“Pangako, mahal, kapag ako nakakuha na ng magandang trabaho doon, kukunin kita at doon tayo magsisimulang bumuo ng sarili nating pamilya,” ‘ika ni Sonny sa kaniyang nobya, isang araw habang nag-eempake sila ng mga gamit nitong dadalhin sa Amerika.
“Talaga? Baka naman hindi mo na ako makilala kapag nandoon ka na,” sambit ni Susan saka isinara ang isang maliit na maleta.
“Naku, mahal, malabong mangyari ‘yan. Tanging ikaw lamang ang magandang nangyari sa buhay ko. Pangalawa na ‘tong pangingibang bansa ko sa wakas. Makakaahon na sa hirap ang pamilya ko at siyempre, hindi ka na maghihirap kapag nagpakasal na tayo,” sagot ng kaniyang nobyo saka siya mahigpit na niyakap.
“Pinangako mo ‘yan sa akin, ha?” paniniguro niya saka bumitaw sa pagkakayakap at hinawakan ang kamay ng kaniyang minamahal.”Oo, naman! Kahit anong mangyari, hindi man kita makuha papunta doon, babalik ako dito para sa’yo!” masiglang sagot nito saka muli siyang niyakap.
Dalawang taon nang magkasintahan sina Susan at Sonny. Kitang-kita sa kanilang relasyon ang labis na pagmamahalan kahit pa magkaiba ang estado nila sa buhay. Mahirap lamang ang dalaga habang anak ng mga negosyante sa Amerika ang binata kaya naman ganoon na lang ang takot ng dalaga dahil sa isang iglap pwede silang paghiwalayin ng mga magulang nito.
Nag-iisa lamang dito sa ‘Pinas ang kaniyang nobyo. Ito kasi ang tinaguriang “black sheep” ng kanilang pamilya na wala nang ginawa kundi magpasakit ng ulo sa kaniyang mga magulang.
Ngunit nang makilala siya ng binata, tila umayos ang pananaw nito sa buhay at naging praktikal dahilan upang naisin nitong bumalik sa Amerika para doon magtrabaho. Buo ang tiwala niyang hindi siya kailanman bibiguin ng kaniyang minamahal kahit pa malaki ang tiyansang hindi na ito umuwi dahil sa hirap ng buhay nito dito sa Pinas.
Kinimkim ng dalaga ang pangangambang kaniyang nararamdaman hanggang sa tuluyan nang makaalis ang kaniyang nobyo. Noong unang buwan nito, palagi itong nagpapadala ng sulat sa kaniya, wala pa kasing internet noong mga panahong ‘yon at tanging sulat na ilang linggo bago dumating ang tanging nagiging tulay ng kanilang pagmamahalan. Ngunit isang buwan lang ang nakalipas simula noong umalis ito, tuluyan nang hindi nakatanggap ng mensahe ang dalaga na labis niyang ikinalungkot.
Lalo pang nalungkot ang dalaga nang malamang nagdadalantao siya. Ayaw niya kasing lumaki ang kaniyang anak ng walang kinikilalang ama. Ngunit wala na siyang nagawa kundi tiisin ang sakit na nararamdaman para sa kaniyang munting anghel. “Mahirap man, gagawin ko ang lahat para mapalaki ka. Magpapakatatag ako para sa’yo,” sambit niya habang himas-himas ang kaniyang tiyan.
Ginawa nga ni Susan ang lahat para maitaguyod ang anak. Pumasok siya bilang isang mananahi sa isang pabrika dahilan upang makaipon siya ng pera para sa kaniyang panganganak.
Ilang buwan lang ang nakalipas, tuluyan na niyang naisilang ang kaniyang munting anghel na pinangalanan niyang Reign, sumisimbolo sa kaniyang pag-ahon sa paghihirap.
At simula noong maisilang niya ang batang ‘yon, labis na biyaya ang dumating sa kaniya. Dumating mula sa Amerika ang isa niyang matalik na kaibigan na nagbigay sa kaniya ng pera upang makapagpatayo ng sariling panahian. Ito rin ang siyang nagsabi sa kaniya na may iba na ngang kinakasama ang kaniyang nobyo noon.
Labis man ang sakit nararamdaman, isinantabi niya ito para sa kaniyang anak na tanging siya na lamang ang pag-asa. Ginawa niya ang lahat upang magtagumpay ang kaniyang negosyo na hindi naman kalaunan, sumikat sa kanilang buong probinsya dahil sa ganda ng kaniyang mga damit.
Kahit pa puno ng sugat ang kaniyang puso, palagi niya pa ring kinukwento sa kaniyang anak ang saya’t kilig na naramdaman niya mula sa ama nito na para bang wala kahit katiting na galit siyang nararamdaman.
Labing pitong taon ang nakalipas habang abala sa pananahi ang ginang, biglang dumating ang kaniyang anak. Halatang galing ito sa iyak kaya agad niya itong nilapitan.
“Ma, nakita ko na siya,” sambit nito na labis na pinagtaka niya saka lumitaw mula sa pinto ang lalaking kaniyang minamahal.
“Ma-mahal,” ‘ika nito at doon na nagsimulang tumulo ang kaniyang luha.
Maraming tanong ang nais niyang mabigyan ng kasagutan ngunit nang magsalita na ito, parang bula nawala lahat ng mga tanong na ito.
“Nandito na ako, mahal. Magsimula tayo ulit,” saka siya nito niyakap nang mahigpit. Hindi niya mawari kung bakit walang katiting na galit ang namamayagpag sa kaniyang puso tanging pagmamahal at pagkaulila ang kaniyang nararamdaman.
Doon nalaman ni Susan ang buong kwento ng kaniyang minamahal. Pinilit pala itong magpakasal sa anak ng kasosyo ng kaniyang magulang sa negosyo, ayaw man niya, wala siyang magawa. Ngunit hindi talaga gusto ng binata dito dahilan upang makipaghiwalay siya nang pumanaw ang kaniyang mga magulang noong isang taon.
Hindi mawari ng ginang ang kaniyang mararamdaman. “Pasalamat na nga lang sa makabagong teknolohiya’t nagawa akong mahanap ng anak natin,” dagdag pa nito saka siya muling niyakap, gumanti naman siya ng yakap at labis na umiyak.
Napagdesisyunan nilang magsimula ulit. May edad man na sila, hindi nagpatalo ang kabilang pag-ibig sa tadhana.
Masaya silang namuhay magkasama at nagpakasal rin ‘di kalaunan.
Kapag talaga tunay ang pag-ibig, hamakin man ng tadhana, babalik at babalik ka sa tunay mong minamahal. Lumipas man ang maraming taon, ang mahalaga nasa tamang tao ka.