Inday TrendingInday Trending
Ang Aking Madrasta

Ang Aking Madrasta

Kadarating lamang ng dalagang si Joy galing trabaho sa kanilang tahanan. Sinalubong ito ng kanyang madrastang si Leny habang ang kanyang ama naman ay nasa kusina at naghihintay.

“Tamang-tama ang uwi mo, Joy. Naghain na ako. Tara at kumain na tayo. Naghihintay na ang daddy mo sa kusina. Nagluto ako ng paborito mong mechado,” nakangiting paanyaya ni Leny.

“Kumain na ako sa opisina kanina,” tipid na sagot ng dalaga sabay panhik sa kanyang silid.

Malayo ang loob ni Joy sa kanyang madrasta. Ilang buwan kasi makalipas lumisan ang kanyang ina sa kanilang bahay ay agad iniuwi ng kanyang amang si Alfredo ang babae. Mula noon ay si Leny na ang naging ilaw ng tahanan.

Tuluyan nang napawalang bisa ang kasal ni Alfredo sa dati niyang asawa at pinakasalan si Leny. Kahit matagal nang kasal ay hindi na nagkaanak pa ang dalawa. Pilit mang inilalapit ni Leny ang kaniyang sarili sa anak ni Alfredo ay hindi siya kayang tanggapin ng dalaga.

Bumalik si Leny sa hapag-kainan.

“Busog pa raw ang anak mo at kumain sa opisina. Tara, mahal, kain na tayo,” nakangiting wika ni Leny sa asawa.

Kahit na nakikita ni Alfredo ang ngiti sa mukha ni Leny ay alam niyang nasasaktan ang ginang sa pagtrato sa kanya ni Joy. Pagkatapos maghapunan ay pumunta ang ginoo sa silid ng anak upang kausapin ito.

“Anak, ilang taon na rin nating kasama ang Tita Leny mo. Baka naman pwede mo nang ikonsidera na itrato siya ng maayos. Mabait ang tita mo. Inaasikaso niya tayo,” pakiusap ni Alfredo.

“Kahit kailan ay hindi niya mapapalitan ang mommy ko, dad! Kaya tigilan na niya ang pagpapakitang tao sa akin kasi kahit anong gawin niya ay mang-aagaw pa rin ang tingin ko sa kaniya!” pabalang na sagot ng anak.

“Huwag kang magsasalita ng ganyan sa tita mo. Hindi mo alam ang totoong nangyari!” sambit ng ama.

“Totoo naman, dad. Malandi ang babaeng ‘yan at sinira niya ang pamilyang ‘to . Hindi na magbabago ang tingin ko sa kanya. Kaya kung pumunta lamang kayo sa silid ko upang kausapin akong pakitunguhan ng maayos ‘yang kerida ninyo ay makakaalis na kayo. Hinding-hindi ko po papalitan ang mommy ko sa puso ko,” giit ng dalaga.

Dahil sa galit sa pagsagot ng anak ay sasampalin ni Alfredo si Joy ngunit biglang dumating si Leny upang pigilan ang mister.

“Tama na ‘yan, mahal. Tara na sa kwarto. Huwag ka nang makipag-away sa anak mo,” pakiusap ng ginang.

Nang makaalis ang mag-asawa ay hindi naiwasan ni Joy ang maiyak. Labis niyang hinahanap-hanap ang yakap ng kanyang ina.

“Bakit kasi hindi na lang ikaw ang narito, ma. Sana ay isinama mo na lamang ako nang umalis ka,” wika niya sa sarili.

Nagpatuloy ang pangit na pagtrato ni Joy sa kanitang madrasta. Lalong lumamig ang kaniyang pakikitungo sa asawa ng kaniyang ama. Isang araw ay naisipan niyang tuntunin ang kaniyang ina upang sumama na rito. Nagtanong-tanong siya sa ilang kamag-anak ng kaniyang ina ngunit wala siyang makuhang impormasyon.

Hanggang sa isang araw na nais na niyang sumuko ay nakausap niya ang matalik na kaibigan ng ina. Itinuro nito ang kinaroroonan ng kaniyang nanay. Agad tinungo ng dalaga ang lugar at nakita niya ito sa harap ng isang bahay.

Patakbo siyang lumapit sa ina at yumakap. Sa gulat ng kaniyang ina ay naitulak niya si Joy.

“Anong ginagawa mo rito?” tanong ng ina.

“Nagpunta po ako dito para makita kayo. Matagal po akong nangulila sa inyo, mommy,” umiiyak na tugon ng dalaga. Ngunit tila hindi kagalakan ang naisukli sa kaniya ng ina.

“Umalis ka na rito. Huwag mong guluhin ang buhay ko. May pamilya na ako. Umuwi ka na sa ama mo!” pagtataboy ng ginang.

Lubusang ikinagulat ito ng dalaga. Hindi niya akalain na sa tagal ng kanilang hindi pagkikit ay magiging ganito pa ang reaksyon ng kaniyang ina. Lubusan ang sama ng loob niya at napaiyak na lamang ito na umuwi sa kanilang bahay.

Nang malaman ng kaniyang ama ang nangyari ay inamin na nito ang katotohanan.

“Anak, hindi lumisan ang iyong ina dahil mayroon akong iba. Matagal nang may minamahal ang iyong ina at hindi ako iyon. Pinili niyang sumama sa lalaking iyon,” pag-amin ng ama.

“Sa sobrang lungkot ko ay halos kitilin ko na ang aking buhay sapagkat mahal na mahal ko noon ang mommy mo. Ngunit dumating ang Tita Leny mo at iniligtas niya ako sa aking pagkalugmok. At dahil alam kong kailangan mo ng isang ina ay minarapat kong tuluyan siyang pakasalan,” pahayag pa niya.

“Ayaw ng Tita Leny mo na ipaalam pa sa iyo ang tunay na ginawa ng iyong ina sapagkat ayaw niyang mabahiran ang pagtingin mo sa mommy mo. Ayaw niyang sumama ang loob mo at magtanim ka ng hinanakit dahil mommy mo pa rin siya. Patawad, anak, kung inilihim namin ito sa iyo,” sambit ng ama.

Hindi makapaniwala si Joy sa kaniyang mga narinig. Ang buong akala niya ay ang kaniyang madrasta ang sanhi ng paghihiwalay ng kaniyang mga mgaulang. Ang totoo pala ay pinagtatakpan pa nito ang mommy niya upang hindi masira ang mabuting imahe nito.

Dahil naisip niya ang lahat ng pag-aaruga at pag-aasikaso sa kaniya ng madrasta ay napagtanto niyang mas naging ina pa ito kaysa sa inang nagsilang sa kaniya. Simula noon ay hindi na masama ang pagtrato ni Joy sa kaniyang Tita Leny. Tinuring na rin niya ito na isang tunay na ina. At isang araw ay tinawag na rin niya ang madrasta na Mommy Leny.

Advertisement