Inday TrendingInday Trending
Biyaya ng Dagat

Biyaya ng Dagat

Misteryoso ang dagat para kay Aling Maria. Marami itong biyaya. Naniniwala siya na kaya nitong maghatid ng ginto o diyamante.

Pangarap niya na sana, kahit na alinman sa biyayang iyon ang makuha nila ng kanyang asawa para magbago ang kanilang buhay.

“Kumain ka muna,” aniya sa asawa nang aktong paalis na ito ng munti nilang bahay.

Tiningnan siya nito.

“Hindi na. Ayos na ‘tong kape, saka inaantay na ako nila Pareng Barnie. Papalaot na kami habang maaga,” kumbinsido nitong sabi.

“Balutin mo na lang pala. Yung isang bata na kasama namin hindi kumakain,” anito, binabawi ang sinasabi.

Tumango siya. Alam niya na agad ang gusto nitong ipahiwatig.

Kilala ang kanyang asawa sa pagiging matulungin at sa pagiging mabait sa kapwa. Isa iyon sa hinahangaan niya rito, kahit na hindi sila mayaman ay hindi ito nakalilimot na tumulong sa kapwa.

“Ingat ka ha!” anito bago tuluyang umalis.

Huminga na lang ng malalim si Aling Maria habang pinapanood ang papalayong bulto ng asawa. Dala nito ang timba na lalagyan ng mahuhuli at ang lambat.

Suot nito ang pulang damit na mahaba ang manggas ngunit marami na ring butas sa kalumaan pati na rin ang pang-ibaba nito. Suot nito ang lumang tsinelas at sumbrero. Panlaban sa matinding sikat ng araw.

Lumipas ang maghapon. Naging abala siya sa pagbibilad ng mga isda na ibebenta niya sa bayan.

“Aling Maria! Aling Maria! Nandiyan na po si Tatay kasama po si Mang Ador! Hinahanap ka po! Kailangan nila ng tulong!” anito.

Nataranta siya doon. Walang pasubali niyang iniwan ang ginagawa.

“Bakit, Andeng? Anong nangyari?”

Naguluhan ito. “Uh, basta po! Sumama na lang po muna kayo sa akin! Tara na po!” anito.

Hinila nito ang kanyang braso hanggang sa makarating sila sa dalampasigan. Naroon na ang bangkang ginagamit ng asawa kaya’t mabilis siyang tumakbo doon.

“Anong nangyari?” tanong niya agad.

“Ang asawa ko? May nangyari bang masama?” baling niya kay Pareng Barnie.

“Hindi! Napakanerbiyosa mo naman!” pabiro pa nitong utas.

Nakahinga siya ng maluwag doon. Mabuti naman.

“Kung ganoon, Bakit nyo ko pinatawag? Nasaan na ba si Ador?” tanong niya ulit.

“Tulungan mo ko dito, pare.” narinig niya ang boses ng kanyang asawa.

Mula sa gilid ng bangka ay may lalaking nakahiga. Wala itong malay. Lumipad ang palad ni Aling Maria sa kanyang bibig.

“Anong nangyari? Kayo ba ang may kagagawan nito?” tanong niya.

“Ang sabi ko sa’yo ginto, hindi tao! Ano ka ba naman?” problemado niyang sinabi.

Tumawa si Pareng Barnie.

“Ano ka ba, mare! Siyempre, di naman magagawa yun. Kanina kasi habang nangingisda kami, nakita namin siyang palutang lutang sa dagat. Siyempre tinulungan ni Pareng Ador. Kilala mo naman ‘to,” kuwento nito habang nakangisi.

“Sa atin na muna siya,” deklara ni mang Ador. Napamaang siya rito.

“Ano ka ba? Siyempre, may sakit ‘yan.” Biniling nito ang leeg ng lalaki.

“Saka hindi natin alam kung sino o tiga-saan.”

Pinandilatan niya ng mata ang asawa. “Oo nga! Kaya mas lalong dapat ‘wag natin siyang patuluyin. Pano kung magnanakaw pala ‘yan? O mamamatay tao?”

Nginiwian siya ni Pareng Bernie bago ito nagpaalam. Umalis ito ng dala ang ibang huli.

“Hay nako, basta’t tutulungan natin siya. Hindi natin siya pababayaan rito,” sabi nito sa boses na may pinalidad.

Wala na siyang magagawa. Kahit na tumutol siya. Kaya naman dinala nila ito sa kanilang bahay.

“May lagnat. Mag-iinit ako ng mainit na tubig,” presinta ng asawa.

Tumango siya at tiningnan ang binata. Maputi ito, hindi kagaya nila na sunog ang balat. Sa tingin nga niya ay dayuhan ito kaya paano ito makakabalik sa kanila?

“Magpupunta ako sa bayan, bukas. Susubukan kong magtanong-tanong.”

“Mabuti pa nga.” Ngiti niya at pinagpatuloy ang pagpupunas dito.

Sa mga sumunod na araw ay nagpabalik-balik ang kanyang asawa sa bayan ngunit nanatili itong bigo. Nagising na rin ang binata, ayon dito ang pangalan nito ay David.

Isa raw itong turista at manininisid ng dagat. Kaya nga lang, malakas ang alon kaya’t napahiwalay ito at inanod sa kung saan.

Malaki ang pasasalamat nito sa kanila. Ang problema na lamang talaga ay hindi nila alam kung paano ito makakabalik.

“Nay, ako na po diyan!” anito at tinulungan siya sa kanyang ginagawa.

“Salamat, ‘nak ha.”

Mabait kasi ito kaya naman mabilis na naging malapit ang loob niya rito. Sa halos isang buwan na ito sa kanila, ay anak na ang turing niya rito.

Wala kasi siyang anak kaya siguro ay mas lalo siyang napalapit dito. Nabanggit din kasi nito na pumanaw na pareho ang mga magulang nito.

“David, David! Magandang balita! Nahanap ko na yung hinahanap natin!” masayang balita ng asawa niya sa kanila isang araw.

Nang araw din na iyon ay dumating ang mga kaibigan nito para sunduin ang binata. Malungkot siyang ngumiti.

“Ingat ka!” aniya.

Niyakap siya nito. “Babalik ako dito, ‘nay. ‘Wag kang mag-alala,” bulong nito.

Gusto nitong bigyan siya ng pera para sa mga nagawa nila para dito ngunit tinanggihan nila iyon.

“Hindi namin kailangan ‘yun. Ang maganda, bumalik ka lang dito ha. Kahit na anong oras,” tumango naman ito at ngumiti.

“Sige po! Asahan mo ‘nay, ha.”

Ngumiti ito at tinanaw nilang dalawa ng kanyang asawa ang paalis na bangka kung saan ito nakasakay.

Tanaw niya ang dagat.

Tama siya. Hindi man sila payayamanin ng dagat, maaaring mang delikado ito, ngunit marami itong biyayang higit pa sa pisikal.

Kasama doon si David. Binigyan siya ng dagat ng anak na hindi siya nagkaroon, at walang diyamante at ginto ang tutumbas doon.

Advertisement