Inday TrendingInday Trending
Tay, Gusto Ko ng Selpon

Tay, Gusto Ko ng Selpon

Bente anyos na si Marian, mula siya’y nasa elementarya, high school, pati na ngayong kolehiyo ay palagi siyang umaani ng mga parangal. Subalit simula naman noon ay hindi man lang sila nakapaghanda para sa kaniya dahil hikahos din sila sa buhay. Mulat naman siya sa ganitong buhay mula pagkabata, ngunit nang tumanda siya, dala na rin ng mga barkada, bukang bibig na ng dalaga na magkaroon siya ng isang makabagong selpon. Ang kaniya kasi, ikinahihiya niyang gamitin sa kolehiyo ang lumang model na mayroon siya dahil de-pindot lamang ito.

“Tay! Gusto ko na magkaroon ng selpon!” pasigaw na ungot ng dalaga sa ama pagkagaling sa eskwelahan.

Dala-dala nito ang kaniyang sertipiko na naglalaman ng kaniyang naaning parangal para sa semestre na iyon. Ngunit umiling lamang ang kaniyang ama.

“Alam mo naman nak…” wika sana nito nang bigla naman sumabat si Marian.

“Ano ba naman ‘yan, Tay! Palagi na lang! Nakakasawa na eh!” galit na wika ng dalaga sa ama.

Umalis ito papalabas ng kanilang munting tahanan pagkatapos niya itapon sa harapan ng ama ang kaniyang dalang sertipiko. Pag-alis niya ay naiwan ang matandang ama na nalungkot dahil sa ginawa ng kaniyang dalagang anak. Agad naman nitong pinulot ang sertipiko at kahit na hindi niya naiintindihan lahat ang nakasulat doon, napangiti pa rin ito nang makita ang malaking pangalan ng anak sa gitna.

“Sana ay naiibibigay ko ang mga kagustuhan ng aking anak. Kung sana nga lang…” mahinang wika nito sa kaniyang sarili. Maya-maya pa’y nangingilid sa kaniyang mga mata ang luha.

Naglalako lamang si Mang Dindo ng balot at penoy sa kanilang lugar pati na sa mga kalapit na bayan gamit ang kaniyang munting padyak na nagsisilbing silungan niya sa tuwing gabi. Walang palya ang kaniyang pagtitinda bumagyo man o umaraw. Dahil lahat ng ito ay para sa kaniyang anak na dalaga. Naiwan kasi sa kaniya ito matapos umalis ng kaniyang asawang magtatrabaho lang daw sa ibang bansa ngunit hindi na muling bumalik pa o nagparamdam pa.

Maagang umalis si Mang Dindo ng gabing iyon upang kumuha ng paninda sa kaniyang amo para ilako. Aniya, mas maaga ay mas maraming kikitain upang makabili na siya ng selpon ng kaniyang anak.

“Boss, baka pwede ako maglako ng doble sa inilalako ko?” tanong ni Mang Dindo sa kaniyang amo.

“Aba’y oo naman, Mang Dindo. Basta ba ay kakayanin ng mga tuhod mo, sa akin ay ayos lang!” masayang tugon naman ng amo.

Alas-kwatro pa lamang ng hapon ay makikita na ito sa palengke bitbit ang kaniyang dalawang basket na punong-puno ng paninda. Marami ang bumabati kay Mang Dindo. Mabuti kasi itong tao at laging handang tumutulong kapag kailangan.

Pagkaraan ng ilang mga oras, biglang bumuhos ang napakalakas na ulan. Hindi sagabal kay Mang Dindo ang lakas ng ulan at pagod, kundi ang nasa isip niya ay ang anak na dalaga at ang hiling nitong bagong selpon. Ipinagbibilin naman niya ang anak sa kaniyang kapatid na kapitbahay lamang din nila nila kaya hindi rin siya masyadong nag-aalala dito. Tuwing alas dose kung sunduin niya ito at sabay silang uuwi sa bahay.

“Basta, kailangan kong mas kumayod pa ngayong gabi at sa mga susunod para makapag-ipon ako pang-selpon ni Marian. Kahit iyong hinuhulog-hulugan lang,” muling bulong ni Mang Dindo sa kaniyang sarili. Kinuha niya ang pera mula sa bulsa ng kupas na maong na kaniyang suot ng gabing iyon. Binilang niya ito at kulang-kulang limang daan pa lamang ang kinikita niya. Nagpatuloy siya sa paglalako dahil mukhang malaki-laki pa ang halagang bubunuin niya. Sa ‘di kalayuan, kita niya ang mga bata na naglalaro sa kalye.

“Ganyan din si Marian noong maliit pa siya eh. Ayos na sa kaniya ang mga laruan na ginagawa ko o kaya naman napupulot ko sa kalsada. Masaya naman. Naglalaro kami, nagtatawanan, parang lubos-lubos na ang kasiyahan,” pag-alaala ng ama sa pangyayari noong bata pa ang kaniyang anak.

“Iba na din talaga ang hinahanap ng mga kabataan ngayon, mas napapalayo na sila sa pamilya nila habang napapalapit naman ng husto sa mga selpon nila,” malungkot na naisip ni Mang Dindo.

Maya-maya pa ay nakita niya ang isang malaking bus na humaharurot papalapit sa mga bata. Walang pagdadalawang-isip ay ibinaba niya ang kaniyang dalawang basket at mabilis na tumakbo sa abot ng kaniyang makakaya upang iligtas ang dalawang bata. Hindi na nakapreno ang bus at imbes na masagasaan ang mga bata, bumangga ito sa mahinang katawan ni Mang Dindo. Malala ang pinasalang tinamo nito kaya agad itong isinugod sa ospital.

Alas-dos na ng madaling araw ay wala pa si Mang Dindo para sunduin si Marian. Nagulantang ang kaniyang mga kapatid, pati na si Marian ng may magbalita sa kanila na nasagasaan nga daw ang ama na ngayon ay kritikal ang lagay sa ospital. Agad na tumungo doon si Marian kasama ang kapatid ni Mang Dindo.

Matinding takot at pagsisisi ang lumukob sa anak at ang tangi lang nitong naiisip ay kung paanong sinigaw-sigawan niya ang ama dahil gusto niya ng selpon na hindi kayang maibigay nito. Pagdating sa ospital, hinayaan silang makapasok sa loob at doon ay nakita niya ang ama na nakahiga, maraming tubo ang nakakabit sa katawan nito. Ang sabi ng doktor ay tanging makina na lang daw ang bumubuhay dito sa ngayon. Hindi na niya mapigilan ang mapaiyak paglapit sa kaniyang ama na nag-aagaw buhay.

“Tay, sorry. Bangon ka na diyan, Tay. Hindi ko kailangan ng selpon o kahit na ano pa. Ikaw lang yung kailangan ko, Tay. Patawad po, Tay. Huwag mo akong iiwan, mahal na mahal kita, Tatay, patawad po…” paulit-ulit na sambit ng bente anyos na dalaga na walang ibang hiniling noon kung hindi ang magka-selpon.

Doon lamang niya naisip na sana naging kuntento na lamang siya sa kung ano ang kayang maibigay sa kaniya ng kaniyang ama. Sana mas nakita niya ang lahat ng sakripisyo at hirap nito para sa kaniya imbes ang mga pagkukulang nito.

“A-anak… Tahan na. Ayos lang ako. Ayos lang si tatay. Hindi pa ako pwedeng mawala, alam kong kailangan pa ako ng anak ko,” nanghihina ngunit nakangiti ng ngayong may malay nang matanda.

Walang pagsidlan ang sayang naramdaman ng dalaga nang makitang may malay na ang kaniyang ama. Ipinangako niyang magbabago na ng pag-uugali at hindi na maghahangad ng mga bagay na sobra-sobra sa kakayanan ng kaniyang tatay.

Ilang linggo ang lumipas at tuluyan nang nakalabas ng ospital ang mag-ama. Sa kabutihang palad ay binayaran naman ng pamilya ng mga batang sinagip ng lalaki ang lahat ng bayarin nila sa ospital. Bukod doon, nagbigay pa ito ng pabuya na siya namang ginamit ng mag-ama upang makapagsimulang muli. Nagpatayo na lamang sila ng isang maliit na tindahan upang hindi na kailangang magbabad sa init ng araw ang nagpapagaling pang matanda.

Ang paghahangad ng higit pa sa mayroon ka ay nakakasama hindi lamang sa sarili kundi pati na sa mga taong nasa paligid natin na nagmamahal sa atin nang lubos. Lalo na kung umabot sa puntong hindi mo na nakikita ang halaga nila.

Advertisement