“Tubig ho!” malakas na tawag ni Jason sa labas ng isang bahay at saka kumatok sa may gate niyon.
“Ay naku salamat hijo, oh hetong bayad sa delivery,” mabait na sabi ni Aling Bibing saka inabutan ng pera ang binatang delivery boy.
“Ay sobra ho ata ng bente pesos ang naiabot niyo,” sabi ni Jason nang mapansing sobra ang binigay ng ale. Inabot niya ang sobrang bente ngunit ngumiti ito at tumanggi.
“Sinobrahan ko talaga ‘yan dahil hanga ako sa pagsisikap mo. Kaya sige na, tanggapin mo na hijo,” mabait na sabi ng matanda. Magdadalawang taon na kasi siyang nagtatrabaho bilang delivery boy sa kanilang lugar, kaya halos kilala na siya ng lahat ng kostumer nila.
Nagpasalamat siya sa matanda at sumakay na sa tricycle na gamit sa pagdedeliver. Nang mapadaan siya sa basketball court ay nakita niya na may naglalaro doon ngayon. Huminto siya sandali upang manood tutal tapos na naman ang trabaho niya sa araw na iyon.
Kung may isa siyang pangarap, siguro iyon ay maging isang basketbolista. Ngunit nakakalungkot dahil hindi niya magawang maglaro dahil wala siyang matinong sapatos. Ang rubber shoes niya ay nakanganga na at halos mabutas na ang suwelas kaya nahihiya siyang sumali sa mga paliga.
Naalala niya tuloy ang amang nagturo sa kaniyang maglaro ng basketball. Mula nang pumanaw ito ay mag-isa na lang siya sa buhay, kaya sa edad na dalawampu ay natuto siyang kumayod para matustusan ang sarili. Ang mga kamag-anak niya ay hindi na siya sigurado kung saang probinsiya na nakatira, bata pa kasi siya noong sinama siya ng ama nang maghiwalay ito at ang kaniyang ina.
Nang matapos ang laro ay nasasabik na bumalik si Jason sa water station kung saan siya nagtatrabaho. Kapag nakuha niya kasi ang suweldo para sa araw na iyon, sa wakas ay mabibili na niya ang pulang rubber shoes na lagi niya lang tinatanaw sa isang tindahan sa palengke.
Pag-uwi sa bahay ay inihanda niya ang martilyong ipangbabasag sa boteng pinag-ipunan. Punong-puno na iyon ng tig-lilimang pisong barya, at sa kwenta niya ay abot na iyon sa presyo ng rubber shoes.
Lumabas siya ng bahay na kumakalansing ang bulsa. Inilagay niya sa isang plastik ang tig-lilimang pisong barya at pumunta sa tindahan ng sapatos. Noon, tuwing nadadaanan niya iyon ay nahihiya siyang pumasok dahil wala siyang pambili. Pero ngayon ay taas ang noong binukasan niya ang pinto at inilapag sa kahera ang mga plastik ng barya. Isang supot na ang yakap-yakap niya pagkalabas ng tindahan at sa wakas, nabili na niya ang pinapangarap na sapatos. Umupo siya sa gilid ng kalye atsaka hinugot sa bulsa ang baong medyas. Sinuot niya ang sapatos at sinipat-sipat ito.
Sa wakas ay makakapag-basketball na siya! Naglakad siya patungo sa basketball court nang may makita siyang isang matanda na nakaupo sa gilid ng kalye. Wala itong sapin sa paa at mukha itong umiiyak.
“Lolo, ayos lang po ba kayo?” tanong niya dito.
“Uuwi na ko hijo, uuwi na ko eh… kaso ay nag-iba na ang daan,” naguguluhang sabi nito sa kaniya habang umiiyak.
Nahabag naman siya sa matanda at tinanong kung saan ito nakatira. Mabuti na lang at may binaggit itong kalye. Isinakay iya ito sa jeep dahil mukhang hirap na itong maglakad. Napansin niyang madumi at may sugat ang mga paa nito. Walang dalawang-isip ay hinubad niya ang kaniyang sapatos at isinuot iyon dito. Namangha ang mga kasabay nitong pasahero, ang ilan pa ay kinuhanan siya ng video.
Ngayon ay walang sapin sa paa, inalalayan niya ang matanda at inihatid ito sa barangay hall. Nakilala naman ito ng mga tanod at sinabihan siya ng mga ito na sila na ang bahalang maghatid sa matanda.
Nagpasalamat si Jason at nagpaalam na sa matanda.
“Maraming salamat hijo, pagpalain ka sana ng Diyos,” sabi sa kaniya ng matanda.
Magaang ang loob na naglakad siya pabalik sa basketball court. Napatingin siya sa mga paa na madungis at masakit na dahil sa kaniyang paglalakad. Sa hindi malamang kadahilanan ay hindi siya nakakaramdam ng panghihinayang sa pagbibigay niya sa matanda ng sapatos na pinag-ipunan.
“Ayos lang ‘yon,” wika niya sa sarili. Kaya niya namang magipon muli ng tig-lilimang piso, o ‘di kaya’y tig-sasampung piso. Pero ang pagkakataong magbigay ng tulong at simpatya sa taong nangangailangan ay isang bagay na hindi dapat ipinagpapaliban. Dahil higit ang biyaya ng mga nagbibigay kaysa sa tumatanggap.