Si Krissy ay lumaki sa marangyang pamumuhay ngunit napakatamad niyang mag-aral. Ayaw niyang pumasok sa eskwelahan at magbasa man lang ng libro. Para sa kanya ay mayaman na naman ang kanilang pamilya kaya bakit kailangan pang mag-aral?
Walong taong gulang na si Krissy pero hindi pa rin siya nakakatuntong sa eskwelahan. Sa bahay lang siya pinatuturuan ng kanyang mga magulang sa mga tutor ngunit hindi rin tumatagal ang mga iyon dahil sa sobrang kasutilan ng bata.
“Anak, walong taong gulang ka na pero hindi ka pa rin pumapasok sa eskwelahan. Kailan mo ba matututunan na mahalaga ang pag-aaral? Kahit ang mga tutor na nagtuturo sa iyo ay hindi nagtatagal dahil sinusungitan at inaaway mo,” wika ng kanyang ama na si Don Crisostomo.
“Ano bang gagawin namin anak para ipaintindi sa iyo na kailangan mong mag-aral para sa iyong kinabukasan?” tanong naman ng inang si Donya Minerva.
Nang gabing iyon ay nag-isip ng paraan ang mag-asawa kung paano mapagbabago ang kanilang anak.
“Alam ko na. May naisip na akong paraan hon,” sabi ni Don Crisostomo sa asawa.
“Ano naman iyon?” tanong nito.
Dahil gustong ipakita ni Don Crisostomo ang kahalagahan ng pag-aaral sa kanyang anak, kinabukasan ay ipinasyal niya si Krissy ng ilang araw sa mga sikat na pasyalan sa bansa, kumain sila sa mamahaling mga restaurant at namili ng mamahaling mga gamit gaya ng damit, sapatos, mga gadgets at laruan.
At para naman maikumpara niya ang pamumuhay nila sa iba, dinala niya ang kanyang anak sa lugar ng mga iskwater at nanirahan sila doon ng mga ilang araw.
“Papa, kailangan pa po bang tumira tayo rito? Mabaho at madumi po sa lugar na ito,” sabi ni Krissy sa ama.
“Huwag kang mag-alala anak siguradong may patutunguhan ang pagtira natin dito sa iskwater,” sagot ni Don Crisostomo.
Ilang araw na nakisalamuha ang mag-ama sa mga taong naninirahan sa iskwater. Maayos naman ang pakikitungo ng mga ito sa kanila at hindi sila itinuring na iba. Pagkain na nga lang na isusubo ng mga ito ay ibinahagi pa sa kanila. Nagkaroon din sila doon ng mga kaibigan dahil sa husay makisama ni Don Crisostomo. Naging masaya rin ang pananatili roon ni Krissy dahil nagkaroon siya ng mga bagong kalaro.
‘Di nagtagal ay nagpaalam na sila sa mga tao sa iskwater at bumalik na sa kanilang mansyon. Pagkauwi nila sa kanilang tirahan ay kinausap ng ama ang kanyang anak.
“Nag-enjoy ka ba sa sa mga pinuntahan nating lugar anak?” tanong ni Don Crisostomo.
“Opo,” sabi ng anak.
“Ano ang natutunan mo?” tanong ng ama.
“Natutunan ko po na masaya tayo nang naakyat natin ang matataas na gusali sa Amerika at masaya na sila sa pag-akyat sa tuktok ng puno ng niyog,” sagot ng bata.
“Ano pa anak?”
“Masaya tayo kapag sumasakay ng magara nating saskayan at masaya na sila sa pagsakay sa kariton habang tinutulak ng kanilang kaibigan.”
“Masaya tayo noong kumain tayo ng masarap na pagkain sa isang Italian restaurant at masaya na sila sa kaning tutong at tuyo.”
“Naging masaya rin po ako nang binilhan mo ako ng mga bagong gadgets at masaya na ang mga bata na naroon sa paglalaro ng tansan, gulong at goma.
“Malaki po ang bakuran natin sa ating mansiyon pero mas malaki ang kanilang teritoryo at nagagalawan kahit wala silang bakuran.”
“Malaki rin po ang swimming pool natin pero mas malaki ang ilog nila at mas maraming lumalangoy.”
“Mayroon din po tayong sampung katulong para gumawa ng lahat ng gawaing bahay. Pero ang mga magulang sa iskwater, lahat ng anak nila ay marunong sa gawaing bahay.”
“Mayroon po tayong isang dosenang body guard na magtatanggol sa atin. Pero sila, may mga kaibigan, tropa at barkada na handa silang tulungan sa isang sigaw lamang.”
“Ano pa ang natutunan mo anak?” saad naman ni Donya Minerva.
“Natutunan ko din po na kung may kakayahan po kayo na pag-aralin ako pero ang mga tao sa iskwater kailangan pang manilbihan, magtanim, manguha ng mga basura para ibenta at kung minsan ay kumakapit sa patalim para lang mapagtapos ang isa man lang sa kanilang mga anak,” wika ni Krissy.
“Ayan ang sinasabi ko sa iyo anak. Mahalaga ang pagkakaroon ng edukasyon para sa iyong kinabukasan at sa iyong hinaharap. Gusto kong matutunan mo kung paano pahalagahan ang buhay na mayroon ka. Anuman ang mayroon tayo ay galing sa dugo at pawis namin ng iyong ina. Dati rin kaming namuhay sa hirap ngunit nagsikap kami noon hanggang sa makapagtapos kami sa pag-aaral at naging matagumpay sa buhay,” sabi ng kaniyang ama.
“Ganoon po ba Papa? Kung gayon po ay mag-aaral na po ako. Papasok na po ako sa eskwelahan. Balang araw, kapag nakapagtapos na rin ako sa pag-aaral at naging matagumpay na ay nais ko pong tulungan ang mga kaibigan natin sa iskwater para makaahon din po sila sa hirap,” sagot ni Krissy sa ama.
Laking tuwa naman ng mag-asawang Don Crisostomo at Donya Minerva dahil sa wakas ay natutunan na na rin ng kanilang anak ang kahalagahan ng pag-aaral.
Nagtagumpay sila na ipaunawa sa anak na kayang bilhin ng pera ang kahit na ano ngunit hindi kailanman matutumbasan ng anumang halaga ang kahalagahan ng buhay.