Inday TrendingInday Trending
Mali at Tamang Biktima

Mali at Tamang Biktima

Sa kailaliman ng gabi ay tanging mga kuliglig lamang ang maririnig at isang maliksing anino lamang ang maaaninag.

Mabilis ang paggalaw ng anino, parang isang pusa at waring may hinahabol na kung ano. Mabilis itong pumasok sa bintana at muling nakalabas ng walang nakakapansin.

Kinakabukasan, habang nag-aalmusal si Calvin ay narinig niya sa balita ang nangyaring panloloob sa malaking bahay sa karatig baranggay.

“Walang maiturong suspek ang kapulisan sa nangyaring nakawan dahil walang naiwan na bakas ang salarin,” sabi pa ng nagbabalita.

Napangisi na lamang si Calvin at naisip, Malinis talaga akong trumabaho.

Sa kanilang pamilya, walang nakaaalam ng sikreto ni Calvin. Sa totoo lang, hindi din naman siya nagsisis na napunta siya sa ganitong klase ng trabaho.

Basta pinili niya na lang yung mas madali. Yung trabahong hindi siya kailangan tapak-tapakan at utus-utusan ng kung sino-sino.

Mapait ang ngisi ni Calvin nang maalala kung paano siyang napunta sa ganitong trabaho.

“Calvin! Ano na naman ba ‘to? Diba sinabi ko na na hindi na ako sa’yo kukuha ng gamot?” inis na sabi sa kanya ng kliyente niya na pharmacist.

“Sir, sige na ho, kailangan ko lang talaga makabenta ng limandaang tabletas, kundi mawawalan na talaga ako ng trabaho!” halos maglumuhod na siya dito, sa pagbabakasakaling mahahabag ito sa kanyang sitwasyon, ngunit tila wala itong naririnig na ipinagpatuloy ang ginagawa.

Tulala siya nang makalabas ng pharmacy. Napatingala siya upang pigilan ang pagbagsak ng kanyang luha subalit nagsimula nang pumatak ang ulan, na tila nakikiayon sa kanyang bigat na nararamdaman.

Nagsimula nang magsitakbuhan ang mga tao dahil palaki na ng palaki ang patak ng ulan subalit nagpatuloy siya sa mabagal na paglalakad habang nagmumuni-muni kung saan ba siya nagkamali at tila pinaparusahan siya ng langit.

Nagbalik lamang siya sa reyalidad nang mabangga ng isang bata na pamilyar na pamilyar, iniisip niya kung kilala niya ba ito ngunit tiningnan lamang siya nito bago tuluyang lumayo.

“Baka isa sa mga pasyenteng nakikita ko sa mga ospital na dinadalhan ko ng gamot,” kibit-balikat niya.

Ngunit nang kumidlat ay tila may kumislap din sa kanyang isip. Isang shop lifter ang bata! Nakapaskil ang mukha nito sa pintuan ng pharmacy na pinanggalingan niya!

Mabilis niya kinapa ang kanyang wallet at ganun na lamang ang kanyang panlulumo nang madiskubreng wala na ito sa kanyang bulsa.

“Wow, easy money!” kontrabidang sigaw ng kanyang isipan.

Yun na ang naging simula. Para itong naging sakit para kay Calvin. Mas madaling pera. Alam niya na naman na may karma, pero matagal pa ‘yon, dugtong ng kanyang isipan.

Nabalik lamang sa siya sa kasalukuyan nang bahagya siyang tapikin ng kanyang ina. “Anak, lumalamig na ang kape mo,” nakangiting paalala nito.

Napatingin siya sa ina at ngumit dito bago ipinagpatuloy ang pag-aalmusal.

Nang gabing iyon, ang pinakamalaking bahay sa karatig barangay ang napiling looban ni Calvin. Sa totoo lang, nakapagtataka na sa laki ng bahay wala man lamang itong home alarm.

Kagaya ng dati, walang ingay na nakapasok si Calvin sa bahay.

Nakaramdam siya ng matinding tuwa habang minamasdan ang magagarbong kagamitan sa bahay. Tiyak na makakarami siya ngayong gabi!

Kasalukuyan niyang inilalagay sa bag ang mga mamahaling alahas, gadget, at kung ano ano pa nang may tumakip sa kanyang ilong. Mabaho ang amoy nito at agad siyang tinakasan ng malay.

Nagising na lamang siya nang nakatali ang kamay at paa habang nasa harapan niya ang isang lalaki na sa tingin niya ay ang may-ari ng bahay.

“Gising na pala ang bata,” ngising-ngisi ito nang magsalita.

“Pakawalan mo ako rito!” sigaw ni Calvin habang nagpupumiglas sa upuang kinatatalian nito.

“Ano ang kailangan mo sa akin?” pagsuko ni Calvin nang mapagtantong wala siyang kawala dahil masyadong mahigpit ang pagkakatali sa kanya.

“Ikaw ang dapat na tinatanong ko niyan,” tila naaaliw na natawa ang lalaki sa tanong na nakuha mula sa magnanakaw.

Maya maya ay napansin ni Calvin ang itim na bagay na nasa lamesa sa harapan ng lalaking kumakausap sa kanya. Baril! Nakadama ng takot si Calvin. Mukhang mas halang pa ang kaluluwa ng lalaking ito sa kanya.

“Alam mo ba na sa mga pumasok dito ng walang pahintulot, wala pang lumabas na buhay?” maya-maya ay tanong ng lalaki. Hawak-hawak na nito ang baril na pinaglalaruan ng kaliwa nitong kamay.

Kinilabutan si Calvin. Mukhang mas maaga siyang nahanap at binalikan ng karma.

“May gusto ka pa bang sabihin?” tanong ng lalaki habang itinututok sa kanya ang baril.

Tumulo ang luha ni Calvin. Bumulong. “’Nay, patawad at muli na naman kitang bibigyan ng pasakit.”

Pumikit si Calvin at hinintay ang katapusan. Walang maririnig kundi ang huni ng mga kuliglig. Maya-maya ang naramdaman niya ang tila maliit na batong tumama sa kanyang noo.

Tapos na ba? Pat*y na ba ako? Takang tanong niya nang walang naramdamang sakit, hindi kagaya ng kanyang inaasahan.

Pagdilat niya ay nandun pa din siya sa silid na iyon. Ang lalaki naman ay matamang nakatingin sa kanya habang ang baril ay nasa lamesa na ulit.

“Nagsisisi ka na ba sa mga nagawa mong pagkakamali?” tanong ng lalaki.

Tumango naman si Calvin. “Akala ko ito na ang karma ko, ano ang nangyari? Naawa ka ba sa akin?” Gulong gulo ang mukha nito.

“Laruan lang yan, panakot ko sa mga nagnanakaw rito,” tawa ng lalaki at lumapit sa kanya upang kalagan siya sa pagkakatali.

“A-anong ginagawa mo?” takang tanong ni Calvin.

“Hindi naman ako masamang tao. Humuhuli lang ako ng masasamang loob at binibigyan ko sila ng panahon para mag-isip,” paliwanag nito.

“Mag-isip na?” Hindi pa din nawawala ang pagkalito sa mukha n Calvin.

“Mag-isip na hindi na nila kailangan malagay sa kapahamakan bago pa sila magsisi at magbago!” Tila proud naman ang lalaki sa ideya nito.

“’Wag kang mag alala, hindi ako magsasampa ng kahit na anong reklamo sayo. Basta ‘wag ka lang uulit,” pangako ng lalaki kay Calvin.

Noon na naunawaan ni Calvin ang lahat. Nakahinga siya ng maluwang.

“Salamat, at nagkaroon ako ng pagkakataong makapagsimula ulit,” sabi ni Calvin sa lalaki bago tuluyang nilisan ang bahay.

Habang pauwi si Calvin ay may mga bagay na naglalaro sa kanyang isipan. Naisip niya na mali nga ang magtanim siya ng galit sa mundo at idamay ang mga inosente. Mali ang katwiran na nanakawan siya kaya magnanakaw na lang din siya. Bakit naman ang lalaking may-ari ng bahay, nagawa siyang patawarin nang ganun ganun na lang?

Mabuti na lamang ay nabigyan ng pagkakataon na magsisi at magbago si Calvin. Tatanawin niya ‘yong malaking utang na loob hangga’t nabubuhay siya.

Advertisement