Inday TrendingInday Trending
Sa Inyong Pagtanda

Sa Inyong Pagtanda

“Tay, nakabasag na naman kayo ng pinggan?!” sigaw ng anak matanda na si Robert. “Ilang beses ko po bang sasabihin sa inyo na huwag na kayong makialam diyan sa mga kasangkapan! Tingnan ninyo at nakabasag na naman kayo! Alam n’yo bang mamahalin ang mga pinggan na ito?!” nayayamot na sambit ng lalaki habang nililigpit ang mga bubog ng basag na pinggan.

“Ano na naman ang nangyari dito?” sambit ni Dalia, asawa ni Robert. “Basag na naman? Pang-ilan na po ba itong pinggan na ito, tay!” naiinis na wika ng ginang.

“Robert, pagkatapos mong maglinis diyan ay kailangan nating mag-usap,” saad ni Dalia sa asawa.

Dahil sa katandaan ni Mang Andoy ay laging mainit ang ulo ng kaisa-isa niyang anak na si Robert. Sa kanilang pananaw kasi ay puro problema na lamang ang dala nito sa kanilang pamilya. Palagi kasi itong nakakasira ng mga kagamitan sa kanilang bahay. Umiihi na rin si Mang Andoy kung saan maabutan. Madalas din niyang matapon ang kaniyang pagkain. At madalas ay nagpupumilit pa itong lumabas ng bahay upang maglakad-lakad. Malabo na ang mata ng matanda. Mahina narin ang pangdinig niya at dahil sa katandaan na rin nito ay mahirap na itong pagsabihan. Dahil dito ay palaging nagtatalo sina Dalia at Robert.

“Kailangan na nating dalhin sa isang nursing home ang tatay mo. Hindi na natin siya kayang alagaan dito. Masyado na siyang pabigat!” mahina ngunit galit na wika ni Dalia.

“H’wag mong sabihin sa akin, Robert, na magtiis sapagkat hindi ko na kayang pati ang tatay mo ay iintindihin ko. Masyado na akong nakunsumo ng trabaho at pag-aasikaso ko sa inyo at sa bahay. Hindi ko na makakaya pa ang stress na dinadala ng tatay mo sa atin,” saad pa niya.

“Alam mo namang mahal kung ilalagay natin si tatay sa isang nursing home, Dalia, malaking pera ang ilalabas natin,” tugon ng mister.

“Kaya naman nating bayaran ‘yon, Robert. At mas nanaisin ko pang magbayad kaysa makasama ko rito araw-araw ang tatay mo. Sapat na sa akin na ang anak nating si Sean at ikaw na lamang ang inaalagaan ko!” giit pa ng ginang.

“Basta, Robert, huli na ‘yan! Mag-isip ka, tatay mo ang aalis o kami ng anak mo,” pananakot ni Dalia.

Dahil sa sinabi ng kaniyang misis ay tila nakapagdesisyon na si Robert na ilagak ang ama sa isang nursing home. Nagpunta ito sa kaniyang kompyuter shop at naghanap ng maayos na pasilidad para ama. Kahit paano ay mabigat pa rin ang kaniyang kalooban.

Isang araw ay nakita niya ang anak sa silid nito na nagbibilang ng barya ay inihuhulog sa kaniyang alkansya. Sa tuwa ng ginoo ay tinawag niya ang asawa upang makita ito.

“Dalia, tara dito at tingnan mo ang anak natin. Nakakatuwa na sa murang edad niya ay natututo na siyang mag-ipon ng pera,” natutuwang sambit ni Robert sa asawa.

Laking tuwa din ni Dalia nang makita niya ang kaniyang anak na abala sa ginagawa nito.

“Nagmana sa akin ang anak natin, Robert. Mahilig mag-ipon. Natutuwa ako at ngayon pa lang ay alam na niya ang halaga ng salapi,” buong pagmamalaki ng ginang.

Nang makita sila ng anak ay isang matamis na ngiti ang ibinigay nito sa mag-asawa.

“Pinagmamalaki ka namin, anak, sapagkat hindi lahat ng bata ay marunong mag-ipon,” wika ni Robert.

“Maaari ba namin malaman ng daddy mo kung ano ang pinag-iipunan mo, anak?” malambing na tanong ni Dalia.

“Pinag-iipunan ko po ang perang kinakailangan ko sa pagdadala sa inyo sa isang nursing home sa pagtanda ninyo, mommy at daddy,” tugon ng anak. Laking gulat ng mag-asawa sa sagot ni Sean.

“Anong ibig mong sabihin, anak?” pagtataka ni Robert.

“Nakikita ko po kasi ang pagtrato ninyo kay Lolo. Narinig ko rin po na mahal ang gagastusin sa paglalagay sa kaniya sa isang nursing home. Dahil ayaw ko pong mapagsalitaan ko kayo ng masakit at itrato ko kayo ng masama tulad ng pagtrato niyo kay lolo ay ilalagay ko na po kayo agad sa isang nursing home pagtanda ninyo. Dahil dalawa kayo ay higit na mahal ang gagastusin ko kaya ngayon pa lang po ay nag-iipon na po ako,” inosenteng pahayag ng bata.

Hindi alam ng mag-asawa ang kanilang mararamdaman sa naisip ng kanilang anak. Malaki pala ang epekto ng nakikita niyang hindi magandang pagtrato ng mag-asawa sa matanda. Lubusan ang kanilang pagsisisi at napagtanto nila ang kanilang masamang ginagawa. Mula noon ay naging maayos na ang pakikitungo nila kay Mang Andoy at hindi na nila ito dinala sa isang nursing home bagkus ay kumuha na lamang sila ng makakatulong na mag-aalaga sa matanda.

Tunay na ang ginagawa ng nakatatanda ay nagiging tama sa mata ng mga bata. At kung ano ang ginagawa mo sa iyong magulang ay maaaring gawin din ito sa iyo ng iyong anak. Hindi rason ang lubusang katandaan ng ating magulang upang hindi na nila matanggap ang respetong nararapat sa kanila. Sila ang kumalinga sa atin noong tayo ay musmos pa lamang kaya sa kanilang pagtanda ay marapat na ibalik natin ito sa kanila.

Advertisement