Inday TrendingInday Trending
Magkano Ba Talaga ang Kailangan Mo?

Magkano Ba Talaga ang Kailangan Mo?

Isa sa pinakaswerteng babae kung ituring si Michelle. Bukod kasi sa may mataas siyang pinag-aralan ay jackpot din ito sa kaniyang napangasawa.

“Mommy, gusto ko sa bahay ka lang. Lalo na’t buntis ka, ako na ang bahala sa lahat ng kailangan natin. Basta ang hiling ko lang ay maging maayos kayo ni baby,” saad ni Gabriel, ang asawa ng babae. May sarili itong kumpanya na hardware shop, negosyo nilang pamilya at direktor naman ang isa pang propesyon ng lalaki.

Ayaw man bitiwan ni Michelle ang kaniyang posisyon bilang manager sa isang kompanya ay mas pinili niya ang maging isang ina at asawa. Tatlumpu’t limang taong gulang na rin siya at gusto naman niya ngayong bigyan ng oras ang bagong yugto ng kanyang buhay.

Kaya naman buong puso niyang pinalaki ang kanilang anak, hanggang sa nasundan ang mga ito at nagkaroon nga sila ng tatlong supling. Itinaguyod ito ni Michelle na mag-isa kahit nga kaya naman nilang magbayad ng kasambahay. Masayang-masaya kasi siya sa pagiging isang ina.

Ngunit lumipas ang ilang mga taon, ngayon ay nagsisipag-aral na ang mga bata at naisipan niyang gumawa ng disenyo ng mga damit. Bukod kasi sa tinapos niyang kurso marketing ay nasa puso niya ang paggawa ng mga damit. Mula sa pagguhit hanggang sa pagtahi ay kaya niyang maglabas ng mga disenyong papatok sa maraming tao.

“Sigurado ka bang kaya mong i-handle ang lahat ng mga ito, mommy?” tanong sa kaniyang ng asawa.

“Elementary pa lang ang mga bata at nasa kinder pa lang si bunso. Hindi naman kaya mawalan ka ng oras sa mga bata at matutok ka riyan?” dagdag pa nito nang puntahan siya ng lalaki sa kanilang study area.

“Kaunti lang naman ang ginagawa ko, daddy. Kumbaga ay pampalipas oras lang,” sagot naman ni Michelle sa asawa.

“Hating gabi na, dapat tulog ka na ngayon. O kaya naman dapat magkatabi na tayo, kulang ba ang pera na binibigay ko? May gusto ka bang bilhin kaya mo ginagawa ‘yan?” malungkot na tanong ni Gabriel sa kaniya.

Naramdaman naman ni Michelle ang lungkot sa boses ng asawa at mabilis siyang tumayo. “Sige, hindi ko na gagawin ito kapag nandito ka. Para naman hindi mo maramdaman na pinagpapalit ko ang asawa ko para lang sa kaunting kita. Kayo pa rin ng mga bata ang trabahong hindi ko kakapaguran at aayawan. Tara na,” suyo niya sa mister at niyakap ito.

Pilit man niyang itago ay mabigat sa loob ni Michelle ang kaniyang pagtayo. Sayang daw kasi ang takbo ng kaniyang isip, marami sana siyang magagawang disenyo ng mga oras na iyon lalo na’t gumagana ng matindi ang imahinasyon niya.

“Mare! My god! Pwede mo ‘to i-online shopping, sobrang ganda ng mga gawa mo!” bati ni Amelia, kapitbahay ng babae.

“Talaga ba? Sa tingin mo, maraming bibili ng mga gawa ko?” nag-aalangang tanong ni Michelle rito.

“Ano ka ba, kahit nga ihelera mo ito sa mga branded na gawa ay aangat! May talent ka pala, damihan mo pa. Tutal wala ka naman na masyadong binabantayan ngayon kasi nag-aaral na lahat ng mga anak mo. Kaya kung ako sa’yo, i-push ko talaga ‘yan!” sagot ni Amelia.

Kahit na walang kasamabahay sina Michelle ay may kinukuha namang tiga-laba at tiga-linis ang asawa kaya wala rin talaga siyang nagagawa ngayon bukod sa pag-aasikaso sa mga anak nila na bihasang-bihasa na siya.

Mas lalo pa siyang natuwa nang makita at marinig na maraming nagagandahan sa mga gawa niya. Kaya pinilit niyang maisingit ito sa tuwing wala ang mga bata o ‘di kaya naman wala ang kaniyang asawa o kapag tulog ito.

Hanggang sa nagkasakit na siya dahil sa kaniyang ginagawa.

“Magkano ba kasing kailangan mo at bakit palihim ka pang nagtratrabaho sa gabi. Ano ba talagang gusto mo? Kami ng mga anak mo o ‘yang walang kwentang design mo?” baling ni Gabriel sa kaniya.

Pinilit man niyang pigilan ngunit mabilis na bumagsak ang mga luha niya sa narinig sa kaniyang asawa. “Hindi naman pera ang habol ko, hindi ko kailangan ng pera. Kasi marami ka na nun at kaya kong kumita nun kung gugustuhin ko. Hindi mo ba nakikita? Masaya ako sa ginagawa ko, pakiramdam ko may humahanga sa’kin, may nagagalingan sa’kin at sa sarili ko mismo ang saya -saya ko,” saad ni Michelle.

“So hindi ka masaya sa pagiging nanay at asawa ko?” galit na tanong ng lalaki.

“Kahit kailan, hindi ko naramdaman iyan. Dahil alam mo, alam nating pareho na buong buhay ko ang inalay ko para sa inyo. Pero sana maintindihan mo na tao pa rin ako, hindi ako robot na walang pakiramdam. Bukod sa pagiging nanay at asawa na nagagampanan ko naman ay si Michelle pa rin ako, may katauhan pa rin akong sarili na pilit kong pinagyayabong. Hindi ako nagrereklamo, pero sana ‘wag mong maliitin ang ginagawa ko. Dahil gawa ko ‘yun galing sa puso at talento ko na matagal kong hindi pinakinggan dahil inuna ko kayo,” at bumaha na ng luha ang kwarto ng mag-asawa.

Saglit na natahimik si Gabriel at tila nahimasmasan sa kanyang sinabi sa asawa.

“Sorry, mali ako, mommy. Hindi ko nakita ‘yung kasiyahan mo at mas nabulag ng pera. Nakalimutan ko nang hindi naman pala ‘yun ang tunay na nagpapasaya sa pamilya natin. Kung ‘di ‘yung ikaw na masaya bilang nanay at asawa ko. Patawarin mo ako,” pakiusap pa ni Gabriel at niyakap niya ang asawa.

Mabilis naman na nagkapatawaran ang dalawa at mas naitindihan ngayon ng lalaki na hindi naman pera lamang ang nagpapaligaya sa kanyang misis. Kung ‘di ang kasiyahan nito mismo na sarili niya at bilang asawa, isang nag-aalab na suporta ang tanging maibibigay niya.

Dahil sa huli, wala namang mali sa pagiging talentadong may bahay. Dahil ang taong masaya sa kaniyang sarili ay mabilis lamang naipapamahagi ang kasiyahan at pag-ibig sa ibang tao.

Advertisement