nonoy. “Weh, ‘di nga? Baka ketchup lang?” balik tanong ni Maymay at pilit na sinisipat ang likuran ng kaniyang shorts.
“Hindi, ate. Sinigang ang ulam natin. Paano magkaka-ketchup ang shorts mo?” tanong naman ng pangalawang anak ni Fernan na si Mona.
“Eh, bakit may sugat ako? Bakit may dugo?” natatarantang sabi ni Maymay. Napapaluha na ito sa sobrang kaba lalo na nang tinakot siya ng kaniyang mga nakakabatang kapatid.
“Papa!” sigaw ni Maymay habang umiiyak.
Agad namang kumaripas ng takbo si Fernan pababa galing sa kanilang terasa. Nagsasampay siya ng kaniyang mga nilabhan nang marinig niya ang malakas na sigaw ng kaniyang anak.
Pagkababa niya ay nakita niya ang panganay niyang anak na umiiyak at natatakot dahil sa dugo sa likod ng shorts nito. Nang makita ito ni Fernan ay agad niyang pinapunta ang kaniyang anak sa banyo para alamin kung may dugo rin ba ang panty nito.
“Papa, may regla na po ata ako,” pabulong na wika ni Maymay sa kaniyang tatay pagkalabas niya ng banyo.
Agad namang tinawagan ni Fernan ang kaniyang ina na nasa probinsiya ngunit hindi ito sumasagot. Ang sunod niyang tinawagan ay ang pinsan niyang babae.
Matapos nang pakikipag-usap ni Fernan sa kaniyang pinsan ay agad-agad niyang pinagawa sa anak ang mga pamahiin kapag dinatnan ng unang dalaw. Inalalayan niya itong tumalon ng tatlong baitang sa hagdan. Pagkatapos ay nagtungo na siya sa supermarket para bumili ng napkin.
Sa supermarket ay walang pag-aalinlangan niyang tinanong sa saleslady kung saan niya mahahanap ang mga napkin. Nang makarating siya sa estante ng mga napkin ay nalito naman ang lalaki sa dami ng klase na kaniyang pagpipilian.
“Ngek! Ang dami naman nito? Alin ba dito ang bibilhin ko? May pakpak ba o wala?” naguguluhan at natatawang sabi ni Fernan sa kaniyang sarili.
Kahit na isang matipunong lalaki si Fernan ay agad niyang nilapitan ang saleslady upang magtanong kung ano ba ang magandang bilhin.
Napangiti ang saleslady kay Fernan. Hindi kasi nito inaasahan na isang barakong lalaki ang magtatanong sa kaniyang tungkol sa tamang napkin na bibilhin.
Mayamaya ay biglang nakasalubong ni Fernan ang katrabaho niyang si Greg habang hawak-hawak niya ang bibilhin niyang napkin.
“Uy, Fernan! Lalaking-lalaki ka diyan sa hawak mo, ha,” pang-aasar ng katrabaho ng lalaki. “Ah, oo, pare. Para kasi sa anak ko,” walang pag-aalinlangang sagot ni Fernan.
“Sabi ko naman sa’yo, eh, maghanap ka na ng bagong aasawahin. Ayan tuloy pati gawaing pambabae ginagawa mo. Baka maging binabae ka, ha,” patuloy na pang-aasar nito habang naglalakad sila papunta sa bayaran.
Kahit na inaasar na si Fernan ay kalmado pa rin ito at nakangiti. “Mali ka, pare. Gawaing magulang ‘to. Maiintindihan mo rin kung ano ang sinasabi ko kapag nagkapamilya ka na,” nakangiti at mapagkumbabang sabi ni Fernan bago siya nagpaalam na uuwi na.
Lingid sa kaalaman ng iba ay sinubukan ni Fernan na magmahal muli. Sinubukan niyang makipagkilala sa ibang mga babae. Ngunit kahit matagal na panahon na mula nung pumanaw ang kaniyang asawa ay buhay na buhay pa rin sa kaniyang puso ang pagmamahal niya dito. Kahit anong pilit niyang magpapasok ng ibang babae sa kaniyang puso tanging ang asawa niya lamang ang kaya niyang mahalin nang walang hanggan.
Kaya mas pinili na lamang ni Fernan na maging ulirang ama sa kaniyang mga anak. Para sa kaniya ay sapat na ang pagmamahal na ibinibigay sa kaniya ng kaniyang mga anak at buong puso niya silang aalagaan at gagawin niya ang lahat para sa kanila.
Nang makauwi ay agad binigay ni Fernan ang biniling niyang napkin sa kaniyang anak. Siya pa nga ang nagturo kay Maymay kung paano ito gamitin. Binilinan niya rin ang kaniyang anak na maging mas maingat at maging mas responsable dahil dalaga na ito.
Tila nagmukhang super hero naman si Fernan sa kaniyang tatlong anak.
“Papa! Ikaw talaga si Superman!” nakangiting sabi ng bunsong anak ni Fernan na nagpapakarga pa sa kaniyang ama.
“Ngek! Bakit naman, anak? Tsaka baby damulag ka na nagpapakarga ka pa,” natatawang sabi ni Fernan.
“Kasi you always save the day!” sabay-sabay na sabi ng mga anak ni Fernan.
Halos sumabog ang puso ni Fernan sa saya at kilig. Para sa kaniya ay sapat na ang pagmamahal na natatanggap niya sa kaniyang mga anak. At kahit na mahirap alam niyang kakayanin niya ang bigat ng responsibilidad ng mag-isa. Hindi niya kailangang magmahal muli dahil nag-iisa lamang ang kaniyang tanging pag-ibig. Ito ay walang iba kung ‘di ang asawa niya na nasa langit.