Inday TrendingInday Trending
Bulag na Saksi

Bulag na Saksi

“Bakit naman dito mo pa gustong dalhin ang kapatid mong bulag?”

Napaangat ang ulo ni Waldo sa nakapamaywang na asawang si Greta habang siya ay abala sa pagbabasa ng mga dokumentong iniuwi niya mula sa opisina.

“Kawawa naman ang kapatid kong iyon kung walang mag-aalaga. Ngayon lang kami ulit nagkatagpo matapos ang maraming taon, simula nang malaman kong may kapatid pala ako sa ama.”

“At sino naman ang mag-aasikaso roon? Ako? Gagawin mo pa akong tagapangalaga ng PWD. Hindi ko pinangarap iyon. Kaya nga…”

“Kaya ayaw mong magka-baby tayo ganoon ba? Dahil ayaw mong masira ang figure at image mo?” sansala ni Waldo sa asawa.

Natahimik si Greta. Tatlong taon na silang kasal subalit hindi pa rin sila binibiyayaan ng anak. Hindi dahil sa may diperensya silang dalawa kundi ayaw pang magkaanak ni Greta. Isa itong home-based fashion writer sa isang online magazine kaya madalas ay nasa bahay lamang ito nagtatrabaho. Siya naman ay isang area manager sa isang malaking kompanya na lumilikha ng mga school supplies.

“Hindi alagain si Chino kaya huwag kang mag-alala. Matagal na siyang bulag kaya nakapag-adapt na ang kaniyang katawan kahit wala siyang nakikita.”

“Bahala ka. Basta’t hindi ko aalagaan iyan ah. Kapag nakaperwisyo iyan dito, huwag mo akong sisisihin,” sabi ni Greta sabay talikod at alis sa kaniyang opisina sa bahay.

Makalipas ang tatlong araw, dinala na nga ni Waldo ang kaniyang kapatid sa ama na si Chino sa kanilang bahay. Hindi pa ito nakikilala ni Greta dahil bago pa lamang silang nagkakilala ni Waldo.

“Nice meeting you Chino,” sarkastikong sabi ni Greta sa kapatid ng kaniyang asawa.

“Welcome sa munti naming bahay. Ingat ka lang ha? Maraming mga babasaging muwebles dito. Baka makabasag ka. I mean, baka madisgrasya ka.”

Tinitigan nang makahulugan ni Waldo ang kaniyang asawa. Parang sinasabi nitong tigilan na niya ang mga pasaring at itrato nang maayos ang kaniyang kapatid.

Sa mga sumunod na araw ay tahimik lamang si Chino na nakaupo lamang sa isang tabi. Madalas, siya ay nasa sala lamang. O kaya naman sa hardin. Hindi siya inaalok na kumain ni Greta. Kinakapa lamang niya sa pamamagitan ng tungkod ang daan tungo sa kusina, palikuran, kwarto, at iba pang sulok ng bahay. Nakakatuwa dahil hindi man lamang siya natitisod o natutumba. Wala pa rin siyang nababasag na kahit anong kasangkapan sa loob ng bahay.

Isang araw, pinapunta ni Greta sa bahay ang isang lalaking gwapo at matangkad. Ito ay kaniyang kalaguyo.

“Sino yang lalaking iyan?” bulong ng lalaki kay Greta.

“Ah huwag mong intindihin iyan. Kapatid ni Waldo. Bulag naman iyan. Kahit maglampungan tayo sa harap niyan, hindi tayo makikita,” natatawang sabi ni Greta.

Naupo sila sa sala ng kaniyang kalaguyo at naghalikan. Si Chino naman ay nakaupo sa isang sulok at nakatanaw sa malayo.

Halos araw-araw nagpupunta sa bahay nina Waldo at Greta ang kalaguyo nito. Sila ay naglalampungan lamang sa sala at hindi na nag-aabalang magtungo pa sa kwarto dahil katwiran nila, hindi naman ito nakikita ni Chino dahil nga bulag ito. Pabulong din sila kung mag-usap.

“Baka magsumbong ang lalaking iyan ah. Matalas daw ang pakiramdam ng mga bulag,” minsan ay nasabi ng lalaki kay Greta.

“Hindi iyan. Wala naman siyang ebidensya dahil bulag siya.”

“Kailan ba tayo magsasama Greta? Kailan mo ba hihiwalayan si Waldo?”

“Malapit na. Sisiguruhin ko muna na maayos ang lahat,” pangako ni Greta sa kalaguyo.

Hanggang isang araw, habang nasa sala sina Greta at ang kalaguyo niya, nagulat sila dahil biglang dumating si Waldo. May hawak itong baril at itinutok sa kanilang dalawa.

“Magpapaliwanag ako, Waldo. Magkaibigan lang kami ni Mico,” natatarantang depensa ni Greta.

“Huwag na kayong magsinungaling. Sa akala ninyo ba’y hindi ko alam ang nangyayari sa inyo? Hindi ako tanga Greta,” matigas na sabi ni Waldo.

“Wala kang ebidensya sa mga paratang mo. Masyado ka lang malisyoso,” nakangising sabi ni Greta.

“Iyan ang akala mo,” nakangising sabi ni Waldo. Sinulyapan nito si Chino at nagulat si Greta at ang kalaguyo nito dahil tumingin din ito kay Waldo, na parang nakikita siya.

Tumayo si Waldo at humarap kay Greta.

“Nakita ko ang lahat. Nakuhanan ko pa ng video,” nakangising sabi ni Chino.

“Anong…”

“Una pa lang, alam kong iniiputan mo ako sa ulo. Marami sa mga kapitbahay natin ang nakakakita sa lalaking iyan na madalas nagpupunta rito, halos araw-araw. Kaya upang makasiguro, kinuntiyaba ko si Chino na magpanggap na bulag para mapatunayan niya ang mga hinala,” paliwanag ni Waldo.

Kaya dinaluhong nina Waldo at Chino ang kalaguyo ni Greta. Bugbog-sarado ito. Pinalayas naman ni Waldo si Greta. Sinabihan niya itong magpakalayo-layo sa kaniya, kundi ay kakasuhan niya ito. Namuhay mag-isa si Waldo at bumalik naman si Chino sa kanila.

Advertisement