Sa Pagsungkit ng mga Bituin
“Hoy Mara, may pasok ka, kanta ka nang kanta riyan!” pagalit na paalala ni Aling Salome sa kaniyang anak na si Mara, 18 taong gulang, at malapit nang magtapos ng Senior High School sa taong iyon.
“Nay naman eh…” padaskol na sabi ni Mara habang sinisipat ang kaniyang sarili sa malaking salamin na nakasabit sa dingding ng kaniyang maliit na kwarto.
“Nay naman eh… puro ka kanta eh. Dalian mo na at baka mahuli ka sa eskwela,” panggagagad ni Aling Salome sa kaniyang anak.
“Sabi ko naman po sa inyo hihinto na lang po ako ng pag-aaral. Mag-aartista na lang po ako. Maganda naman po ang boses ko. Mas yayaman po tayo. Maipapagawa natin ang bulok nating bahay. Makabibili po ng mga sasakyan. Makakapagtravel tayo abroad. Oh ‘di ba bongga po?” nakangiting sabi ni Mara sa kaniyang ina.
“Tumigil ka nga diyan. Sige na, pasok na,” naiiling na sabi ni Aling Salome. “Magtapos ka ng pag-aaral mo, maghanap ng magandang trabaho, tapos kapag nakaipon ka magnegosyo ka at mag-impok para magawa mo’ng lahat ng gusto mo.”
Likas na maganda at matalento si Mara. Bata pa lamang siya ay kinatutuwaan na siya ng mga tao. Bibo at malapit sa mga tao. Mahusay kumanta at sumayaw. Artistahin, sabi nga ng marami.
Maraming beses na rin siyang sumali sa mga patimpalak sa telebisyon upang isakatuparan ang kaniyang ambisyon na maging artista. Gusto niyang makita ang sarili sa telebisyon at pelikula. Gusto niyang makita ang imahe sa mga print ads, magasin at pahayagan. Gusto niyang maranasan ang tilian at pagkaguluhan kahit saan man siya magtungo. Gusto niyang maging sikat at hinahangaan ng lahat.
Subalit sa dinami-rami ng mga sinalihan niya, hindi niya alam kung bakit hindi siya nakakapasa. Sinubukan niyang lumahok sa “Bahay ni Kuya” pero tatawagan na lamang daw siya. Hindi siya masyadong mahusay sa aktingan pero madali naman daw siyang turuan.
Paulit-ulit na sinasabi at pinapaalala ni Aling Salome na tapusin niya ang kaniyang pag-aaral saka na ang pag-aartista. Iba pa rin daw kapag may tinapos. Iba pa rin kapag may diploma. Walang maaaring makapanakit sa iyo. Walang maaaring manloko.
Isang araw, habang nasa mall si Mara, isang babaeng talent scout ang lumapit sa kaniya.
“Miss, baka gusto mong mag-artista,” bati sa kaniya ng babaeng talent scout.
“Opo! Gusto ko! Paano po?” sabik na tanong ni Mara.
Iniabot ng babaeng talent scout ang kaniyang tarheta kay Mara.
“Puntahan mo ako sa opisina ko sa linggo. Ipapakilala kita sa aking talent manager. Huwag ka na magsama ha. Ikaw lang.”
Agad na kinuha ni Mara ang tarheta. Hindi niya sinabi sa kaniyang ina ang tungkol dito dahil tiyak na tututol ito.
Ginamit niya ang kaniyang naipong pera mula sa kaniyang baon upang bumili ng bagong bestida na susuotin niya sa Linggo. Gusto niyang maging kaakit-akit sa paningin ng talent manager upang kunin siya nito bilang artista. Namili na rin siya ng kantang maaari niyang ipakitang halimbawa kung sakaling pakantahin siya. Nag-ensayo na rin siyang umimbay kung sakali namang pasayawin siya. Sa aktingan naman, naisip niyang magdramatikong monologo na lamang.
Araw ng Linggo. Maagang gumising si Mara. Nagtaka si Aling Salome dahil hindi naman maagang gumigising ang anak tuwing Linggo.
“Saan ang lakad mo?” untag sa kaniya ng ina.
“Naimbitahan akong magninang sa binyag,” pagsisinungaling ni Mara.
Matapos ang halos isang oras na paglalakbay ay nakarating na rin si Mara sa isang opisina. Naroon ang talent scout na nakilala niya.
“Mabuti’t nakarating ka,” bati sa kaniya ng talent scout. “Ang ganda mo ah. Pasok ka na sa opisina ni boss,” utos nito.
Kinakabahan at nasasabik si Mara. Pumasok siya sa malamig na opisina ng talent manager. Isang lalaking nakakalbo ang talent manager, mga nasa apatnapung taong gulang. Mukha itong siga ngunit sa tingin niya ay binabae ito kaya nakampante na rin siya. Nagpakilala si Mara at nagbanggit ng mga detalye sa kaniyang sarili.
Pinakanta at pinagsayaw siya ng talent manager at tumalima naman si Mara. Pagkaraan, pinalapit siya nito at pinaupo sa kaniyang tabi.
“Gusto mo bang sumikat? Gagawin mo ba ang lahat ng sasabihin ko?” tanong ng talent manager kay Mara.
“Opo, kahit ano po…” sabi ni Mara, subalit tila nauumid ang kaniyang dila dahil kakaiba ang tingin sa kaniya ng talent manager. Hinawakan nito ang kaniyang mga kamay, subalit pumiglas si Mara.
“Akala ko ba gagawin mo ang mga gusto ko?” tanong ng tila dismayadong talent manager.
“Hindi ko po magagawa ang gusto ninyo pasensya na po…” sabi ni Mara sabay alis. Walang nagawa ang talent manager at ang talent scout.
Pagdating sa bahay ay nag-iiiyak si Mara kay Aling Salome. Isinalaysay niya ang mga nangyari. Nagsampa sila ng kaso laban sa dalawa. Nagulat sila dahil marami pa lang nagrereklamo laban sa naturang manyakis na talent manager. Peke pala ang dalawang iyon kaya sila ay nakulong.
“Nay, pagbubutihin ko po ang pag-aaral ko, pangako po magtatapos ako,” pangako ni Mara sa kaniyang ina.
Pinagbutihan ni Mara ang kaniyang pag-aaral sa kolehiyo. Nakapagtapos siya ng cum laude sa kursong Theater Arts. Iyon ang naging sangkalan niya upang maipamalas ang kaniyang mga talento. Nagawa niya ang kaniyang ambisyon at ang ambisyon ng kaniyang ina para sa kaniya.