Inday TrendingInday Trending
Pagmamaneho Habang Nagseselpon, Maigi Nga Ba?

Pagmamaneho Habang Nagseselpon, Maigi Nga Ba?

“Joey, huwag ka magseselpon habang nagmamaneho!” saway ni Aling Glen sa kaniyang anak nang makita itong nagtetext habang nagmamaneho. Ihahatid siya ngayon ng kaniyang anak sa isang kainan, may munting salo-salo sila ng kaniyang mga kumare.

“Huwag ka mag-alala, mama. Kayang-kaya ko magmaneho kahit nakapikit pa!” pilosopong sagot ni Joey sabay tawa nang malakas.

“Naku, kahit kailan talaga napakatigas ng ulo mo! Hindi mo ba napanood yung balita ngayon? Isang lalaki ang sumakabilang buhay dahil nagmamaneho siya habang kinakalikot niya yung selpon niya. Aba, napakadelikado ng ginagawa mo, Joey! Huwag mong gawing biro,” sermon pa ng kaniyang ina dahilan upang bitawan na niya ang kaniyang selpon, bahagya na rin kasi siyang naririndi.

“Opo, ayan na po, hindi na po nagseselpon,” sambit ng binata habang nakatingin sa daan.

“Sana gawin mo ‘yan kahit hindi mo ako angkas sa sasakyan,” pahabol pa ng kaniyang ina, patawa-tawa lang siyang tumungo bilang tanda nang pagsang-ayon.

Pangalawa sa tatlong magkakapatid si Joey. Dahil nga may pagka-playboy, kahit pa nasa tamang edad na siya, wala pa rin siyang nobya. Mabait naman ang binata, sa katunayan nga, siya na ang nagsusustento sa kaniyang pamilya. May sarili na kasing pamilya ang kanilang panganay.

Dahil nga wala pang pinagkakaabalahang nobya at puro panlalandi lang ang ginagawa ng binata, nagawa niyang makapundar ng sarili niyang sasakyan. Sakit sa ulo naman ang hatid nito sa kaniyang ina. Tuwing angkas niya kasi ito, palagi siya nitong nahuhuling gumagamit ng selpon na talaga namang delikado.

Kahit pa makailang beses na siyang pinagsasabihan ng ina, pasok sa kaliwa, labas sa kanang tenga ang ginagawa ng binata sa mga payo nito. Palagi niyang depensa, “Kaya ko magmaneho kahit nakapikit,” na talaga nga namang isang nakakapangambang rason.

Matagumpay na naihatid ng binata ang kaniyang ina sa naturang kainan. Mayamaya pa, nagsidatingan na rin ang mga kumare nito dahilan upang magpaalam na siyang umalis.

“Ma, uuwi muna ako, ha? Sunduin na lang kita, text mo na lang ako. Inaantok ako, eh,” paalam niya sa ina.

“O, sige. Basta mag-iingat sa pagmamaneho, ha? Huwag na huwag kang magseselpon habang nagmamaneho!” muling paalala ng kaniyang ina, bakas sa mukha nito ang labis na pag-aalala.

“Opo, mama,” matipid na sagot nito sabay kindat saka tuluyang umalis ng naturang kainan. Napabuntong hininga na lamang ang kaniyang ina.

Mabilis na nagmaneho ang binata, huli na kasi siya sa usapan nila ng isa niyang nilalanding babae.

“Yari ako nito, late na ako! Baka hindi na naman ako maka-score do’n, sayang, ang ganda pa naman no’n!” sambit niya sa sarili, maya-maya pa tumawag na ito dahilan upang mapailing-iling ang binata.

Agad niyang kinuha ang selpon na nasa bulsa niya. Ngunit bigla itong dumulas sa kaniyang kamay at nahulog sa apakan ng break at gas. Unti-unti niya itong inaabot habang nagmamaneho, nang makitang walang sasakyan na paparating, mabilis niyang dinampot ang selpon. Ngunit nang makuha na niya ito, nagulat na lamang siyang sasalpukin na siya ng isang truck mula sa isang daanan sa kaniyang kanan, tila nakalimutan niyang may lagusan nga pala roon.

Dali-dali niyang iniwas ang kaniyang sasakyan ngunit huli na ang lahat, sa bilis ng kaniyang pagmamaneho at sa bilis ng nasabing truck, tumaob ang kaniyang sasakyan. Ramdam na ramdam niya ang sakit ng kaniyang katawan at ulo.

Nagising na lamang siyang nasa ospital na. Humagulgol ang kaniyang ina sa kaniyang tabi habang pinapakalma ng kaniyang bunsong kapatid. Nang makita siyang may malay na, agad siya nitong niyakap at paulit-ulit na sinasabing, “Salamat sa Diyos, salamat sa Diyos!” habang patuloy na umaagos ang luha.

Awang-awa ang binata sa kaniyang ina, sa itsura nito parang hindi pa natutulog o kumakain man lang. Nais man niyang yakapin ang ginang, hindi niya ito magawa dahil baldado siya. Tanging pagluha na lamang ang kaniyang nagawa bilang tanda ng kaniyang pagkalungkot sa lahat ng nangyari.

Isang buwan ang nakalipas, tuluyan nang nakalabas ng ospital ang binata. Ngunit hindi pa rin siya ganoon makagalaw ng maayos. Sa loob ng isang buwang paghihirap, labis siyang natuto. Tuwing umaga, kitang-kita niyang pilit na minumulat ng kaniyang ina ang mga mata nito para lamang samahan siyang umihi o dumumi, naisip niya, kung nakinig lamang siguro siya sa kaniyang ina, siguro hindi sila maghihirap ng ganito ngayon. Kaya naman, nangako siya sa sarili na kapag tuluyan na siyang gumaling, hindi na niya muling hahayaang magkaganito ang kaniyang ina dahil lamang sa pagseselpon niya habang nagmamaneho.

Halos apat na buwan rin bago tuluyang gumaling at makapagmaneho ulit ang binata. Masayang-masaya ang kaniyang ina dahil sa wakas, natapos na ang kanilang pagdurusa.

Papunta sila ngayon sa simbahan, araw kasi ng Linggo. Natuwa naman ang ginang dahil sa buong pagmamaneho ng binata, hindi nito kinuha ang selpon niya kahit pa may tumatawag na rito. Dahilan niya, “Mas mahal ko ang buhay ko at buhay mo kaysa sa buhay ng taong tumatawag,” sabay kindat, napatawa naman siya dahil dito at nakarating sila ng ligtas sa simbahan.

Hindi man nakuha ng binata ang dalagang gusto niya noong mga pagkakataong ‘yon, natuto naman siya sa kaniyang buhay. Mas pinangalagaan niya ang sarili at ang kaniyang ina.

Kadalasan, dahil sa tigas ng ulo natin, tayo’y nalalagay sa alanganin. Ngunit huwag tayong panghinaan ng loob dahil may mga taong pinadala ang Diyos para tulungan tayong umangat muli. Mabaldado man tayo, may aagapay sa atin.

Advertisement