Laging naniniwala sa mga senyales o signos ang dalagang si Lorraine lalo na pagdating sa pagpili ng magiging kasintahan. Sa madalas na pagkakataon, lahat ng kaniyang mga nakarelasyon ay dahil sa mga nakita niyang senyales mula rito na kaniyang ipinanalangin.
Pero hindi lahat ay nagtagal sa kaniya. Katulad na lamang ni Gary, ang una niyang boyfriend. Sabi niya, kung sinumang lalaking manligaw sa kaniya na may bulaklak na tattoo sa dibdib, ito ang nakatadhana sa kaniya. Nagkataon namang nakilala niya si Gary at niligawan siya nito. Nang makita niyang may bulaklak na tattoo ito sa kaliwang dibdib, agad niya itong sinagot. Huli na nang malaman niyang may asawa na’t mga anak na pala ito.
Pangalawa naman si Chris, isang seminarista, na nakilala ni Lorraine sa isang kapistahan. Sabi niya, sinumang lalaking mag-aabot ng nalaglag niyang panyo sa lapag ang nakatadhana para sa kaniya. Sinadya niyang bitiwan ang kaniyang panyo sa kalsada upang subukin kung may lalaking magtatangkang pumulot nito para sa kaniya. At hindi nga siya nagkamali—si Chris nga ang pumulot nito. Siya na mismo ang kumuha ng numero nito at nagpakita siya ng interes upang makilala ito. Subalit laking panlulumo niya nang ipagtapat nitong seminarista ito at hindi kayang talikuran ang pagpapari para lamang sa kaniya.
Ngayon, umiisip na naman ng mga senyales para sa kaniyang magiging kasintahan si Lorraine. Sinabi niya ito sa kaniyang matalik na kaibigang si Nomer. Matagal na silang magkaibigan nito. Hayskul pa lamang ay sanggang-dikit na sila. Lahat ng kaniyang problema ay sinasabi niya kay Nomer. Ganoon din naman si Nomer sa kaniya.
“Ano na naman ang hinahanap mong katangian ng magugustuhan mong lalaki ngayon?” tanong ni Nomer kay Lorraine habang sila ay kumakain sa isang fast food chain nang sila ay magkita.
“Gusto ko, gwapo, matangkad, at mahilig sa itim na damit o bagay. Napanaginipan ko kagabi… siya raw ang makakatuluyan ko,” pakli ni Lorraine sa kaniyang kaibigan.
“Sige ganito… tingnan mo ang pintuan. Sa panlimang lalaking papasok dito sa fast food at kapag siya ay nakaitim, tiyak na siya ang hinahanap mong nakatadhana sa iyo. Game?” sabi ni Nomer.
Natawa si Lorraine. Iyan ang gusto niya sa kaniyang kaibigan. Sinasakyan nito ang kaniyang mga kalokohan. Dahil sa tingin ni Lorraine ay imposible at madalang pa sa patak ng ulan ang sinasabi ni Nomer, siya ay sumang-ayon dito.
Nasa pintuan ang kanilang mga mata. Inaabangan at binibilang ang mga lalaking pumapasok. Sa ikaapat na lalaki, ito ay nakasuot ng pulang damit.
“O kita mo, parang wala naman. Wala talaga akong forever,” natatawang sabi ni Lorraine kay Nomer.
Subalit nagulat sila dahil ang panlimang lalaking pumasok ay nakasuot ng itim na polo shirt; gwapo at matangkad, katulad ng naisip kanina ni Lorraine. Natameme si Lorraine.
“Mukhang nagkatotoo ang senyales natin,” nasambit ni Lorraine.
“Anong gagawin mo ngayon?” tanong ni Nomer sa kaibigan.
“Kailangang makilala ko siya,” buo ang loob ni Lorraine. Tumayo siya at lumapit sa kinaroroonan nitong mesa. Nagpanggap siyang isang researcher at kunwari ay kakapanayamin lamang niya ito. Matapos ang ilang minuto, nakangiting bumalik si Lorraine kay Nomer.
“Joseph ang pangalan niya. I have a date this Saturday!” kinikilig na sabi ni Lorraine kay Nomer. Tila napipilitan namang ngumiti si Nomer.
Kung pakatititigan lamang ni Lorraine ang mga mata ni Nomer, mababakas niya rito ang lungkot. Hindi napansin ng kaniyang kaibigan na siya ay nakaitim at mahilig sa itim. Nasa harapan lamang siya nito subalit kahit kailanman ay hindi siya napansin. Simula hayskul pa lamang ay may lihim na pagtingin na si Nomer kay Lorraine. Hindi niya maipagtapat ito dahil takot siya. Takot siyang mahusgahan. Takot siyang layuan ng matalik na kaibigang lihim niyang minamahal.
Sa araw ng Sabado, masayang idinidetalye sa kaniya ni Lorraine ang pakikipag-date nito kay Joseph sa pamamagitan ng FB messenger. Kahit nadudurog ang kaniyang puso sa selos, hindi pa rin niya ito pinahalata sa kaibigan. Hanggang sa hindi na magreply ito. Baka busy na, sa isip ni Nomer.
Papatulog na sana si Nomer nang magising siya sa pag-ring ng kaniyang telepono. Tumawag si Lorraine. Umiiyak ito sa kabilang linya.
“Nomer… hindi pala kami talo. Lalaki rin ang hanap niya,” sumbong ni Lorraine.
Natawa si Nomer. Tinignan niya ang kaniyang relos. Malapit nang mag-alas dose ng madaling-araw.
“Nasaan ka? Susunduin kita…”
Kahit malayo ang kinaroroonan ni Lorraine ay pinuntahan ito ni Nomer at sinundo ang kaniyang kaibigan.
“Buti na lang at may kaibigan akong katulad mo. Napakaswerte ko…” sabi ni Lorraine kay Nomer.
“Pasalamat ka’t mahal kita… bilang kaibigan,” sabi naman ni Nomer. Nakaramdam siya ng kasiyahan dahil nasabi niyang mahal niya si Lorraine, subalit naroon pa rin ang kaniyang pangambang lumayo ito sa kaniya kapag nalaman nito ang kaniyang tunay na nararamdaman.
Iwinaksi ni Lorraine ang pagbatay sa mga senyales sa paghahanap ng kaniyang makakarelasyon. Saka niya nakita ang presensya ni Nomer. Ang taong laging nariyan para sa kaniya. Ang taong handang gawin ang lahat upang mapasaya lamang siya. Naramdaman ni Lorraine na may espesyal na pagtingin siya sa kaibigan. Inamin niya ito kay Nomer. At nagulat siya sa inamin ni Nomer sa kaniya. Matagal na pala siya nitong iniibig.
Naging magkasintahan sina Lorraine at Nomer. Tumagal ng dalawang taon ang kanilang relasyon hanggang sa mapagpasyahan nilang lumagay sa tahimik. Biniyayaan sila ng dalawang anak.