Inday TrendingInday Trending
Kuhanin Nating Katulong si Nanay

Kuhanin Nating Katulong si Nanay

Nagmula sa mayamang pamilya si Diana ngunit itinakwil siya ng kaniyang mga magulang simula nung pinakasalan ang lalaking iniibig niya na si Gino. Mas pinili nila ang mamuhay ng tahimik at simple. Mas naging pabor din sa kaniya dahil lumaking wala sa pamilya niya ang nobyo, sa madaling sabi ay wala siyang ibang pakikisamahan kung ‘di si Gino lamang at ang kanilang pag-iibigan.

“Mahal, kailangan ko nang bumalik sa trabaho. Magkukulang na ang ipon natin, ” wika ni Diana sa kaniyang mister na noon ay kakauwi lamang sa construction site.

“Oo nga, mahal, pasensya ka na kung maliit lang ang kita ko. Wala pa rin kasi akong makitang kasambahay, kawawa naman si baby kung ako ang magbabantay,” malungkot na sagot naman ni Gino.

“Pero, mahal, may sasabihin sana ako sa’yo,” dagdag pa nito.

“Naalala mo ba si nanay?” tanong ni Gino.

“Sino? ‘Yung nanay mong nang-iwan sa’yo para sa ibang pamilya? Oo naman, hinding-hindi ko makakalimutan lahat ng kwento mo sa’kin tungkol sa kaniya. Kinamumuhian ko ang mga ganung klaseng nanay, inuuna ang landi bago ang anak,” mabilis na sagot ni Diana sa kaniyang mister.

“Ayun nga, nagparamdam siya ulit at gusto raw niya ako makasama. Pumanaw na kasi ang asawa niya, tapos ayaw din naman siyang tanggapin nung mga anak nung lalaki sa kabila. Ayun, nabanggit ko lang,” paliwanag ni Gino.

“Ay sakto, mahal! Kuhanin na lang kaya natin siyang kasambahay? Gusto naman kamo niyang bumawi sa’yo, ‘di ba? Bakit hindi natin gamitin para naman mapakinabangan natin siya,” suhestiyon ng babae.

“‘Wag kang mag-alala, babayaran ko naman siya kaya hindi pa rin tayo magkakaroon ng utang na loob sa nanay mong walang hiya. Ako na ang bahala, mahal,” dagdag pa nito.

Hindi na nakasagot pa si Gino at napakibit balikat na lamang sa sinabi ng kaniyang asawa.

Wala pa mang isang buwan ay dumating nga ang nanay ni Gino na si Aling Berna. Ibang-iba na ang itsura nito dahil sa edad at pagkapayat ng katawan. Malaki ang pinagkaiba nito sa huli niyang nakita.

“Ito ba ang apo ko?” masayang bati ni Aling Berna nang siya ay makarating sa kanila.

“Kinuha lang ho namin kayo para magbantay sa bata, babayaran ko rin po kayo ng buwanang sweldo. Hindi ho ibig sabihin na nandito kayo ay pinapatawad na namin kayo,” saad kaagad ni Diana.

“Alam kong galit kayo sa’kin dahil sa pang-iiwan ko noon kay Gino. Pero sana matutunan niyo akong mapatawad, wala naman akong ibang hiling ngayon kung ‘di ang makasama kayo ng anak ko sa mga natitira ko pang araw sa mundo,” malungkot na pahayag ng ale.

“‘Wag ho kayong mag-alala, ang masamang damo matagal mamat*y! Saka alam naman namin na kaya kayo nandito ay dahil wala ng may gusto pang tumanggap sa inyo,” natatawa-tawang baling niya. Hindi na nagsalita pa si Gino at umiwas na lamang ng tingin sa kaniyang nanay at asawa.

Buong akala ni Gino ay galit ang kaniyang mararamdaman kapag nakita niyang muli ang kaniyang ina. Ngunit mas nangibabaw ang awa at pagkaulila nito sa aruga ng isang nanay.

Hindi naman nagkulang ang ale sa pagsuyo sa kaniya noon ngunit siya na mismo ang umayaw at sinisi ang kaniyang ina sa lahat ng hirap at kamalasan niya sa buhay. Hindi siya nakapagtapos ng pag-aaral at lumaking mag-isa na hindi makaahon sa isang kahig, isang tuka.

Kaya sobra na lang ang pagmamahal niya sa asawang si Diana. Bukod kasi sa umangat ng kaunti ang kaniyang buhay ay minahal siya ng isang taong hindi niya akalaing papahalagahan siya ng ganito.

“Mahal, pwede bang kaunting hinahon naman sa pag-uutos kay nanay? Matanda na kasi, nakakaawa na rin,” pakiusap ni Gino sa kaniyang misis.

“Naku, mahal, kulang pa ‘yan para sa lahat ng kasalanan niya sa’yo. Tandaan mo, siya ang dahilan kung bakit ka lumaking mag-isa, kung bakit nawala ang tatay mo ng dahil sa sama ng loob at kung bakit hindi ka nakapag-aral. Isa pa, may bayad naman siya kaya ‘wag kang mag-alala,” baling ni Diana na kakauwi lamang galing sa opisina.

Lumipas pa ang ilang buwan at tuluyang lumambot ang puso ni Gino sa kaniyang ina lalo na’t mas maaga siyang umuuwi sa kanilang bahay. Mas nakakausap niya ito tungkol sa mga nangyari sa buhay nila noong sila’y magkalayo.

“Nay, pasensya na po kayo kay Diana. Hayaan niyo po, uunti-untiin ko ang pakikipag-usap sa kaniya tungkol sa pagtrato niya sa inyo,” wika ni Gino.

“Wala ‘yun, anak, pasasaan ba’t mapapatawad din niya ako,” malambing na sagot ng ale.

Sa hindi inaasahang pagkakataon ay dumating sa kanilang bahay ang nanay ni Diana na si Trina. Matapobre ito kaya nga itinakwil ang anak.

“Ma, ba’t ka nandito? Napatawad mo na ba ako?” tanong ni Diana na saktong kakauwi lang din.

Hindi nagsalita ang babaeng napakayaman. Inikot nito ang kaniyang mga mata sa bahay nila Diana.

“Ito nga pala ang mahal kong si Gino, mama,” dagdag pa niya.

“Magandang umaga po,” bati ni Trina sa kay Aling Berna.

“Ma, nanay ‘yan ni Gino pero katulong namin siya. Kaya ‘wag niyo na masyado kausapin ‘yan,” mabilis na pahayag ni Diana sa kaniyang nanay.

“Ginawa mong kasambahay ang biyenan mo?” galit na tanong ni Trina sa kaniyang anak.

“Naku, ma, mahabang usapan. Kasi ‘yang si Manang Berna, iniwan dati si Gino tapos ayun ang naging dahilan kung bakit nagkandaleche-leche ang buhay–“

Hindi na natapos pa ni Diana ang kaniyang sasabihin dahil sa mabilis siyang nasampal ng kaniyang ina.

“Hindi kita pinalaki para mambastos ng nanay o kahit sino pa man. Biyenan mo ‘yan at lola siya ng anak mo, matutunan mo siyang tratuhin ng tama. Hindi dahilan ang galit ni Gino o ano pa mang nakaraan niya para ganyanin mo siya. Kung tawagin mo ay parang katulong mo lang talaga? Nasaan ang respeto sa’yo?!” bulyaw ni Trina.

Doon ay biglang nagising si Diana sa kaniyang masamang ugali. Ngayon lang din siya namulat sa katotohanang matagal na pala siyang pinagsasabihan din ni Gino ngunit hindi siya nakikinig. Humingi siya ng tawad kay Aling Berna sa naging ugali at mabilis naman siyang pinatawad ng biyenan.

“Nay Berna, sorry talaga, ha. Naging mapagmataas ako sa’yo, patawarin niyo po ako,” saad ni Diana sa ale.

“Wala ‘yun, naniniwala akong makakapagpatawad din tayong lahat,” sagot sa kaniya ng ale at niyakap siya nito. Simula noon ay namuhay sila na parang isang buong pamilya. Napatawad na nang tuluyan ni Gino ang kaniyang nanay at lahat ng galit ay tuluyan na niyang kinalimutan pa.

Advertisement