Inday TrendingInday Trending
Pangako sa Hangin

Pangako sa Hangin

Junnie: Ninang, pasalubong ko ah!

Nangiti si Mariel nang mabasa ang mensahe na ipinadala ni Junnie. Isa sa napakarami niyang inaanak. Bata pa ito nang mangibang bansa siya, malapit siya rito at sa kakambal nito si Julia.

Matalik kasi niyang kaibigan ang nanay nito. Kaya naman nang manganak, ay ginawa agad siyang ninang.

Paborito niya ang dalawang bata. Ilang taon na kaya ang mga ito ngayon? Sandali siyang nag-isip.

Sa tantiya niya ay nasa labing-limang taon na sila ngayon. Maliit pa ang mga ito nang umalis siya. Ano na kaya ang itsura nila? Pinapadalhan siya ng kaibigang si Tanya ng mga litrato kung minsan. Pero iba pa rin talaga pag personal na, hindi ba?

Excited na siyang umuwi. Miss na niya ang mga kaibigan sa Pilipinas, lalo na si Tanya. Ang ina ni Junnie at Julia.

Ngumiti siya at nagtipa ng mensahe.

“Oo naman, Jun! Hintayin mo si Ninang, ha?”

Matapos nun ay inilagay niya na sa “airplane mode” ang cellphone. Isa-isa ay pinapasok na sila sa eroplano.

Hindi niya maiwasan na kabahan. Siguradong maraming nabago kaya maninibago talaga siya pagbalik.

Napag-usapan na nila ni Tanya na doon na muna siya tutuloy sa bahay nito. Ulila na kasi siya at ang kanyang mga kamag-anak ay nasa probinsiya pa nakatira.

“Hindi ba nakakahiya?” tanong niya pa dito.

“Ano ka ba?! Alam mo namang bukod sa dalawang bata, wala na akong kasama rito.”

Wala kasing asawa ang kaibigan niya. Iniwan ito at ang mga anak niya at saka naghanap ng iba. Mag-isa itong nagsikap para sa mga anak.

“Saka siyempre alam kong anak na ang turing mo dun sa dalawa kaya malaki ang tiwala ko sa’yo. Aalagaan mo ‘yung dalawa, sigurado ako.”

Ilang buwan na rin ang nakakaraan simula nang mapag-usapan iyon.

Hindi alam nang kaibigan na ngayon ang uwi niya. Hindi niya ipinaalam. Gusto niya kasi itong surpresahin.

Ngumiti siya nang maalala iyon kaya hinayaan na lang niya ito sa kagustuhan. Miss niya na rin naman ang kaibigan.

Nakatulog siya sa biyahe. Nang magising ay nakalapag na ang eroplano at nagsisimula na lumabas ang mga pasahero.

Tumayo siya at sumunod sa mga ito. Ang malamig na hangin ang bumungad sa kanya. Kakaiba. Hindi naman tag-lamig ngayon, naisip niya ngunit binalewala rin iyon.

“Ninang! Ninang!”

Narinig niyang may mga sumigaw. Hinanap niya ng mata ang pinanggalingan niyon hanggang sa namataan ang pamilyar na dalawang bata.

Ngumiti siya lalo at higit higit ang maleta ng lumapit.

“Junnie! Julia!”

Niyakap niya ang mga ito. Na-miss niya ang mga batang halos ituring niya nang mga anak.

“Ninang!” ani Junnie.

Nagmano naman si Julia sa kanya. Matapos ang yakap nila ay tinignan niya ang paligid. Kumunot ang kanyang noo at binalingan ang dalawa.

“Asan si Tanya? Asan mama niyo?” tanong niya.

Nagkatinginan ang dalawa. Matagal bago sumagot. Nagtaka siya doon.

“Si mama po? Tara, ninang. Puntahan po natin. Kaming dalawa lang po kasi ang pinagsundo, e,” paliwanag ni Junnie.

Tumango naman siya. Nagprisinta ang mga ito na dalhin ang kanyang mga maleta. Kahit na masaya ay sandali siyang nabagabag. Hindi niya alam kung para saan.

“Bakit iba dinadaanan natin? Lumipat ba kayo ng bahay?” tanong niya nang mapansin na iba ang tinatahak ng taxi.

Umiling si Julia. “Hindi po, pero wala po kasi sa bahay si mama,” sabi nito.

Tumango na lang siya kahit na naguguluhan sa inaasal ng dalawa. Naging tahimik ang biyahe.

May kung ano siyang nararamdaman sa kanyang dibdib. Kaba at pangamba. Hindi niya maipaliwanag.

Ilang buwan na niyang hindi nakakausap si Tanya.

“Ayos lang ba mama ninyo?” tanong niya sa wakas.

Ngumiti si Junnie. “Oo naman po, ‘nang! Saka matutuwa yun kasi nandito po kayo.”

Huminga siya ng malalim at ngumiti. Ngunit mabilis iyong napalitan ng kalituhan at takot nang huminto sila sa isang sementeryo.

“Tara, ‘nang…”

Hindi na siya nakapagtanong dahil nauna nang bumaba ang dalawa. Sumunod siya sa mga ito.

“Teka. Teka sandali lang, bakit tayo nandito?” tanong niya.

“Para po makita mo si mama,” ani Julia.

Sumunod siya rito. Abot tahip ang kanyang kaba. Mistulang naghahabulan ang mga daga.

Tumigil ang mundo niya nang huminto ang dalawa sa isang puntod. Hindi na siya nakalakad.

“Ninang, tara…” ani Junnie nang mapansing napako siya sa kinatatayuan. Lumapit ito sa kanya at hinigit siya palapit.

Tanya Grace Demesta

Ang kaibigan niya! Hindi siya halos makahinga. Gulong-gulo siya at higit sa lahat ay naiiyak. Hindi makapaniwala na wala na ang matalik niyang kaibigan.

Hinaplos niya ang puntod at ang nakaukit nitong pangalan.

“Tanya,” iyak niya.

“Anong nangyayari sa mama ninyo?” baling niya kay Junnie at Julia na umiiyak rin.

“Hindi ko po masyadong alam kasi sinisekreto po ni mama. Nalaman ko lang nung bigla siyang hinimatay tapos dinala ng mga kapitbahay sa ospital.”

Mas lalo siyang naiyak.

“Pero eto po, ‘nang. Sabi po ni mama, ibigay namin sa inyo pagdating nyo, e.” inosenteng sinabi ni Julia at inabot ang cellphone.

Nanginginig niyang pinanood ang isang video na nandoon. Si Tanya!

Maputla ito at walang buhok gayunpaman ang maganda nitong ngiti ay nananatili. Nangamusta ito na parang normal lang. Nagkuwento hanggang sa ipinaliwanag nito sa kanya ang lahat.

May sakit ito, breast canc*r.

Huli na nang na-diagnose ng mga doktor dahil wala masyadong sintomas. Sinubukan nitong agapan ngunit tinatabla na ng katawan nito ang mga gamot o kahit na anong treatment.

“Pasensya ka na, ha? Kung ‘di ko sinabi. Ayaw ko kasing mag-alala ka sakin. Ayos lang naman ako.”

Tumulo ang kanyang luha.

“Ayos lang sakin, tanggap ko na. Pero gusto ko pa sana mabuhay kasi pano yung mga anak ko? Walang magbabantay. Walang mag-aalaga.” Bumuhos ang luha nito.

Humihikbi siya nang tinignan si Julia at Junnie.

“Pero naisip ko, nandiyan ka naman e. Alam ko naman na kung mawala ako, hindi talaga sila mag-iisa. Hindi mo sila pababayaan. ‘Di ba?”

Tumango siya, sunod-sunod na para bang nakikita siya ng kaibigan. Nang matapos ang pinapanood ay pumalahaw siya ng iyak. Niyakap siya ni Junnie at Julia.

“Ako ang bahala. Ako ang bahala, Tanya. Aalagaan ko sila, pangako.” aniya habang nakatanaw sa puntod nito.

Umiiyak din ang dalawang bata. At mula sa malayo ay nakita niya ang isang babaeng nakaputi, nakangiti at nanonood sa kanila.

Pumikit siya ng mariin at nang muling dumilat ay wala na ito doon.

“Tanya?” tanong niya sa hangin.

“Ninang?” untag ni Julia.

Umiling siya. Hindi siya sigurado sa nakita. Ngunit nararamdaman niya na masaya ang kaibigan ngayon nang yakapin siya ng pamilyar na hangin.

Advertisement