“Ma, umuwi ka na rito sa ‘Pinas! Diyos ko naman, 54 anyos ka na. Dapat sa’yo ay napapahinga na lang at nag-eenjoy sa buhay,” saad ni Jenna, pangalawang anak ni Aling Helen.
“Alam niyo naman na kailangan ko pang mag-ipon at hindi pa nag-aasawa ang kuya niyo,” malungkot na sagot ng ale.
“Si kuya na naman? Ay talagang mamumuti ang buhok niyo kung si kuya ho ang palagi niyong iisipin. Walang plano ‘yun sa buhay niya,” baling muli ng kaniyang anak.
“Hayaan niyo na, kapag nag-asawa na ‘yun ay makakampante na ako. Huwag kayong mag-alala, kaya ko pa naman,” sagot muli ng kaniyang ina.
“Kailan pa namin kayo makakasama? Kapag mahina na kayo at hindi na makakahabol pa sa mga apo niyo? Umuwi na po kayo at kaya ko naman na kayong sustentuhan. Malaki naman ang sahod ko, nakapagtapos na rin si bunso kaya wala na kayong dapat alalahanin,” pagpupumilit pang muli ng kaniyang anak.
“Ayaw kong maging pabigat sa kahit sino man sa inyong mga anak ko, kaya ‘wag ka na mag-alala, anak. Kaya pa ni mama,” sagot ni Aling Helen saka ibinaba ang telepono.
Tatlo ang anak ni Helen at parehas nilang itinaguyod ito ng kaniyang mister sa pamamagitan ng pag-aabroad. Napagtapos nila bilang doktor ang pangalawang anak at inhinyero naman ang kaniyang bunso. Ngunit bago pa man natapos ang pag-aaral ng mga ito ay maagang na biyuda ang ale. Inatake sa puso ang kaniyang kabiyak na siyang naging sanhi ng mas lalo pa nilang paghihirap. Kaya kahit walang naipon ay ayos lang sa kaniya basta’t napagtapos naman niya ang dalawa.
Sumuko na kasi ang panganay niyang si Robin, kahit anong pilit ay hindi na talaga nila ito mapapasok sa eskwelahan at mas ginusto na lang ang tumira sa bukid na malayo sa kaniyang mga kapatid, kasama ng mga taong hindi naman nila kamag-anak. Ito ngayon ang lubos na inaalala ni Helen dahil hindi kasundo ng dalawang anak nya ang panganay na lalaki. Nagpatong-patong na kasi ang sama ng loob ng mga ito hanggang sa tuluyan na nilang itinakwil ang kapatid.
“Ma, inaway na naman ako ni Helen. Sabi niya pahintuin na raw kita sa pagtratrabaho. Ako na lang pala ang inaalala mo,” malungkot na saad ni Robin sa kaniyang ina habang kausap ito sa telepono.
“Hindi naman sa ganun, anak. Nag-aalala lang din ‘yung mga kapatid mo, alam mo naman ‘yun,” sagot ng ale.
“Pero, ‘ma, sige na. Uwi ka na, kaya na natin,” pakiusap ni Robin sa kaniyang nanay.
“Pero, anak, wala pa akong ipon at naubos sa pagpapadala ko sa inyo at sa pagpapa-aral kay bunso. Nagalaw rin ang ipon namin ng papa mo nung nilibing natin siya, kaya hindi pa talaga kaya,” paliwanag naman ni Aling Helen.
“Sige na, ‘ma, umuwi na po kayo. Malaki ang bahay ni Helen, kasya tayong lahat,” pahayag pang muli ni Robin. At dumaan ang halos anim na buwang pilitan ay napauwi rin ang ale. Buo na ang loob niyang bibitbitin niya si Robin sa mga kapatid nito at pipilitin silang pag-ayusin para naman magkasama-sama sila.
At umuwi na nga ng bansa si Aling Helen. Sinundo siya ng kaniyang dalawang anak at napilit nyang puntahan si Robin sa probinsya para sunduin nga ito.
“Mag-aaksaya lang kayo ng pera sa anak niyong ‘yun. Hindi pa ba kayo nagsasawa na walang humpay ang pagpapadala niyo sa kaniya tapos hanggang ngayon ay wala pa rin siyang nararating sa buhay? Diyos ko naman, ‘ma!” iritang pahayag ni Helen sa kaniyang ina.
“Ikaw, Helen, hindi porke doktor ka na ay makakalimutan mo nang gumalang. Kuya niyo pa rin iyon, kaya matuto kayong rumespeto,” baling ng ale. Hindi naman na sumagot pa ang magkapatid ay inikot na lamang ang kanilang mga mata sa ere at nagpanggap na tila walang naririnig sa sermon ng kanilang ina.
Naabutan nila si Robin na nagbubunot ng damo sa labas, napakahirap ng itsura nito at mabilis na pinandirihan ng mga kapatid.
“Ma, salamat at nakauwi po kayo, ito nga pala ang regalo ko,” sabay abot niya sa isang panyo na nakapulot at lumabas ang isang susi.
“Ano ba ‘yan, magbibigay na lang marumi pa,” ismid ni Helen.
“Ma, ito na nga pala ang pinagpaguran mo, sa’yo ‘to. Pati na rin ang palayan at maisan ay sa inyo po lahat ito nakapangalan,” wika pa ni Robin sabay mano sa kaniyang ina.
Hindi nakasagot si Aling Helen at niyakap na lamang nya ng mahigpit ang anak. Ngayon lumabas ang katotohanan na lahat pala ng pinapadalang pera ng ale ay siyang ipinangnegosyo ni Robin sa probinsya. Nakapagpatayo siya ng malaking bahay at may palayan saka maisan pa. Hindi naman makapaniwala ang dalawang kapatid na may narating ang kanilang kuya kahit na wala itong pinag-aralan.
Mabilis silang humingi ng tawad sa isa’t-isa at ngayon ay nagsasama bilang isang buong pamilya. Dahil sa huli, talo pa rin ng masipag ang matalino.