Isang Libong Pisong Pamasahe sa Taxi
Napabalikwas si Aljon sa kaniyang pagkakahiga nang magising ito at makita na alas-siyete na pala ng umaga. Mahuhuli na ito sa trabaho, may mahalaga pa naman itong meeting saktong alas-otso ng umaga. Kaya dali-dali itong gumayak at nagbihis.
Sinubukan muna nitong magbook ng Grab o ng Angkas ngunit tila lahat ay mayroong sakay dahil rush hour at Lunes pa naman. Kaya mas pinili na lamang ni Aljon na sumakay ng taxi.
Pagkasakay ay agad niyang sinabi sa drayber ang lugar na kaniyang pupuntahan at nakiusap kung maaring bilisan nito dahil tatlumpung minuto na lamang at mahuhuli na ito sa trabaho.
At habang nasa biyahe, pinagpatuloy ni Aljon ang pag-aayos sa sarili. Sa loob na lamang siya ng taxi nagsuot ng medyas at nagsuklay, dito na rin niya ikinabit ang kaniyang necktie. Maya-maya nang makita na sampung minuto na lamang ang natitira ay ipinaalala niya sa driver na sana ay makaabot ito.
Walang pag-aatubili namang binilisan ng driver ang pagmamaneho. Nang mga sandaling ito ay kumukuha na ng pambayad si Aljon, ngunit bigla itong nagulat nang makita ang laman ng kaniyang wallet. Puro tig-iisang libo ang laman nito, at kahit anong barya ay wala nang mahanap si Aljon sa kaniyang bag!
Hindi na nito malaman ang gagawin. Hindi niya alam kung papahintuin niya ba ang taxi para magpabarya o ibabayad na lamang niya ng buo ang pera. Panigurado kasing walang itong barya, dahil maagang-maaga pa lamang.
Sinubukan niyang magtanong kay manong drayber, ngunit wala talaga itong barya dahil kakabiyahe niya lang daw. Sa puntong ‘yon, kailangan na niyang magdesisyon. Kung papahintuin niya ang taxi sa isang tindahan upang mabaryahan o hindi siya magpapabarya upang mahabol ang alas-otso at ibibigay na lamang ang isang libong buong pera bilang bayad.
Habang nag-iisip, biglang naalala ni Aljon na Father’s day nga pala kahapon. Kaya bigla niyang sinipat ang driver ay mukha naman siyang tatay dahil nasa kuwarenta na siguro ang edad nito.
Nang sandaling ‘yon, napagpasyahan na ni Aljon ang gagawin. Hindi na siya magpapabarya at buong puso na lamang niya itong ibabayad sa driver kahit walang sukli. Sadyang napakaimportante talaga ng meeting kaya dapat ay hindi siya ma-late ng dating. Tatanawin na lamang niyang regalo kay manong driver, ang magiging sukli sa kaniyang ibabayad na isang libo.
Limang minuto bago mag-alas otso ay nakarating na si Aljon sa kanilang opisina. Inabot na niya ang pera at nagulat naman ang driver sa ibinayad nito.
“Sir, wala po akong panukli. Wala po ba kayong maliit na pera? Dalawang-daan lang naman po,” wika ng driver habang sinisilip sa bintana ang nagnamadaling si Aljon.
“Wala po, kuya. Hayaan niyo na po. Regalo ko na lang po sa inyo yung sobra. Happy Father’s day na lang po!” nakangiting sagot ni Aljon at bigla nang kumaripas ng takbo upang makahabol sa meeting.
Gulat gulat ang driver at hindi makapaniwala. Balak niya sana iwan sa guard ng gusali ang sukli ng kaniyang pasahero, ngunit kahit anong ikot niya ay wala siyang mapagbaryahan na lugar. Kaya bago tanggapin ng buong puso ang pera, nagdasal at nanalangin muna ito sa Panginoon upang magpasalamat.
“Lord, kung akin na po talaga ‘to, maraming-maraming salamat po. Biyayaan niyo po sana ang lalaking tumulong sakin ng higit pa sa kaniyang naibahagi,” pagdadasal ng driver na labis-labis ang pasasalamat.
Lingid sa kaalaman ni Aljon, labis ang pangangailangan ng taxi driver. May sakit pala ang bunsong anak nito, kaya maaga itong bumiyahe upang makaipon ng pampacheck-up at pambili ng gamot ng anak. Kaya nang matanggap ang isang libong piso binayad ni Aljon, agad itong umuwi at dinala niya agad sa pagamutan ang kaniyang anak upang matingnan ang sanhi ng pagkasakut nito. Dahil dito ay labis ang pasasalamat sa biyayang natanggap niya, paulit-ulit niyang ipinagdarasal ang ikakabuti ng lalaking tumulong sa kaniya.
Habang si Aljon naman ay nakaabot sa meeting at matagumpay nitong nakuha ang malaking proyekto na kaniyang pinaghirapan. Kaya naging matimbang para kay Aljon ang mas makaabot sa trabaho sa oras, kaysa sa magiging sukli niya sa isang libong ibinayad sa taxi. Matagal niya kasing hinintay ang araw na ito, at ilang buwan niya ring pinagpuyatan ang trabahong ito upang makuha niya ang malaki proyekto na maaring makatulong sa kaniya upang mas makaipon para sa kaniyang pamilya.
Nang matapos ang araw na iyon, nasabi ni Aljon na sulit ang isang libo na ibinayad niya sa taxi dahil sa biyaya na natanggap niya ngayon. Kaya nagpasalamat siya sa Panginoon, at hiniling na sana ay nakatulong din sa taxi driver na nasakyan niya kanina.