“Ayos ka lang ba?” tanong ni Jeneca ka sa kaniyang kaibigan nang makita itong lugmok sa kaniyang kinauupuan.
“Tingin mo?” iritableng sagot ni Angie saka napabuntong hininga.
“Nandito lang naman ako, Angie. Pwede ka magsabi sa akin, baka makatulong ako,” ‘ika nito saka siya tinapik-tapik sa likuran ngunit bigla niyang iniwas ang sarili dahil sa pagkainis.
“Baka makatulong ka? Bakit may pera ka ba para ipangsolusyon sa problema ko? Pera ang kailangan ko ngayon, hindi kaibigan! Huwag mo muna akong kulitin ngayon,” pagsusungit ng ginang saka pinaalis ang kaibigan. Napabuntong hininga na lang ito saka malungkot na umalis, bakas sa mukha nito ang pagtitimpi sa inasal ng kaibigan.
Matalik na magkaibigan sina Jeneca at Angie. Bata pa lamang sila nang maging magkaibigan at mapahanggang sa ngayong may sari-sarili na silang pamilya, hindi pa rin matinag ang kanilang samahan. Kahit pa may ugali itong si Angie.
Masaya naman ang kanilang pagkakaibigan. Sa katunayan nga, noong kasagsagan ng kanilang kabataan, tuwing sweldo nilang dalawa, madalas nagpupunta sila kung saan-saan. Doon nila mas lalong nakilala ang isa’t-isa. Ngunit nang magkaedad na sila, bunsod na rin siguro ng mabibigat na problema, tila lumabas na ang tunay na kulay ng ginang.
Madalas kapag may problema ito at lalapitan siya ng kaibigan, nasusumbatan niya ito o kung minsan, napapagsalitaan niya ng masasakit. May pagkamakulit kasi ito dahil nais niyang makatulong na labis namang kinaiinis ng ginang.
Nahaharap sa malaking problema ang ginang sa ngayon. Hindi niya mabayad-bayaran ang kaniyang utang sa kaniyang isang kumare na habang tumatagal at lumalaki dahil kapag hindi siya nakakahulog dito, natutubuan pa ito.
Hindi na niya alam ang gagawin dahil rin kasi sa problemang ito, nais nang makipaghiwalay ng kaniyang asawa. Alam niyang labis na maaapektuhan ang kaniyang mga anak kaya nais niyang magkaroon na ngayon ng sapat na pera upang mabayaran na ang kaniyang utang at mapabalik ang pagmamahal ng kaniyang asawa.
Ngunit tila lalong lumalala ang kaniyang problema, nalaman niya kasing ang panganay niyang anak ay nagdadalantao na. Labing anim na taong gulang pa lamang ito dahilan upang ganoon siya manghinayang sa buhay na nasayang nito.
Patong-patong na ang kaniyang problemang kinakaharap. Hindi na niya mawari kung saan at kailan magsisimulang bumangon. Gusto niya na lamang mawalang parang bula sa mundong ginagalawan niya.
Kinabukasan, agad siyang pumunta sa isang botika upang ibili ng gamot ang natitira niyang pera. Binabalak niyang tapusin na ngayon ang kaniyang buhay. Ito na lamang ang tanging paraang naiisip niya upang matapos na ang kaniyang paghihirap.
Ngunit pagkadaan niya sa bahay ng kaniyang kaibigan, agad siya nitong nilapitan. Noong una’y umiwas siya pero noong hinabol siya nito at inabutan siya ng pera, tila napatigil siya.
“Hindi man ‘yan ganoon kalaki, alam ko makakatulong ‘yan. Siguro nga hindi mo kailangan ng kaibigan ngayon, kaya ayan ang natitira kong pera, gamitin mo muna. Huwag kang mag-alinlangang kumatok sa bahay ko kapag kailangan mo na ako,” sambit ni Jeneca na labis na nagpaalwan ng kaniyang pakiramdam, akma na itong aalis ngunit bigla niya itong hinaltak at saka umiyak sa dibdib nito. Agad naman itong naalarma at ipinasok siya sa bahay nito.
Doon niya ikinumpisal lahat ng kaniyang problema sa kaibigan pati na rin ang kaniyang balak na magpakatiwakal. Hindi nito malaman an mararamdaman kaya niyakap na lamang siya nito at sabay silang umiyak.
“Angie, magpakatatag ka, hindi lang para sa pamilya mo kundi pati na rin sa sarili mo. Kailangan ka ng mga anak mo. Hindi solusyon ang pagtakas sa problema mo, maging matapang kang harapin lahat ng ‘to. Nandito lang ako, tutulungan kita,” mangiyakngiyak na sambit nito saka siya muling niyakap. Doon na napagtanto ng ginang na mali talaga ang kaniyang binabalak.
Napagtanto niya na ang lahat, ‘ika niya pa, “Napakaduwag ko pala kung gagawin ko ‘yon, lalaban na ako ngayon sa buhay.”
Ginawa nga ni Angie ang lahat upang makabangon sa tulong ng kaniyang kaibigan. Pinangpuhunan nila sa pagtitinda ng kakanin ang perang binigay ng kaibigan na labis namang tinangkilik ng masa.
Dahil dito, unti-unting nakaipon at nakabayad ang ginang sa kaniyang pinag-uutangan. Tatlong buwan lang ang nakalipas, wala na siyang utang sa kaniyang kumare, may ipon pa siyang pera para sa anak niyang nagdadalang tao.
Hindi man niya nagawang pigilan ang asawa sa nais nitong pakikipaghiwalay, nagawa niya namang solusyunan ang problemang labis na nagpabagsak sa kaniya.
Ilang buwan lang ang nakalipas, naisilang na ng kaniyang anak ang batang dinadala nito. Sa tulong rin ng pamilya ng asawa nito, nakaraos sila sa mga bayarin sa ospital.
Ganon na lamang ang sayang nararamdaman ng ginang, ‘ika niya, “Kung natuloy ko pala ang pagk*til sa buhay ko, hindi ko mararanasan ang sayang katulad nito sa tana ng buhay ko,” saka niya mahigpit na niyakap ang kaibigan, “Salamat sa’yo, kaibigan ko. Hindi mo ako pinabayaan.”
Nagpatuloy sa pagtitinda ang ginang hanggang sa makapagpatayo siya ng sariling tindahang naglalaman ng iba’t-ibang kakaning pampasalubong. Unti-unti mang nakaalwan sa buhay, hindi niya nakalimutan ang kaibigang labis na tumulong sa kaniya.
Sa buhay, kung susuko ka, talo ka. Subukan mong lumaban, siguradong mananalo ka. Hindi solusyon ang pagsuko, pagpupursigi at tapang ng loob ang tanging sagot.