Inday TrendingInday Trending
GRO Na, Magnanakaw Pa!

GRO Na, Magnanakaw Pa!

InspiringKarmaStories

Matagal nang nagtatrabaho bilang taga-bigay ng aliw si Ellie. Kumbaga, bihasa na siya sa larangan. Unang tingin pa lamang ay alam na niya kung galante ba ang lalaki o hindi. At kung mukhang kuripot, siyempre ‘di niya na pag-aaksayahan ng panahon.

‘Di naman sa pagmamayabang pero sa edad niyang 42 ay mabenta pa rin siya. Bukod naman kasi sa alaga niya ang katawan ay todo bigay siya sa performance, kung kinakailangang tumambling sa kama ay gagawin niya para lang makakuha ng malaking tip.

Kapag hindi siya na-satisfy sa iniabot ng customer, may isa pa siyang sikreto. Ninanakawan niya ang mga ito. Siyempre pagod na pagod dahil napalaban sa kanya kaya mabilis nakakatulog ang mga lalaki. Iyon ang sinasamantala niya.

“Aminin mo na kasi Ellie, ikaw ang dumampot ng cellphone ko. Himbing na himbing ako eh. Dapat ‘di na ‘ko pumayag nang magyaya kang mag-motel eh!” nagrereklamong sabi ni Junie, isa itong bus driver at ilang beses na ring pumupunta sa bar nila bago naka-table ni Ellie.

“Hoy, ang kapal ng mukha mo ha! Lumang model ng Samsung iyon bakit ko pag-iinteresan?” taas ang kilay na tanong niya.

“O e bakit mo alam ang model ng cellphone ko?” balik tanong nito sa kanya.

Natigilan si Ellie pero hindi niya ipinahalata iyon, umismid siya. “Nakita ko na ginagamit mo kasi itinext mo ang misis mong bungangera hindi ba? Nagsinungaling ka na birthday ng kumpare mo kaya ka mahuhuli ng uwi. Naku, pag ako na-bwisit sayo ay baka isumbong pa kita sa asawa mo. Ang liit na nga ng pototoy mo bintangero ka pa!” bulyaw niya.

Sa pagkakataong ito ay ang lalaki naman ang nawalan ng imik. Napamura ito nang pabulong tapos ay galit na galit na nagmartsa palayo.

“Susmaryosep akala mo naman kawalan siya sa club, ang liit namang magbigay ng tip!” parinig pa ni Ellie.

Lumapit sa kanya ang isa pang GRO, “Pero mamang Elenita, totoo nga ba na hindi mo ninenok ang cellphone ng punggok na yun?”

Bumwelo pa si Ellie bago nagsalita, “Una sa lahat may cellphone ako na kabibili ko lang. Pangalawa, ‘wag na ‘wag mo kong matawag-tawag sa mabahong pangalang iyan dito! Ellie ako, hindi Elenita! Kukurutin ko ang mani mo!” mataray na sabi niya rito kaya hindi na umimik pa ang babae.

Nang masigurong walang tao ay bumubungisngis na binilang niyang muli ang pera sa bulsa. Anim na libo, ‘di na masama! Sino ang mag-aakalang kikitain niya iyon sa isang gabi lang? Ito kasing tanga-tangang Junie, tulo pa ang laway pag natulog. Natangay niya tuloy ang cellphone.

Oo, nagsinungaling siya. Ang totoo ay kinuha niya talaga ang cellphone nito. Lumang modelo na nga pero lamang bulsa pa rin. Ibinenta niya sa isang kapitbahay kaya marami ang kwarta niya ngayon.

Lumipas pa ang ilang panahon, dumami nang dumami ang mga nabibiktima niya. Swerte naman dahil kadalasan ay ‘di na siya hinahabol ng mga lalaki sa takot na baka magsumbong siya sa asawa ng mga ito.

Lalo tuloy lumakas ang loob ng babae. Hanggang isang gabi, anibersaryo ng kanilang club kaya maraming pumunta. Libre kasi ang tig-iisang bote ng beer.

“Hi.”

Napapitlag si Ellie sa baritonong tinig na iyon. Abala kasi siyang masdan ang isang matandang uto-uto mula sa malayo- plano niyang lapitan na ito. Kaya lang heto, may nauna nang dumikit sa kanya.

“Yes?” malanding tanong niya. Minasdan niya ang kaharap… fresh na fresh! Tingin niya ay nasa 22 hanggang 25 pa lamang ito, gwapo rin at maganda ang katawan.

“Napansin ko kasing nag-iisa ka. ‘Di ko natiis eh, lumapit na ako. Ang ganda mo kasi…” napapakamot pa ito sa ulo habang sinasabi iyon.

Namula tuloy si Ellie. Maganda naman talaga ang mukha niya pero ang tanda niya na kasi para rito. Marami rin namang GRO ang makikinis at bata pa. Kaya ‘di siya makapaniwala na siya talaga ang pinagtutuunan nito ng pansin ngayon.

Ah, alam niya na! Baka… virgin pa.

“Naghahanap ka lang kamo ng magtuturo sa’yo! Iyon ang sabihin mo pogi,” nakangiting sabi niya.

Sandali itong nag-alinlangan, “Ganoon na nga. Wala pa kasi akong experience eh. Sa’yo ko sana gustong matuto,” diretsong sabi nito.

Naku, bahala na ang matandang prospect niya kanina. Tumayo ang babae at hinawakan ang braso ng binata. Niyaya niya itong mag-motel at doon ay pinatikim ito ng init ng kamundohan.

Sa sandaling panahon ay nahulog ang loob ni Ellie sa binata, na ang pangalan pala ay Mark. Ayon rito, panganay ito sa pitong magkakapatid at kumikita lamang sa pamamagitan ng pag-extra bilang model. Kadalasan ay rarampa sa pipitsuging fashion show ng brief, o kaya naman ay escort sa mga Ms. Gay contests.

Dahil nga mahal na mahal ito ng babae ay ginagawa niya ang lahat ng makakaya para makatulong. Halos wala nang natitira sa sahod at sa mga ninakaw niya, ibinibigay niya lahat dito.

“Naku, matutuwa ang baby boy ko,” kinikilig na sabi niya habang dala ang biniling cake, isang bote ng softdrinks at pancit. Monthsary kasi nila ngayon at naisipan niyang sorpresahin ito sa bahay nito sa iskwater.

Naabutan niya ang nanay nitong naglalaba sa tapat at nang makita siya ay namutla ang ale.

“Naku eh wala kasi si Mark. Kaaalis lang,” sabi nito. Tumayo pa at pinagpag ang sabon sa kamay.

“Sige po. Hintayin ko na lamang rito sa loob,” nakangiting sabi niya. Minsan nga ay dito na siya natutulog kaya sanay na siya. Oo nga pala, may bitbit rin siyang laruan para sa mga kapatid nito.

Pinigilan siya ng ale pero ‘di niya na narinig pa ang sinabi nito. Pagbukas niya kasi ng pinto ay para siyang nabingi sa naabutang eksena.

Naka-kandong kay Mark ang isang dalaga habang walang habas na naghahalikan ang dalawa.

Nanlaki ang mata ng lalaki habang kalat-kalat pa ang lipstick sa bibig nito. “Ellie!”

Nanlisik ang mata ni Ellie at sinugod ang dalaga na ngayon ay abalang mag-butones ng bukas nitong blouse. “Malandi ka! Hayop ka! Mang-aagaw! Ang kapal ng mukha mong hitad ka-“

Hindi niya naituloy ang pagsabunot rito dahil hinawakan ni Mark ng mahigpit ang kanyang braso.

“‘Wag mong saktan si Dianne! Girlfriend ko siya! Ikaw ang kabit!” sigaw nito.

Napatanga naman ang babae, “A-Ano?”

Ngumisi si Mark, “Mag-eeskandalo ka pa. Akala mo naman talaga. Mag-isip ka nga, ang tagal mo nang GRO dapat alam mo na ang kalakaran! Pera-pera lang! Sa tingin mo, sa edad kong ito magtitiyaga ako sa’yo? Eh mas bilasa ka pa sa isdang natira sa tinda ng nanay ko!

Hirap na hirap nga ang pamilya ko na sikmurain ka pero wala eh, ang sarap mong gatasan eh. ‘Wag mo lang talagang sasaktan si Dianne, malilintikan ka sa akin,” banta pa nito.

Napaatras si Ellie tapos ay tumakbo na palayo, para siyang sinabugan ng bomba sa ulo.

Ang lahat ng nanakaw niya noon ay parang binawi rin sa kanya ng unti-unti dahil ibinigay niya ang lahat kay Mark.

Natawa pa siya sa katangahan niya. Kasi kung siya ay nakatanaw sa matandang dapat ay biktima niya noong gabing nakilala niya ito, si Mark rin pala- nakatanaw sa matandang GRO na mukhang utuin.

Sabi nga nila, matalino man ang matsing ay napaglalamangan din.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.