Ngalngal ang salubong ng sampung taong si Adrian sa kaniyang inang si Morena nang hapong iyon.
“Maaa!” sigaw nito na lalo pang lumakas pa ang pag-iyak. Nataranta naman si Morena nang marinig ang palahaw ng anak kaya kahit may kausap sa telepono ay nilapitan niya ang anak.
“Oh bakit ka na naman umiiyak?” tanong ng ina sa anak na noon ay pahikbi-hikbing kinwento ang nangyari.
“M-ma si Chino po tinutukso ako kanina. Iyakin daw po ako at saka sumbungero!” sabi nito sabay iyak na naman.
“Anong sinabi sa’yo?! Aba malilintikan sa akin ‘yang batang ‘yan! Halika dito!” sabi ni Morena at binitbit ang anak palabas sa kalye upang puntahan ang sinasabi nitong kalaro.
Nakita niya ang mga batang nagkukumpulan sa kalye at galit na binulyawan niya ang mga ito.
“Kayo, kayo! Lagi niyo na lang pinagdidiskitahan ang anak ko ha?! Ikaw Chino ikaw ang pinakamatanda diyan ay ikaw pa ang nauuna!” sabi ni Morena habang dinuduro-duro pa ang bata.
“Siya naman po ang nauna eh,” piyok ni Chino na parang maiiyak na.
“Hindi gawain ng anak ko na magsimula ng away, aber. Isa pa ha, talagang makakatikim kayo sakin!” banta ni Morena sa mga walang imik na bata.
Pag-uwi sa bahay ay hindi man lang pinagalitan ni Morena ang ana. Ni hindi nga nito tinanong kung ano talagang totoong nangyari, bagkus ay tinuruan pa itong lumaban.
“Tama lang ang ginawa mo anak. Dapat hindi ka nagpapa-api sa mga batang kalyeng iyon! Isumbong mo lang lagi sa akin at ako ang bahala,” sabi ni Morena sabay yakap sa anak.
Masasakitin ang anak niyang si Adrian habang lumalaki, kaya ganoon na lang ang pagpoprotekta niya sa anak. Ayaw niyang maliitin ito ng kapwa bata nito kaya tinuturuan niya talaga itong magsumbong lagi sa kaniya. Silang dalawa na lamang sa mundo kaya ayaw niyang masaktan ito ng kahit kanino.
May pagdiriwang nang araw na iyon sa eskwelahan ng kaniyang anak kung saan din nag-aaral ang karamihan ng mga bata sa kanila. Kailangang dumalo ng magulang kaya naman kahit abala sa trabaho ay pinilit ni Morena na makapunta para ipakita ang suporta sa anak. Maraming mga nakadisplay na proyekto ng mga estudyante tungkol sa iba-ibang sining. Malayo pa lang ay nakita na niya ang anak na nakatayo sa bandang dulo ng bulawagan kung saan naka-display ang mga gawa nitong malalaking drawing. Nagtaka siya nang mapansin na halos lahat ay mayroong kapares o kagrupo na kaklase, ngunit ang anak na si Adrian lang ang mag-isa.
Nalungkot ang kaniyang puso sa nakita. Siguro ay minamaliit din ang kakayahan nito pagdating sa eskwela, o ‘di kaya’y pinagdidiskitahan na naman ito palibahasa isa itong matalinong bata.
Hindi niya pinahalata ang lungkot at inis na naramdaman at nginitian ang anak paglapit niya dito.
“Anak ko! Proud na proud sa’yo si Mama! Kita naman kasi na ang gawa mo ang pinakamaganda sa lahat,” sabi niya rito.
“Siyempre naman Ma! Ako kaya ang anak mo, ako talaga ang pinakamagaling!” nagmamalaking sagot naman ni Adrian sa ina. Nagulat man ang ina dahil madalas ay tahimik na bata lang ito, pinili na rin niyang matuwa sa lakas ng loob na ipinapakita nito.
Lumabas siya sandali upang bumili ng pagkain nila nang mahagip ng kaniyang tainga ang usapan ng umpukan ng mga nanay sa isang gilid.
“Naku! Ang sabi ko nga sa anak ko ay huwag na huwag makipaglaro diyan sa anak ni Morena,” sabi ng isa habang kinukumpas pa ang kamay.
“Ako din Mare! Mahigpit kong bilin ‘yan. Paano ba naman ay kahit napakasalbahe ng batang iyon ay ni hindi man lang pinapagalitan ng magulang, kinukunsinti pa!”
“Ano pa nga ba! Away-bata ay lumalaki tuloy.”
Hindi na natiis ni Morena na manahimik kaya sinugod niya ang mga ito.
“Hoy kayo! Pati bata ay pinagchichismisan niyo? At sinong nagsabing salbahe ang anak ko? Ang mga anak niyo ang mga salbahe ‘no!” palabang sabi niya sa mga ito.
“Totoo naman, Morena! Napakasalbahe ng anak mo. Maiintindihan naman namin dahil nga mga bata pa, pero kung ganiyang kinukunsinti mo ay baka kalakihan niya ‘yan!” sagot ni Rhoda na kilala din na bungangera.
“Mas kilala ko ang anak ko kaysa sa inyo. Kayo ang dapat dumisiplina sa mga anak niyo, pwe!” sabi ni Morena atsaka tumalikod na sa mga ito. Hindi niya matatanggap ang mga pinagsasabi ng mga ito. Kilala niya ang anak na masipag mag-aral, laging matataas ang grade, tahimik parati, malamya pa nga kung minsan. Pero hindi ito kailanman naging salbahe, madalas pa ngang ito ang umuuwing luhaan eh.
Tuluyan nang sumama ang timpla niya kaya hinanap na niya ang anak upang yayain na itong umuwi tutal tapos na naman ang programa.
Pagdating niya sa pwesto nito ay hindi niya makita si Adrian. Luminga-linga siya sa paligid at lumakad papunta sa maliit na hardin ng eskwelahan. Nakahinga siya ng maluwag nang makita na ang anak. Nakatalikod ito sa kaniya ngunit nagulat siya ng may itinulak itong isang bata na mukhang mas maliit dito.
“Salbahe ka, Adrian! Isusumbong kita sa mama mo!” sabi ng bata habang umiiyak.
“Edi magsumbong ka! Hindi naman ako papagalitan ni Mama kasi sasabihin ko na ikaw ang naunang manulak,” sabi ni Adrian. “Para ‘yan sa hindi mo pagpili sa akin bilang partner kahit ako ang pinakamagaling, ang pangit-pangit pa nga ng gawa niyo ng mga kagrupo mo eh,” sabi pa ng anak sa mapagmataas na tono.
Napamaang na lamang si Morena sa nasaksihang pambubulas ng anak. Hindi siya makapaniwalang kaya nitong makapanakit ng kapwa. Ngayon niya nakikita ang mga pagkukulang niya bilang ina. Imbes na tanungin ito ay parati niya na lang iniisip na ito nga ang inaapi. Kahit kailan ay hindi niya rin ito pinagalitan o pinangaralan man lang tuwing nasusuot ito sa gulo.
Mabilis siyang lumapit sa anak at sa batang kausap nito. Tinayo niya sa pagkakaupo ang bata at pinagpagan ang kamay nito.
“Adrian! Kailan ka pa natutong manakit ng iba ha?! Halika’t sumama sa akin sa bahay!” galit na sigaw niya sa anak na noon ay gulat na gulat nang makita siya.
Pagdating sa bahay ay walang tigil sa iyak si Adrian sa ina.
“Siya naman po talaga ang nauna eh. Gusto ko lang namang magkaroon ng kapartner pero ayaw niya,” katwiran pa nito.
Hindi tulad ng dati na susugod na lang siya bigla, sa pagkakataong iyon ay tiningnan niya sa mata ang anak at seryosong kinausap.
“Anak, nakita ko ang ginawa mong pagtulak sa kaniya. Kahit ano pa man ang rason ay hindi mo ‘yon pwedeng gawin, naiintindihan mo?” marahang tanong niya dito. Kung dati ay nauuna sa kaniya ang init ng ulo, sa pagkakataong iyon ay naisip niyang disiplinahin ang anak sa kalmadong paraan.
“Pero Ma—“ singit pa ni Adrian na hindi pa rin natututunan ang pagkakamali.
“Adrian! Hindi tama ang ginawa mo kaya dapat magsorry ka, anak! Baka kaya ayaw kang lapitan ng iba mong kaklase dahil sa kagagawan mo rin. Naiintindihan mo si Mama, anak? Ang gusto ko lang ay maging masaya ka, okay?” sabi niya sa anak na noon ay tahimik lang. Unang beses nitong mapagalitan ng ina kaya hindi nito alam ang gagawin.
“Opo, Mama,” imik nito.
Niyakap niya ang anak at humingi ng tawad dito. “Mali din ako anak… dapat hindi kinunsinti ni Mama ang mali mong ginagawa. Patawarin mo ako anak…” sabi ni Morena na maluha-luha. Pinapangako niya sa sarili na gagawin niya ang makakaya niya bilang isang ina para sa kabutihan ng anak. Ngunit sa pagkakataong ‘to, hindi na siya magbubulag-bulagan sa mga kamalian ng anak.
Minsan kasi, sa sobrang kagustuhan nating protektahan ang ating mga mahal sa buhay ay nakukunsinti natin sila sa masamang gawi, ngunit ang tunay na pagmamahal ay pagtanggap sa pagkakamali pati na rin sa pagsisikap na ituwid ito.